"ESME! Gising na! Tayo'y mag-uumpisa na," inalog-alog ni Barbara si Esme na hanggang ngayo'y masarap pa rin ang tulog at humihilik pa dito sa kanilang silid sa dormitoryo. Tatlo silang magkakasama dito sa iisang silid, ngunit ang isa nilang kasama ay dalawang linggo pang nasa bakasyon.
"Mmm.. Ano ba iyan.." inaantok na sabi ni Esme na tinatamad pang imulat ang mga mata.
"Alas siete y media na ng umaga. Mayayari na tayo neto kay Madre Divina." ani Barbara na pilit pa ring inaalog-alog si Esme para bumangon na ito.
Bumuntong-hininga na lamang si Esme at pinilit nang bumangon. "Nakakainis ka Barbara," aniya habang kinukusot ang kanyang mata.
"At ako pa talaga ang nakakainis? Dalian mo na't gumayak ka na bago pa tayo puntahan dito ni Madre Divina. Sa pagkakadinig ko, tayo'y mag buburda ngayong araw."
Napanguso naman si Esme. "Magbuburda nanaman? Nakakasawa na! Nais ko nang umuwi!" reklamo niya.
"Ano ka ba? Dalawang araw ka pa lamang nandito matapos ang dalawang linggong bakasyon mo, nais mo na agad muling umuwi?" ani Barbara na tinutupi ngayon ang sapin sa higaan.
"Basta, nais ko nang umuwi at matulog buong maghapon at magdamag," saad pa ni Esme.
"Kung gayon pala sana'y hindi ka na lamang nag-aral. Bakit ka pa nagpatala dito sa Santa Isabel?" saad naman sa kanya ni Barbara.
"Dahil iyon ang nais ng aking mga magulang. Kapag hindi ka raw edukado, ang buhay mo'y walang kabuluhan," nakasimangot na sabi ni Esme. Maya-maya'y siya'y napatigil nang may maalala. "Siya nga pala, nasaan ang tuta na napulot mo kahapon?"
Agad naman inilagay ni Barbara ang kanyang hintuturo sa tapat ng kanyang bibig. "Pshh.. Dinala ko siya dito sa dormitoryo. Hindi pa alam ni Madre Divina na may dala-dala akong tuta, kaya huwag kang maingay. Dahil sa oras na malaman ni Madre, siguradong pipilitin niya akong ipatapon ang tuta at iwan na lamang sa kung saan. Kawawa naman siya," nalulungkot na sabi ni Barbara.
Natawa naman si Esme. "Masyado kang natatakot kay Madre Divina. Huwag kang mag-alala, ako nang bahala para hindi niya paalisin ang tuta sa oras na malaman niya," aniya. Napangiti naman si Barbara.
...
ABALA ngayon dito sa silid-aralan ang lahat ng mga kababaihang mag-aaral sa pagbuburda gamit ang kanilang mga kamay habang sila'y isa-isang inoobserbahan ni Madre Divina kung tama ang kanilang mga ginagawa.
Inatasan sila ni Madre Divina na mamili ng iba't ibang klase ng mga bulaklak, at ang kanilang napili ang siyang buburdahin nila nang may pagkamalikhain.
Ang iba ay naaaliw at nasisiyahan sa pagburda, samantalang ang iba ay pinagpapawisan at hirap na hirap, at isa na ro'n si Esme.
Tumutulo na ang pawis mula sa kanyang noo habang siya'y seryosong nakatuon lamang sa kanyang binuburdang gumamela. Nanginginig na rin ang kanyang mga daliri na halos puro tusok na rin ng karayom at tila ba gusto niya na lamang sumigaw at sumuko sa kanyang ginagawa, ngunit hindi niya magawa laluna't naramdaman niyang lumapit at huminto sa kanyang harapan si Madre Divina.
"Esmeralda, makailang ulit na nating naging aktibidad ang pagbuburda ngunit hanggang ngayo'y wala pa rin sa kaayusan ang gawa mo," ani Madre Divina na pinupuna ang burda ni Esme na dapat sana'y gumamela, naging isang tila kinalkal ng daga.
Tumingala sa kanya si Esme 'tsaka ito mabigat na bumuntong-hininga. "Madre, wala lamang po ako sa aking kondisyon."
"Kailan ka pa nagkaroon sa'yong kondisyon, Esmeralda? Lagi na lamang ganyan ang iyong idinadahilan."
"Ngunit Madre, sadyang masakit lamang po ang aking pakiramdam ngayon. Tignan niyo man po ang aking mga daliri." Ipinakita niya ang kanyang nanginginig na kamay kay Madre Divina.
BINABASA MO ANG
Almas Gemelas (Ongoing)
Historical FictionLiving a prosperous life in Manila, Esmeralda and the initially indifferent, poker-faced Céleste met and eventually became close companions despite their previous enmity. Until an unexpected epidemic came--Cholera, which led to a massacre of many fo...