Kabanata Labing-tatlo

96 2 0
                                    

Kabanata 13:
Tanda iyan na Magkaibigan tayo

Dama kong pinagmamasdan niya ang aking wangis at wala akong magawa kundi ang tumingin lamang sa malawak na karagatan. Napansin kong ngumiti siya habang nakatingin sa aking mga mata dahilan upang mapatingin din ako sa kaniya. "Maaari ba kitang maging kaibigan?"

***

Taong 1891, Disyembre 25, Barko

Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang kaniyang katanungan. Malakas na umihip ang hangin habang nakatingin kami sa isa't isa. Lumipad ang iilang hibla ng kaniyang buhok na mas nagpaaliwalas sa kaniyang wangis. Dahan-dahan siyang ngumiti at magsasalita na sana nang may magsalita sa aming likuran.

"Rolando, hinahanap ka na ni Don William." Sabay kaming humarap ni Antonio sa nagsalita. Kumunot ang aking noo habang nakatingin sa kanilang dalawa.

Anong ibig sabihin nito?

"Magandang umaga sa iyo, binibining Rosa." Ngumiti sa akin si ginoong Samuel samantalang hindi pa rin mawala sa aking isipan ang kaniyang sinambit.

"Masusunod, Senor." Naging seryoso ang tono ng boses ni Antonio at hindi na lumingon pa sa akin dahilan upang habulin ko siya ng tingin. Ibinigay ni Samuel ang kulay itim na sombrero kay Antonio dahilan upang may kung anong kaba ang aking naramdaman.

Hahabulin ko pa sana ito ngunit natigilan ako nang mapagtanto ang aking gagawin sapagkat batid kong magkaribal pa rin kaming dalawa. Dapat hindi na ako nanghihimasok sa kaniyang buhay sa kadahilanang hindi naman ako pumapayag sa kaniyang kagustuhan na kami'y maging magkaibigan.

***

NAPAGDESISYUNAN kong bumalik na lamang ng aking kwarto. Binuksan ko ang pinto at aking nadatnan si kuya Luis na nagbabasa. Napatingin naman ito sa akin at ibinalik muli ang atensyon sa libro.

Tumabi ako kay kuya Luis upang kausapin ito. "Kamusta ka, Kuya?"

Hindi niya ako sinagot at nagpatuloy lang sa pagbabasa. Nasa kama ito ngayon at nakahiga. "Kuya Luis?" Tanong ko pa. Ibinaba niya ang kaniyang binabasang libro at nakasalubong ang kilay na nakatingin sa akin.

"Ano ba ang iyong kailangan? Buhay naman na si Lina?" Ramdam ko ang inis sa kaniyang tono.

"Nais ko sanang magka-ayos tayo. May dahilan naman ako kung bakit ayaw kong matuloy ang kasal-----"

"Rosa. Mahal namin ang isa't isa. Hindi magagawa sa akin iyon ni Francine." Umupo ito at inayos ang kaniyang kama.

Tumingin muli siya sa akin na magkasalubong ang kilay. "Hindi ko ibig ang isang kapatid na tulad mo." Nagitla ako sa kaniyang sinabi.

"Hindi ka ganiyan noon, Rosa! Hindi ko mabatid kung ano ba ang nangyari sa iyo! Simula noong nagtungo ka sa bilangguan para kila Oliver at Dario ay nagbago ka!" Hindi ako makapagsalita sapagkat sinisigawan niya ako. Napalunok ako ng laway at yumuko. Nagsimulang mamuo ang mga luha sa aking mga mata ngunit hindi ko dapat ipakita sa kaniya na nasasaktan ako sa sinasabi niya. Hindi naman ako nito totoong kapatid.

Nilakasan ko ang aking loob na magsalita. "K-kuya Luis. Alam ko ang katotohanang hindi ka naman talaga mahal ni Fran-----"

"Anong karapatan mong sabihin iyan sa kaniya? Aking nakita kung paano mo siya itinulak ng gabing iyo-----"

"Hindi ko mawari kung bakit hanggang ngayon ay galit ka pa rin sa akin! Samantalang siya naman talaga ang naunang nanggulo doo----"

"Rosa, manahimik ka! Hindi ko nais makipagayos sa iyo." Napatingin ako sa kaniyang mga mata nang sabihin niya iyon. Alam kong nakita niya ang mga luhang nagbabadyang tumulo sa aking mga mata. Dahan-dahan kong ibinaba ang aking tingin at ipinikit ang aking mga mata dahilan upang tumulo ang aking luha. Naramdaman ko ang pag-alis nito dahil pabagsak nitong isinarado ang pinto.

Jardín de RosasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon