Kabanata 15

516 32 1
                                    

Tirik na ang araw ngunit nakatunghay pa rin ang babae sa lapeda na bago lang naikabit sa puntod ng yumao. Suot nito ang itim na pantalon at shirt habang nakayukyok ang ulo. Ang kaniyang mga kamay ay nakakuyom sa lupa at ang mga tuhod ay nakatiklop.

Dalawang araw pa lang ang nakararaan noong mangyari ang karumaldumal na pagpaslang sa tatlong lalake. Kumalat na ang balita sa buong sitio at bukambibig na rin ito sa ilang mga nakasalamuha ko sa sentro. Bulong-bulungan na ng mga tao ang mga haka-haka sa naging sanhi ng kamatayan nila. May nagsabing baka naatake ng mabangis na hayop. Ang pinakamatimbang sa lahat ay ang pinaniniwalaang muling pagkabuhay ng sumpa ni Penang. Kaya naman, mabilis na kumalat ang kwento sa nangyari ilang daang taon na ang nakararaan.

"Hindi niya magugustuhang nakikita kang ganiyan." Tumapat ako sa kaniya't umupo na sa damuhan. Kaharap namin ang lapedang may nakaukit na pangalang Bartolome P. Crisanto.

"Magpakatatag ka lang, Nazli. Alam kong sobrang sakit nang nangyari. Sa mismong harapan natin nangyari 'yon. Wala tayong nagawa para maisalba sila... siya." Malalim akong napabuntong-hininga at tumingin sa langit—malago ang asul at banayad ang maninipis na ulap. Napalingon akong muli kay Nazli noong marahas itong tumayo.

"Magbabayad siya. Sisiguraduhin kong mamamatay siya hanggang sa nabubuhay pa ako!" maanghang niyang wika. Marahas niyang pinunasan ang mga pisngi at ilong bago tumalikod na. Marahas ang kaniyang mga hakbang palayo hanggang sa tanging tunog ng mga ibon at mainit na hangin na lang ang namamayani sa paligid

Napatingin akong muli sa lapedang kaharap ko. Biente otso anyos pa lang pala si Barbaros pero isa na siya ngayong palamuti sa ulap.

Malalim akong napabuntong hininga bago sinindihan ang dala kong kandila. Itinirik ko 'yon katabi ng nauupos na kandilang dala ni Nazli kanina. Maging payapa ka sana kung sa'n ka man naroroon, Barbaros.

Dumiretso ako kaagad sa Mary's Home pagkatapos. Wala naman akong naabutang nakapila na mga magpapa-check up. Dumiretso pa rin ako sa aking maliit na silid. Sinubukan kong aliwin ang sarili sa pamamagitan ng pagbabasa sa records ng mga deceased patients. Ayon sa mga petsa, sila'y namatay halos ilang buwan lang bago pa kami nakarating sa Sitio Puti.

Isa-isa kong binasa ang ilan pang mga papel na nakabundok sa cabinet. Inayos ko ang pagkakakabit ng aking salamin bago natuon ang atensiyon ko sa mga magkakasunod-sunod na petsa kung kailan sila namatay. Ilang araw lang ang pagitan. May ibang linggo lang. Halos lahat ay namatay na labas ang birth center... pwera sa isa.

Name: Emery Lana Budol
Age: 21 years old
Date of death: November 2, 2012
Cause of death: extreme bleeding

Nahinto ako sa pagbabasa noong may kumatok at iniluwa noon ang bulto ni Marites. Nakapusod ang makapal nitong buhok habang nakangiti dala-dala ang tatlong suman na nakalagay sa plato.

"Dok, para po sa inyo. Dala ko po 'yan galing sa bahay. May nangyaring kaunting salo-salo lang para sa anak kong luluwas na pa-Maynila," ani Marites.

"Maraming salamat. Nag-abala ka pa."

"Maliit na bagay, Dok," saad niya't lumapit na. "Dito ko na lang ilalagay sa gilid ng lamesa, Dok, ha? Mukhang marami-rami 'yang papel sa harapan niyo, eh."

Ayon nga't inilapag niya ang plato sa lamesa ngunit bago pa man siya makaalis, tinanong ko na ito. "Talaga bang may namatay na pasyente rito dahil sa extreme bleeding?"

Napahinto si Marites at napukol sa akin ang tingin. Tumango ito. "Oo, Dok. Ilang linggo lang 'yan bago kayo nakarating dito. Wala ako noong mangyari 'yan, eh. Nagka-emergency sa bahay. Si Ma'am Vida lang at ang kaniyang dating assistant ang narito"

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon