Kabanata 11

518 31 2
                                    

Kumalat nga ang balita tungkol sa natagpuan na namang bangkay ng buntis sa Sitio Puti. Usap-usapan ito hanggang sa mga nakapilang magpapa-check up sa Mary's Home. Purong mga haka-haka ang namutawi sa loob ng silid. Maski nga si Marites ay hindi na nagpahuli sa usapan.

"Kasalanan 'yan ni Ruping. Nangangaso kasi tuwing gabi at iniiwan ang buntis nang mag-isa," maanghang na komento ng ginang na nakabuhaghag ang buhok.

"Eh sino ba naman kasing lalake ang gaganahan sa Rosana na 'yon? Sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa. Kamamatay lang ng asawa, nabuntis na kaagad," saad naman ng isang ginang na karga-karga ang nasa anim na taong gulang na bata.

"Tumahimik nga kayo. Nandito ba kayo para magpa-check up o magchismis?" saway ng matandang babae sa dalawang ginang.

Pumasok na ako kaagad sa aking silid at nag-ayos. Humingi lang ng permiso si Marites na tatanggap na ba ako ng pasyente, sinang-ayunan ko naman. Ilang minuto lang ay isang payat na babae ang pumasok sa loob. Napapayuko pa ito bago umupo sa harap ko.

"Magandang umaga, Dok," pagbati niya at ibinigay na ang papel niyang hawak sa akin.

"Good morning, Lea. Anong maipaglilingkod ko?" paunang bati ko. Basi sa records ng kaniyang mga pagbisita sa birth center, nakalagay ritong tatlong beses na siyang nanganak dito.

"Kasi, Dok, plano po namin ng mister ko na mag-birth control. Gusto ko pong malaman kung ano ang babagay sa'kin," aniya. Tiningnan ko ang kaniyang record ulit, wala namang ibang naitalang medical conditions dito.

"Unang option niyong mag-asawa ay ang gumamit ng condoms. Kung may maraming sexual partners, halimbawa, mas mainam 'to para makaiwas sa posibleng STD."

"Diyos ko po! Sa asawa ko lang po ako nagpapatira, ano." Namilog ang mata niya't pinaypayan ang mukha gamit ang kaniyang kamay.

Kinontrol ko ang sariling huwag matawa at pinanatiling kalmado ang boses.

"Ngunit kung gusto niyo ngang mag-asawa ng less hassle, mayroon ding birth control pills. Ito nga lang ay iniinom araw-araw especially kung active kayo. May mga side effects din 'to na minimal lang naman... dapat. Mayroon din tayong tinatawag na IUD o implant. Tumatagal 'to ng tatlo hanggang sampung taon." Umupo ako ng tuwid at tiningnan siya sa mukha.

"Ah, kung sakaling 'yang IUD, Dok, magastos ba 'yan? May side effect ba?" kuryuso niyang tanong habang paulit-ulit na hinahawi ang kaniyang bangs.

"Ito pong IUD, more than 99% talaga ang effectivity nito. Medyo may kamahalan kumpara sa condoms at pills, pero mas mabisa. Ang bawal lang dito ay 'yong mga may pelvic infections at allergic sa copper. Mayroon ka ba noong mga nabanggit?" tanong ko sa kaniya. Umiling naman siya bilang sagot at sinabing maayos naman ang estado ng tests niya noong huling bisita niya sa doktor sa kabilang lungsod.

"Sa nalaman ko kasi, may libreng birth control pills na ipapamigay ang munisipyo sa bawat barangay. Kung gusto mo talagang masubukang magpakabit ng IUD, kailangan kang ma-i-refer sa kalapit na lungsod. Wala kasi tayong sapat na gamit para diyan dito..."

Sa dalawampung minuto pang pag-uusap namin patungkol sa birth control, napagpasiyahan din ni Lea na magpakabit na lang ng IUD. Napag-usapan na namin na doon na siya magpapakabit sa lungsod ng Kamelos. Inaya ko rin sila ng partner niya na dumalo sa gaganapin kong seminar sa susunod na linggo patungkol sa family planning.

Bandang alas tres na noong nakarinig ako ng nagkakagulo sa labas. Kasabay niyon ang pagkatok ni Marites sa pintuan ko. "Dok Chen! May dumating na pasyente. Manganganak na yata. Sigaw nang sigaw sa sakit at pumutok na ang panubigan."

"Ihanda mo ang silid paanakan. Isaayos mo ang lagay ng pasyente ro'n. Susunod ako. Teka, nando'n na ba si Vidalia?"

"Oo, Dok. Inaasikaso na ni Ma'am Vida ang buntis. Pinapakalma naman ni Dok Belinda ang asawa nito."

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon