Sa ngayon, naiintindihan ko na ang mga nangyari. Totoo na kapag tumingin ka sa hilaga ay makikita mo ang inyong tahanan. Palagi mo pala akong pinagmamasdan sa malayuan. Maligaya ang aking puso sa aking mga nalaman. Ginawa mo pa akong prinsipe sayong kwento kahit sa totoong buhay ay malayo. Hindi ako prinsipe, ako'y dukha at alipin sa panahong iyon.
Hinihintay mo pala ako Anastacia. Akala ko sa ikatlong araw, magkikita ulit tayo. Akala ko darating ka. Pasensya kana kung hindi ako nakabalik.
Nakilala ko na iyong asawa at ang iyong anak. Kinuha mo pala ang kanyang pangalan noong araw na nagkakilala tayo. Kasama ko siya ngayon kung saan tayo nagkakilala. Mayroon na rin siyang iniibig, nakilala ko noong isang araw. Seryoso siya rito, handa niyang ipaglaban ang binibining ito.
Nagmana nga sayo si Julio. Sa inyong mga mata walang mahirap o mayaman. Hayaan mo, iingatan ko ang iyong anak.
"Maraming salamat sa iyong napakagandang kwento ginoo," wika ko sa kanya.
"Sa aking ina ko ikaw magpasalamat. Ang alam ko ay nandito lang siya sa paraisong ito. Huwag mo siyang hanapin, dahil matagal na siyang wala. Wala na ang kanyang katawang lupa. Sa tingin ko ang kanyang kaluluwa ay nandito parin. Hindi siya aalis, para sa kanya ito ang kanyang himlayan."
"Anong pangalan ng iyong ina?"
"Ang pangalan niya ay Anastacia."
"Maraming salamat Anastacia."
May narinig kaming ingay. Boses ng isang babae na humihingi ng tulong.
"Pakiusap, huwag niyo po akong saktan."
Pinuntahan nila ito. Nakita ni Julio at Florencio ang nakaluhod ang isang babae at dalawang sundalong espanyol na hawak-hawak ito. Ang binibining hawak nila ay ang kasintahan ni Julio.
"Bitawan ninyo ang binibini!" galit na galit na sinabi ni Julio.
Dali-daling tumakbo si Julio. Tinulak nito ang sundalong espanyol. Hindi lumaban ang dalawang sundalo dahil kilala nila si Julio.
"Magandang hapon po mga ginoo. Sumainyo po ang kapayapaan," wika ng mga sundalo.
Nilapitan agad ni Julio ang binibini. Tiningnan niya at pinagpagan ang damit nito. Pinunasan ni Julio ang kanyang luha.
"Huwag kang matakot. Nandito na ako," sabi ni Julio.
Nakatingin ang binibini sa kanya, bakas sa mukha ng binibini ang takot at kaba.
"Bakit ninyo sinaktan ang babaeng ito? Sumagot kayo!" pasigaw na inimik ni Julio.
Nakatayo lang ang dalawang sundalo. Nakatungo at hindi sumasagot.
"Lumayas kayo sa harapan ko!"
Umalis na ang dalawang sundalo. Pinapanuod ko ang magkasintahan sa malayo. Hindi na ako lumapit para sirain ang tagpong ito. Pinapakalma lang ni Julio ang kanyang binibini. Nasaksihan ko kung paano niya ito protektahan at mahalin. Nakakakilig ang iyong anak Anastacia. Sa sandaling ito umaapaw lang ang romansa.
Inihatid ni Julio ang kanyang kasintahan. Ako'y bumalik sa paraiso. Hinintay ko ang pagdating ng dapit-hapon at pagkatapos ay umalis na ako. Bumalik na ako sa aking tinutuluyan.
Ang tinutuluyan ni Florencio ay ang pahingahan ng mga maharlika. Dito humihinto ang mga maharlika na naglalakbay. Ito ang kanilang pansamantalang tirahan. Sa lugar na ito ay napaka elegante.
Bumalik na sila Julio sa kanilang tahanan. Dahan-dahang binuksan ni Julio ang pintuan. Alam ni Julio na nakarating na ang balita sa kanyang ama. Siguradong magagalit ang ama nito sa kanya dahil sa pagtatanggol nito sa kanyang minamahal.
BINABASA MO ANG
Gunita
RandomIto ay kwento ng isang lalaki na hindi kayang kalimutan ang kanyang mga alaala. Ito ay biyaya na binigay ni Bathala. Katulad natin, siya ay patuloy na naglalakbay. Maraming katanungan sa kanyang isipan, kaya hinahanap niya ang mga kasagutan.