Kabanata 9

543 32 0
                                    

Habang oras pa ng tanghalian, abala kong isa-isang binuklat ang records na kamakailang ibinigay ni Vidalia. Kadalasan ay pawang mga menor de edad pa nga ang nakararami rito sa mga napaanak niya. Dagdag pa rito ang hiningi kong files kay Marites sa ilang linggo nang pag-aalay ng serbisyo rito.

Naroon din ang files na itinukoy ko kay Vidalia patungkol sa mga pumanaw nang naging pasyente rito (kahit na labas man ang ospital sa sanhi nito).

Kumunot ang noo ko noong naagaw ng atensiyon ko ang bilang ng mga 'to. Inulit-ulit ko pa ang pag-check kung tama ngang mga buntis at bagong panganak lang ang mga 'to. Hindi nga ako namamalikmata lang. Inisa-isa kong tingnan ang mga petsa; halos magkasunod-sunod pa ang naitalang pagkamatay ng mga 'to.

"Imposible." Nanlaki ang mga mata ko pagkaalala sa kwento ni Barbaros. Kung tama nga 'tong data sa records, tiyak na ang karamihan sa kanila'y naging biktima ng halimaw. Nanayo ang buhok ko sa braso kaya't napaigtad ako noong may bulto ang tumapat sa pintuan.

"Dok Chen," bati ni Vidalia. Diretso itong umupo paharap sa akin na may ngiti sa labi. Noong napansin niya ang nagkalat na papel sa desk ko ay nagsalubong ang kaniyang mga kilay.

"Para sa'n 'yan, Dok?" pagtatanong niya.

"May tiningnan lang ako sa records dito. Marami na palang namatay na buntis at mga kapapanganak pa lang dito sa Sitio Puti, ano?"

Dahan-dahang tumango si Vidalia. "Oo, Dok. Nakalulungkot ngang biglaan halos ang naging kamatayan nila. Wala ring makapagpatunay kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay nila..."

Bigla na lang ako napatakip sa ilong ko. Natigilan si Vidalia pagkakita sa reaksiyon ko.

"Dok?" Naguguluhang untag niya.

Nariyan na naman kasi ang matapang na amoy ng suka. Nagsusumiksik ang asim nito sa aking nostrils na dahilan para ikabahing ko. Nangangati pa ang ilong ko dahil do'n. Sensitibo kasi masiyado ang ilong ko pagdating sa suka simula pa noong bata ako. Laking pasasalamat ko pa rin na pangangati lang ng ilong at pagbahing ang epekto nito sa'kin.

"Vida, naamoy mo ba ang suka?" tanong ko sa babae habang pinupunasan ang ilong sa nangyaring pagbahing.

"Wala naman, Dok," simple nitong sagot. Kita ko pa ang pag-aalala na puminta sa mukha niya. "May allergy ka ba ro'n, Dok?"

"Oo. Mild lang naman. Ayoko lang sa amoy."

"Edi masilan ka sa mga pagkaing hinahaluan ng suka, Dok? Paborito pa naman namin ni Nanay ang mga lutong may suka. Inisip ko pang dadalhan kita sa susunod na araw."

"Depende naman kung hindi dominanteng sangkap ang suka, Vida," tugon ko rito.

Ilang minuto pa ay nagpasiya na siyang bumalik na sa kaniyang tanggapan dahil ala una y medya na rin naman. Bagaman nawala na ang pangangati ng ilong ko, hindi nakatakas sa aking pang-amoy ang sensasyon na dumaan pagkaalis ni Vida. May kakaiba sa pabango niya na hindi ko matukoy.

Noong dumating ang takipsilim, hindi na ako mapakali sa sala. Naibigay ko naman na ang impormasyong kakailanganin nina Barbaros para sa muling pagbabalik ng grupo nila, ngunit may nagtutulak pa rin sa aking sumama. Pigil ang hiningang kinakastigo ko ang sariling hindi maaari dahil delikado. Wala akong alam sa pakikipaglaban, ni makita ang halimaw ng mata sa mata ay may dulot nang kaba sa dibdib ko.

Baka pwede namang sumama ako pero sa malayo lang. Gusto ko lang matingnan ng malapitan ang penanggalan.

"Kanina ka pang balisa, Dok Chen. Tsaa lang ang ininom mo. Hindi ka man lang sumalo sa hapunan." Tumunog ang upuan noong umupo si Dok Janet. Doon ko na nakita ang naniningkit niyang mga mata. "Meron ka talagang itinatago sa amin, Dok..."

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon