Nang matapos ang isinagawang transvaginal ultrasound sa isang pasyente, dahan-dahan ko nang inalis ang probe sa kaniyang ari. Nahihiya pa siya kanina pero ngayong nalaman niyang limang linggo na siyang nagdadalang-tao ay umiyak siya sa tuwa. Dalangin niya raw kasi na mabigyan na ng anak ang asawa. Dalawang taon na raw silang sumubok at ngayon pa lamang nabiyayaan.
"Alagaan mong mabuti ang sarili mo lalo pa't nasa early stage ka pa lang ng pagbubuntis. May irereseta akong prenatal vitamins na dapat mong inumin. Iwasan ang mga nakasasama sa katawan katulad ng alak at sigarilyo. Kumain ka ng mga whole foods. Isa pa, ugaliin mong mag-ehersisyo o maging aktibo ng kahit thirty minutes kada araw." Isinulat ko sa medical prescription ang kaniyang resetang mga bitamina.
"Salamat, Dok," aniya't malawak na ngumiti.
Napalingon ako sa pintuan noong pumasok si Vidalia na may dalang mga records. Napakunot-noo ako dahil wala naman kaming napag-usapan kaninang may hihingin akong records ng mga pasyente. Gayunpaman, resident midwife siya rito kaya siya ang nakaaalam sa records ng past pregnant women. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit niya inilalatag sa akin ngayon ang records na wala naman akong kinalaman.
"Dok, nandito lahat ng records ng mga nagpa-check up na rito at nanganak. Baka kailanganin niyo para sa medical history." Inilapag niya sa desk ko ang gabundok na mga papel.
"Ha? Sige, salamat, Vida." Kahit naguguluhan sa kaniya, ginawaran ko pa rin siya ng tipid na ngiti. Tango lang ang itinugon nito bago pinasadahan ng masusing tingin ang pasyente ko na narito pa pala at hindi ko pa nabibigyan ng reseta.
"Ah, may sasabihin pala ako sa'yo mamaya," sabi ko kay Vidalia bago ito tuluyang umalis. Hindi pa rin nawala sa pananaw ko ang kakaiba niyang tingin sa pasyente ko. Ipinagsawalang bahala ko na lang 'yon.
Noong sumapit ang hapon, isinilid ko na ang aking mga gamit sa bag. Ipinatong ko muna sa maliit na cabinet ang mga papel na ibinigay ni Vidalia kanina. Oo nga pala't kakausapin ko pa siya ngayon. Gusto ko lang maliwanagan kung may sama ba siya ng loob sa amin dahil wari'y nasasapawan ang kaniyang pwesto dito sa Mary's Home. Ilap kasi ito sa amin, lalo na sa akin. Baka ganoon ang saloobin niya kaya gusto ko lang klaruhin. Gusto kong walang samaan ng loob. Pareho naman kami ng kagustuhan; iyon ay ang mapabuti ang mga pasyente.
"Uuwi ka na rin ba, Dok Chen? Nauna na si Dok Belinda dahil magluluto pa raw siya ng ginisang gulay para sa hapunan natin," ani Dok Janet na handa nang umalis. Bitbit niya ang nakabukas na bulaklaking payong dahil pumapatak na ang ulan sa labas.
"Mamaya pa, Dok. Kakausapin ko muna si Vida," tugon ko naman.
Umasim ang mukha ni Dok Janet pagkarinig niyon. Ewan ko ba. Hindi niya raw gusto ang awra ni Vidalia. Sigurado naman akong mabait ang babae. Mahiyain lang siguro kaya mailap at hindi palakibo.
"Sige, mauna na ako, ah. Maggagabi na rin kasi," saad niya. Naiwan na ako roon sa loob ng Mary's Home. Umalis na rin kasi si Marites kanina pa.
Napayakap ako sa aking sarili noong umihip ang malakas na hangin mula sa awang ng bintana. Sumasayaw ang mga berdeng kurtina. Mukhang lalakas pa yata ang ulan. Naikwento pa man din ni Marites na nagluluko raw ang generator sa Mary's Home tuwing umuulan. Luma na rin daw kasi 'yon at 'yon lang ang tanging source ng kuryente sa birth center.
Namataan ko si Vidalia na nakaupo sa harap ng kaniyang desk habang may isinusulat. Kumatok ako sa nakabukas na pintuan para mapukaw ang atensiyon niya.
"Pwede ka bang makausap sandali, Vida?" Dumirestso ako sa upuang kaharap niya noong tipid itong tumango.
"Ramdam ko kasing parang umiilag ka sa'min. Baka ayaw mo na nandito kami o mahiyain ka lang talaga. Gusto ko lang klaruhin, Vida. Ayoko lang kasing maapakan ang damdamin ng iba," dagdag ko.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Ng Sitio Puti
ParanormalWalang ibang hangad si Dra. Chenimeth Bayron kung hindi ang makapagbigay ng libreng serbisyo sa mga kapos-palad. Dahil dito, napagpasiyahan niyang sumama sa isang grupo ng mga doktor na nagsasagawa ng medical mission sa mga probinsiya, partikular na...