INGRID
"Ano ba naman ang nangyayari sa bayan na 'to? Brutal naman ng nangyari sa mga Onesa. Akalain mo, sa sobrang sunog ng mga katawan nila ay pati DNA ay 'di na matukoy," sabi ni Tatay habang nagbabasa ng newspaper. Ako naman ay nakikinig lang sa kanila ni Nanay habang naghuhugas ng pinagkainan.
"Ano raw ba ang dahilan?" Sabi ko habang pinapagpagan ang kamay na basa.
"Hindi matukoy, pero sa tingin ko ay sadya ito. Ganito kalala? Sadya 'to. Sabagay, dating Mayor naman ng Sandoval si Adrastos Onesa, maraming kalaban, siguro ay mga nakaaway niya ito dati sa pulitiko," sabi ni Nanay. Napatango-tango naman ako.
"Alam mo, may hula ako," sabi ni Tatay. Nagkatinginan naman kami ni Nanay nang magsalita si Tatay. "Sa tingin ko ay si Edgar ang gumawa niyan."
Napatingin naman sa akin si Nanay. "Paano mo naman nasabi 'yan? Hindi magandang naninisi ka ng tao, ha? 'Di porket ayaw mo sa nobyo ng anak mo."
"Tay, mabait naman po si Edgar. Opo, nagda-drive siya ng tricycle, pero maayos naman po siyang tao," pagpapaliwanag ko.
"Hindi ako naninisi, at 'di ko siya sinisisi dahil lang sa 'di ko siya gusto. Tignan niyo nga, nawawala si Edgar. Usap-usapan sa labas na matapos ang nangyaring pagsunog sa tahanan ng mga Onesa ay saktong nawala rin ang lalaking 'yan," sabi ni Tatay. Direkta siyang nakatingin sa akin.
"Nakakausap mo ba si Edgar, anak?" Tanong ni Nanay. Iling lang ang naging sagot ko.
"Malamang, hindi niya 'yan makausap dahil nagtatago!" Sambit ni Tatay.
Napabuntong hininga na lang ako at tumayo sa kinauupuan ko. "Mag-aayos lang po ako ng gamit ko."
Pumunta ako sa kwarto ko at nagligpit. Aalis na ako mamaya at babalik na sa Manila. Magpapasukan na kasi sa susunod na linggo. Sa Manila ako nag-aaral at kumukuha ng kursong Medical Technology.
"Anak," sabi ni Nanay pagkapasok sa kwarto. "Ayos ka lang ba?"
"Minsan, sobra na rin po si Tatay, 'Nay," inayos ni Nanay ang buhok ko at inilagay sa likod ng tenga.
"Alam mo, anak, kahit ampon ka lang namin ay mahal na mahal ka namin ng Tatay mo. 'Yong Tatay mo, mahal na mahal ka niyan, anak. Gusto niya lang kung ano ang ikabubuti mo," sabi ni Nanay at napangiti naman ako sa sinabi niya.
"'Nay, ayos lang ba sa 'yo si Edgar para sa akin?" Tanong ko.
"Mabait na bata 'yan si Edgar, gwapo pa, bagay na bagay sa isang magandang dilag na katulad mo, anak," napayakap naman ako kay Nanay dahil sa sinabi niya.
Ampon lang ako nila Tatay at Nanay. Hanggang ngayon ay 'di namin alam kung sino ang mga magulang ko. Sa kanila ako lumaki at hindi ko naman naramdaman na iba ako sa kanila dahil lubos ang pagmamahal nila sa akin.
Kinahapunan ay nakahanda na ako pabalik sa Manila. Nakabihis ako ng puting blusa at maong na shorts. Hawak-hawak ko rin ang maleta ko.
"'Tay, 'Nay, aalis na po ako," pagpapaalam ko.
"Mag-iingat ka, anak, ha?" Sabi ni Nanay at tumango naman ako. Nakaramdam ako ng kamay na pumatong sa balikat ko kaya napatingin ako kay Tatay.
"Pagpasensiyahan mo na ang Tatay, anak, ha? Labis lang akong nag-aalala sa 'yo," sabi ni Tatay.
"Naiintindihan ko po, 'Tay. Naiintindihan ko po," sabi ko habang nakangiti. Yumakap naman si Tatay sa akin. Yumakap din si Nanay. Mami-miss ko sila.
Lumabas na ako ng bahay namin at naglakad papuntang kanto. Mag-aabang ako ng tricycle para makapunta sa terminal ng mga bus. Bigla ko tuloy naalala si Edgar. Dito ko siya nakilala sa mismong kanto namin. Tatlong taon na kami at nauna ko siyang nakilala noong high school pa lang ako. Siya ang naging tagasundo at tagahatid ko. Ang kaso ay ayaw sa kaniya ni Tatay dahil tricycle driver lang daw siya.
BINABASA MO ANG
Forbidden Short Stories
General FictionA list of short stories PUBLISHED: April 4, 2018