Kabanata 20

547 34 2
                                    

Marahas ang aking mga paghinga. Pilit kong ibinubuka ang aking mga mata. Malabong imahe ng babae ang lumalapit sa'kin at tila may sinasabi. Dumapo ang mga kamay ko sa likuran ng aking ulo. May nakapa akong mamasa-masa roon.

"Dok..."

Pumikit akong muli dahil sa kirot ng aking ulo. Wari'y pinupukpok iyon ng martilyo. Naramdaman ko na lang na may umaalalay sa'kin patayo. Doon ko lang napagtanto kung ano ang nangyari kanina.

Noong sumayad na ang pwet ko sa upuan, siyang pagkabit ng babae ng salamin ko sa mata. Malinaw na ngayon ang aking paningin sa mga nangyayari sa paligid. Nakaupo ako sa upuan kung saan iginapos si Vidalia. Nang pinagmasdan ko ang aking mga kamay, tumambad sa'kin ang dahilan ng mamasa-masang nakapa ko kanina; dugo. Sarili ko mismong dugo.

Nahintakutan ang mukha ni Vidalia, kaharap ko. Para itong nakalulon ng suka sa pamumuti ng kaniyang mga labi.

"Okay ka lang ba, Dok? Hinampas ka ng kapatid ko ng kahoy!" aligagang saad niya habang nanlalaki ang namamagang mga mata.

Hinanap ng paningin ko si Dodong. Nakikipagdwelo na ulit ito kay Nazli. May hawak nang matabang kahoy at kutsilyo ang binatilyo. Sa bawat palitan nila ng atake, napupunta sila sa bawat sulok ng bahay.

Malakas na tumilapon si Dodong sa nakakumpol na karton. Bumaon ang kaniyang kutsilyo sa karton. Binitawan niya 'yon para lang gumulong sa sahig dahil sa ambang pagtarak ni Nazli ng itak.

Kay Vidalia naman ngayon nakatuon ang aking atensiyon. Sa uri ng tingin niya sa dalawang madugong naglalaban, natitiyak kong nababasa ko ang takot sa kaniya. Ngumingiwi at napapapikit siya sa tuwing muntik natatamaan si Dodong.

"Ba't ganiyan na lang kung sundin ng kapatid mo si Aling Rosing? Alam niyang masama ang ginagawa ng nanay niyo," usal ko, hawak pa rin sa kamay ang nasaktang ulo.

"H-hindi niya kami tunay na anak. Pareho kami ni Dodong na inabanduna ng mga magulang noong katorse anyos ako habang siya'y syete," tugon niya, sumisinghot. "Pinangakuan niya kami ng maayos na buhay basta sumama lang kami sa kaniya. Sinabi niyang kailangan niya ng mga taong nasa kaniya lang ang loyalty. Kaya ganiyan na lang ang loyalty ni Dodong ay dahil nakondisyon siya sa realidad namin kasama si nanay. Para sa kaniya, ang ipinapagawa sa'min ang normal."

Muli kong tiningnan ang kinaroroonan ng dalawang nagtutugis. Nakapaibabaw na si Dodong kay Nazli. Idinidiin ng binatilyo ang itak ni Nazli pabaling sa babae ngunit mahigpit ding pinipigilan 'yon ni Nazli. Kaonting diin na lang ay mahihiwa na ang leeg ng babae. Pero noong nakakita ng tiyempo si Nazli, tinuhod niya ang ari ng lalake at itinulak ito paalis sa kaniya. Namimilipit naman sa sakit ang binatilyo. Para itong napaso ng kumukulong tubig habang nakahiga sa kawayang sahig, at mahigpit ang hawak sa napuruhan niyang kasilanan.

"Ang lakas mong bata ka. Mukhang maganda ang pagsasanay ng halimaw sa'yo," palatak ni Nazli, pinulot niya ang tumilapong itak sa sahig. "Ma'am Vida—"

"Nazli!"

"Ilag!"

Pareho kaming napasigaw ni Vidalia noong walang ano-ano'y bumangon ang binatilyo. Wari'y pinipilit lang nitong iwinawaksi ang sakit na nararamdaman noong hinatak niya ang buhok ni Nazli. Kinalakadkad niya ang babae hanggang sa nakarating sila sa kusina.

Nanggagalaiting sinasakal ni Dodong si Nazli sa leeg. Todo hawak din ang babae sa kamay nito sa pagnanasang matanggal 'yon dahil nahihirapan na itong huminga.

Sinubukan kong tumayo, para lang matumba. Mabilis naman akong naalalayang muli ni Vidalia pabalik sa upuan.

Naginginig ang mga kamay ko. Datapwa'y inabot ko pa rin ang pana sa aking likuran.

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon