Kabanata 5

630 38 0
                                    

Abot hanggang langit ang mabilis na pintig ng puso ko. Para akong mabibingi sa lakas niyon. Habol-habol ko ang aking hininga habang kapit na kapit sa malaking puno ng saging na aking pinagkukublian. Marapat na sabihing pinagkukublian namin ng taong humila sa akin. Kung hindi niya ako hinila kanina, tiyak sisigaw ako sa pinaghalong takot at gulat.

"Anong ginagawa mo sa rito sa gitna ng gabi, Dok?" bulong ni Nazli sa aking tabi. Pareho kaming nakatagilid paharap upang magkasiya sa katawan ng saging. Kahit may kalakihan naman kasi ang puno, hindi naman maipagkakailang malusog din ako.

"A-ano 'yon? B-bakit may ulong lumilipad? Oh, God." Napasabunot ako sa aking buhok. Maboboang na yata ako sa nasaksihan.

"Sshh." Tinakpan ni Nazli ang bibig ko kaya natahimik ako. Maya't maya siyang dumudungaw sa acacia habang mahigpit pa rin ang pagtatakip sa bibig ko.

Hindi ko magawang tingnan kung ano na ang nangyayari sa acacia. Nananayo pa rin ang balahibo ko sa takot. Ramdam ko namang may kakaiba sa sityo, pero hindi ko naman lubos akalaing may ganito pala. Na totoo pala ang mga elemento na naikwento ng nobyo ko!

Ilang saglit lang ay inalis na ni Nazli ang kamay sa bibig ko. Napasalampak siya sa damuhan habang hinihingal na nakahawak sa kaniyang maliit na bag. Mabuti na lang ay may buwang nagbibigay liwanag sa paligid kaya kita ko ang itim na namang damit at pantalon.

Sa nangangatog na tuhod, sinilip ko ang puno ng acacia. Para akong nabunutan ng tinik noong makitang wala nang bulto roon. Tanging buto ng nakatay na kambing ang makikita.

"Sagutin mo ako, Nazli. Anong klaseng hayop... o elemento 'yong nakita natin?" tanong ko sa desperadong boses. Nilapitan ko pa siya kaya't nakadungaw ako sa kaniya.

"At bakit ko naman sasabihin sa'yo, Dok? Isa ka lang hamak na dayo," matigas niyang banggit, animo'y nanunuya pa akong pinukulan ng tingin.

"Look. Seryosong bagay 'to, Nazli. Iyong nakita natin, kung ano man 'yon, tiyak hindi lang pagkain ng hayop ang kaya niyang gawin. Sa hitsura pa lang no'n pupwedeng manakit ito ng tao... o kaya'y ito ang may pakana ng mga pagpaslang sa Sitio Puti. Kailangan may makaalam nitong higit na makatutulong—"

"Marami ka nang nalalaman, Dok," pagputol niya sa litaniya ko at tumayo.

"Teka, 'wag mong sabihing alam niyo ang tungkol dito pero nagbubulagbulagan lang kayo?" Nanlaki ang mata ko noong umirap si Nazli at napahalukipkip.

"Mas mabuting manahimik ka na lang, Dok. Sapat na ang nakita mo kagabi para mas mag-ingat ka pa at 'wag na lumabas tuwing gabi," aniya, inilapit ang mukha sa aking nahintakutang diwa. "Manahimik ka, Dok, o umalis na lang dito. Alin man sa dalawa, mas makakabuti 'yon sa inyo."

Sunod-sunod ang paglunok ko ng laway. Basta na lang akong iniwan ni Nazli roong naninigas sa halo-halong emosyong lumukukob sa pagkatao ko.

May nakatirang halimaw sa sityo!

Paulit-ulit na nagsusumiksik iyon sa aking isipan hanggang sa nakapasok akong muli sa bahay. Hindi ko nga batid kung paano akong naglakad pabalik dahil ang isip ko'y napirme na sa lumilipad na ulo kanina. Gusto kong makatulog.

Pinilit kong iwinaksi ang nakakagimbal na realisasyon pero hindi ko makapa ang antok. Bandang alas onse na ng gabi noong nagkukumahog na akong mag-impake ng gamit. Basta-basta ko na lang ipinasok ang mga importanteng gamit sa aking travelling bag. Isa lang ang nasa isip ko noong panahong 'yon—ang makaalis.

Binulabog ko ang natutulog na si Dok Janet at Dok Belinda sa kani-kanilang mga kwarto. Mahigpit kong iniutos na mag-impake na rin sila dahil aalis na kami sa sityo. Pareho lang nila akong tinapunan ng nagtatakang tingin. Pahikab-hikab pa si Dok Janet na tinapik ako sa balikat

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon