FRANZESS
TUMAYO ako mula sa pagkakaluhod at nagpilit na kumalas sa kaniya bago lumabas ng guest room. Pinilit pa niya hawakan nang mahigpit ang kamay ko pero pinilit kong kumawala at iwan siya.
Nagtuloy ako sa silid namin at mula sa ilalim ng kama ay inilabas ko ang maleta, saka ko kinuha ang mga damit ko sa cabinet. Lumuluhang inilagay ko ang mga iyon sa loob ng maleta. Hindi ko mapigil ang nararamdaman ko. Para bang muhing-muhi ako sa sarili ko at sa lahat. Ang bigat, ang sakit.
Gusto kong mapatanong kung deserve ko ba 'to? Deserve ko bang masaktan, mahirapan at karmahin nang ganito?
Matapos ko sa mga damit ko ay isinunod ko ang mga gamit ko pa sa ibabaw ng mesa at inilagay ang mga iyon sa isang bag.
Pagod na pagod ang pakiramdam ko. Gusto ko na lang lumayo. Gusto ko na lang mawala.
Bitbit ang mga gamit ko ay lumabas na ako ng silid. Nahihirapan man akong ibaba ng hagdan ang mga dala ko ay nagawa ko, ngunit bago pa ako tuluyang makalabas ng bahay ay nag-aalalang hangos ni Nana Mela ang pumigil sa akin.
"A–anak? Diyos ko. Saan ka baga pupunta at ganiyan—"
Nilingon ko siya at kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at muli na naman dumagsa ang mga luha mula sa mga mata ko. "N–Nana . . ." Sunod-sunod akong umiling sa kaniya. ". . . ayaw ko na po rito. A–ayaw ko na, Nana. Gusto ko na pong umalis. H–hayaan n'yo na po ako. Gusto ko na pong makawala," anas ko at dumulog bigla si Nana sa akin, saka ako niyakap nang sobrang higpit.
"Anak ko, bakit naman hindi n'yo pag-usapang mabuti ito ng asawa mo. Naiintindihan kong nasasaktan ka, anak, pero huwag mo naman sanang hayaan na kainin ng sakit ang mga desisyon mo," anito at saka hinagod ang likod ko, pero halos hindi ko magawang maintindihan ang pangaral niya.
Hindi ko kayang umintindi ng iba sa mga oras na ito. Mas nananaig sa akin ang sakit ng pagluluksa.
Kumalas ako kay Nana, saka ko siya ginawaran ng halik sa noo. "Nana, maraming-maraming salamat po sa lahat. Maraming salamat sa pagmamahal ninyo sa akin, sa pag-aalala, at laging pagpatnubay. Mag-iingat po kayo lagi," anas ko at saka ko na binagtas ang daan palabas ng bahay.
Mabigat ang dibdib ko. Mabigat ang nararamdaman ko. Gusto kong umintindi ng iba pero gusto ko na ring unahin ang sarili ko.
Palabas na ako ng gate nang bigla na lamang may humatak sa pulso ko at paglingon ko ay nakita ko si Red na bakas na bakas sa mukha ang pagiging miserable.
"Don't leave me."
Matigas ang pagkakabanggit niya ng mga salitang iyon pero ramdam na ramdam ko ang sakit.
Ngumiti ako sa kaniya nang mapait at sunod-sunod na umiling. "K–kahit ngayon lang . . . ako naman ang sundin mo. Kahit ngayon lang, Red. P–palayain mo na 'ko."
Hindi siya nagsalita at sumagot. Nakakatitig lamang siya sa mga mata ko ngunit may mga butil na ng luha sa ilalim ng mga mata niya na nagbabadyang pumatak.
Akmang aalisin ko na ang pagkakahawak niya sa kamay ko nang bigla na lamang siyang lumuhod sa harap ko kasabay ng pagpatak ng mga luha niya.
"Don't leave me, Franz. D–don't do this. Don't leave me here, my love. I–I don't fucking know how to live without you. I'm begging you . . . don't leave me. G–give me another chance, j–just don't leave me."
Parang pinipiga ang puso ko sa ginagawang pagmamakaawa ni Red. Para akong kinakapos ng hininga na makita siyang nakaluhod sa harap ko at nagmamakaawa na huwag ko siyang iwan.
Mahal kita, Red, mahal na mahal kita pero itong pagmamahal na 'to ang lumason sa akin, sa atin. Kung hindi dahil sa sobrang pagmamahal ko sa 'yo, buhay sana ang anak ko.
![](https://img.wattpad.com/cover/271947784-288-k722128.jpg)
BINABASA MO ANG
Debt and Pleasure [Completed]
General FictionWARNING: MATURE CONTENT | R-18 | COMPLETED | S T A N D A L O N E N O V E L | All she ever wanted was to be happy. Hindi siya ang tipo ng taong mapaghangad ng mga bagay na hindi niya maaabot o mayayakap. Kaya naman halos takasan siya ng bait nang...