Chapter 1

4.3K 61 3
                                    

BATA PALANG ako ng iwanan kami ng tatay kong italyano. Maganda ang buhay namin noon, hindi man sobrang marangya ngunit nakakaraos sa araw-araw na buhay. Masaya naman kami sa buhay pero nagbago iyon ng kumatok sa bahay namin ang legal na asawa ni tatay. Iyon na siguro ang pinaka hindi ko makakalimutang pangyayari sa buhay ko.

Kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano kinuha ng babaeng sopistikada ang tatay ko. At lalo na noong pinahiya niya si nanay sa mga kapitbahay namin. Ilang beses sinampal sa harap mismo naming magkakapatid.

Saksi ako sa mga paghihirap ni nanay. Kung paano siya umiyak gabi-gabi dahil sa pangungulila niya sa ama namin. Alam ko rin kung gaano niya kami pilit inahon. Hindi bale nang magkasakit siya, ang mahalaga ay maayos kami.

Alam kong sukdulan na ang sakripisyo niya. Kaya noong minsang umuwi siya na may ngiti sa labi habang may dala-dalang pumpon ng rosas ay hindi ko mapigilang pagmasadan kung gaano siya kasaya.

Noong una akala ko pansamantala lamang iyon, ngunit umabot iyon ng buwan hanggang sa maging taon.

At ngayon ay may ibinalita siya sa amin na hindi ko inaasahan. Kasama ang lalaking dahilan ng mga ngiti niya.

"Alam ko anak na nakakabigla ang ibinalita ko."

Nanatili lang akong tahimik habang nakatingin sa lalaking ipinakilala niya sa amin. May magaang ngiti ito sa kaniyang labi.

"Sigurado na po ba talaga kayo nay?"

Sa halip na si nanay ang sumagot sa tanong ko ay iyong lalaki ang sumagot.

"I'll take care of your mother, hija, along with you and your siblings."

Hindi ako nagsalita kaya kinuha ni nanay ang kamay ko at hinaplos iyon.

"Mabait si Sani, anak. Sa katunayan nga, siya ang tumulong sa atin noon nang isugod ang kapatid mo sa hospital."

Bumaling ako kay nanay at ngumiti sa kaniya.

"Naniniguro lang ako nay. Gusto kitang maging masaya kaya sino ba ako para hadlangan iyon? Ayaw ko lang na muli kang masaktan."

Kita ko ang pangingilid ng kaniyang luha.

"Mahal ko si Sani at isa siya sa mga kasiyahan ko. Alam ko rin na mahal niya ako, 'nak."

Tumango nago bumaling sa mapapangasawa ni nanay. Nakita ko kung paano siya tumingin kay nanay na para bang si nanay lang ang nakikita niya. Sa isip ko ay napangiti ako. Kung ganoon, mukhang nasa mabuting kalagayan si nanay kapag nagpakasal na sila.

"Alagaan niyo po ang nanay ko, Uncle Sani."

Agad ito tumingin sa akin at ngumiti ng malawak.

Ilang sandali pa ay iniwan ko sila roon na nag-uusap. Dumiretso ako sa kung nasaan ang dalawang nakababata kong kapatid. Nakita ko silang nag-uusap na parehas nakangiti. Nang makita nila ako ay agad silang lumapit.

"Ate, totoo bang magpapakasal na si nanay doon sa lalaking mukhang mayaman?" tanong ng kinse anyos kong kapatid na lalaki, si Achil.

Muli akong tumingin sa direksyon ni nanay sa maliit naming sala. Bagama't hindi ko sila nakikita ay naririnig ko naman ang mga tawa ni nanay.

"Kung ganoon ate, hindi na po tayo rito titira?" tumingin ako kay Adol na inosenteng nakatitig sa akin. Dose anyos na ito ngunit halos wala pa ring muwang sa mundo.

Sumalubong naman ang kilay niya sa tanong nito.

"At saan mo naman nakuha ang isiping iyan?"

Ngumuso ang kapatid ko at napakamot sa ulo.

Baddest Beasts of BunnyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon