MISSIO LAMIA

698 16 0
                                    

KAPANGASAHAN sa isang kaharian ang sumuway sa pinag-uutos ng mas nakatataas sa lahat. Na kahit labag man iyon sa iyong kalooban ay hindi mo maaring talikuran sapagkat wala kang karapatan.

Kung magkakaroon man ng pagkakataon ang lahat na baguhin ang kanilang kapalaran tiyak na walang mahihirapan, walang iiyak, walang magdudusa, at mas lalong walang mamamatay.

Iyon palagi ang nasa isip ng dalagang iyon na kasalukuyang nag-eensayo sa paghawak at pagpapaputok ng bagay na iyon na hindi pangkaraniwan sa kanilang mundo. Isa itong bagay na may gatilyong dapat diinan gamit lamang ang hintuturong daliri nang sa ganoon ay lumabas ang bala at tumama sa bagay na tinututukan ng dulo nito.

Hindi niya pa rin maisip nang lubusan kung bakit kailangan niyang makipagsapalaran sa mundo ng mga tao na alam niyang sa kahit na anong paraan ay hindi kayang lumaban lalo na sa kanila na makapangyarihan. Wala rin siyang mahitang dahilan kung bakit sinasanay siya para humawak ng sandata ng mga mahihinang nilalang na iyon.

Magulo ang isipan niya sa mga bagay na nakahilera pa sa kaniyang harapan. Naroon ang iba pang sandata na kailangan pa niyang sanayin bago muling ipadala sa mundo ng mga tao. Natigil ang akma niyang pagkuha sa espadang kumuha ng kaniyang atensyon dahil sa kintab nito nang bigla ay dumating na ang iba pa niyang makakasama.

Hindi na siya dapat magulat nang makita ang ilang babae na dati na ring nagpamalas ng kanilang katapangan upang masagip lamang ang kanilang angkan. Ngunit nagtataka siya nang makita ang hindi pamilyar na mukha ng isang iyon.

Gamit ang espadang hawak ay tinutok niya ang talim dito. "Sino ka?" Naroon ang taglay na lalim sa boses niya nang tanungin ang mukhang maamong babae na iyon.

"A-ako a-ang..." lalong nakunot ang noo niya nang makita ang takot sa mukha ng babae. Kung sa ngayon pa lamang ay wala na itong maiharap na katapangan sa kaniya, paano pa kaya sa malayong mundo na kinadkan niya.

Gamit muli ang kanilang lengguwahe ay nagsalita ang babaeng iyon. "A-ako ang isa sa kasama mong maglalakbay patungo sa mundo ng mga tao---" pinutol niya agad ang sinasabi nitong alam na niya.

"Batid ko na ang bagay na iyan. Hindi ako hangal upang hindi iyon malaman sapagkat ang katunayan na ikaw ay kasama nila at nasa aking harapan!" Hindi niya alintana ang tatlong pang babae na kasama nito, wala siyang pakialam kung masamaan ng ugali ang mga ito sa kaniya. Alam niya ang ipinag-utos sa kaniya at iyon lamang ang nais niyang sundin upang matapos na ang kahibangan na ito.

"Siya ang babaeng anak ni Hestia at Hermes," hindi pa natatapos magsalita ang isa sa apat na mga babae ay agad na itinutok niya sa leeg nito ang espadang kaniyang hawak.

Malalaki ang matang diniin niya ito dahilan upang umagos ang dugo nito na hindi naman ininda ng babae. Nanatiling kalmado ito ngunit hindi gumawa ng kahit na anong pag-galaw upang sa ganoon ay hindi mas dumiin ang talas ng espada.

"Ayoko sa lahat ay nagsasalita ng walang pahintulot ko." Naging madilim ang mata niya na para bang isa iyong malaking paalala sa kanila.

"Ipagpaumanhin niyo ang aking kapangasahan, pinuno." Umultaw ang kaunting tuwa sa dibdib niya nang maramdaman ang pagiging kalmado nito. Inihagis niya ang espada sa kung saan at matalas na tiningnan ang isang babae na nababatid niya ang presensya.

Presenya ng katapangan at may paninindigan. "Ikaw," hindi ito lumingon sa kaniya ngunit batid niyang nakatuon ang atensyon nito ay sa kaniya lamang na animo'y handang makinig sa lahat ng sasabihin at gagawin ang lahat ng ipapagawa niya. "Bigyan mo ako ng kaalaman patungkol sa nilalang na ito!" Utos niya na ikinatango naman ng babae.

MISSIO LAMIATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon