Kabanata IV: Pagkarimarim - Ikalawang Bahagi

67 10 0
                                    

"NABALITAAN ko, noong nakaraang buwan pa siya nakalaya mula sa piitan," ani Don Emmanuel na nakaupo sa silyang tumba-tumba habang siya'y naninigarilyo dito sa kanilang beranda. "Siya'y nakakuha ng manananggol at napatunayang walang kasalanan sa krimeng naganap walong taon ang nakalipas," dagdag niya.

"Kung ganoon, may balita ka rin ba kung nasaan siya ngayon?" tanong ni Donya Consolación.

Ibinuga muna ni Don Emmanuel ang usok ng kanyang tabako bago siya sumagot. "Wala. Ngunit nais kong tiyakin na siya'y hindi dito sa Binondo nananatili."

"Bungang Binondo si Feng. Saang lugar pa sa palagay mo siya maaaring manirahan?" ani Donya Consolación.

"Kahit saan basta huwag lang dito sa Binondo. Isipin mo si Esmeralda. Maliit lang ang Binondo kaya't papaano kung magkita sila?" seryosong sabi pa ni Don Emmanuel sabay hithit muli ng tabako.

Napabuntong-hininga na lamang si Donya Consolación habang nakahalukipkip.

...

"ANG akala mo ba'y hindi ko malalaman, Esmeralda?!" sigaw ni Madre Divina na sinesermonan ngayon si Esme habang nakaluhod ito sa munggo na may halong asin at habang may nakapatong na mabigat na libro sa magkabilang kamay nito bilang parusa sa pagtakas nila ng dormitoryo. Kasama niya ring nagdudusa si Barbara dahil ito ang kasama niyang tumakas.

Saktong kakabalik lamang nila ng dormitoryo kanina nang makitang inaabangan na pala sila ni Madre Divina sa labas dahil agad nitong nalaman na tumakas sila, sapagkat may kung sinuman ang nakapagsumbong dito.

Napapikit na lamang si Esme habang tinitiis ang sakit sa pagbaon ng matigas na munggo at asin sa kanyang tuhod. "M-Madre. N-Nababagot lamang po ako dito sa dor--"

"At talagang ika'y sasagot pa?! Kung ika'y nababagot dito sa dormitoryo, edi sana'y hindi ka na lamang nag-aral at naglaro ka na lang sa inyong tahanan!"

Hindi na nakasagot pa si Esme at sa halip ay napayuko na lamang ito habang kagat-kagat ang kanyang labi.

"Sisiguraduhin kong makakarating ito sa iyong mga magulang. Upang pati sila'y pangaralan ka. Ewan ko na lamang kung saang kangkungan ka pupulutin," saad pa ni Madre Divina.

Bigla namang napatingala si Esme sa kanya gamit ang kalunos-lunos nitong mukha. "M-Madre, huwag niyo na pong iparating sa aking mga magulang. Kapag nalaman nila'y hindi nanaman nila ako palalabasin sa aming tahanan at pagbabasahin nanaman nila ako ng sandamakmak na libro na puro tungkol sa mabubuting asal. N-Nakikiusap po ako. Madre! Huhu!"

Hindi na siya pinansin ni Madre Divina dahil tinalikuran na siya nito at pumasok na sa loob ng dormitoryo.

Gabi na kaya malamig na rin dito sa labas, bagay na sumasabay sa kanilang paghihirap sa parusang natanggap nila.

"E-Esme, K-Kasalanan mo ito," maya-mayang sabi ni Barbara na nagtitiis din ng sakit.

"Huwag mo akong sisihin. Dapat ka pa ngang magpasalamat sa akin dahil nakatikim ka ng tanghulu na kailanman ay hindi mo matitikman sa iyong buong buhay kung wala ako," ani Esme. Inerapan na lamang siya ni Barbara.

Maya-maya'y napatahimik sila nang may maramdaman silang presensya ng tao na huminto sa kanilang likuran. Lumapit ito papunta sa kanilang harapan at doon lang nila nakitang si Céleste pala ito.

"Anong ginagawa mo dito?" seryosong tanong ni Esme.

Hindi siya sinagot nito at sa halip ay blangko lamang ang ekspresyon ng mukha nito. Nagulat na lamang sila nang alisin nito ang librong nakapatong sa magkabila nilang kamay.

Dahil do'n ay napakunot ang noo ni Esme. "Hoy, ikaw. Nais mo ba kaming ipahamak kay Madre Divina? Siguro ikaw rin ang nagsumbong sa kanya, ano?"

"Ano ba Esme, tayo na nga itong tinutulungan, ikaw pa riyan ang nambibintang," saad ni Barbara.

Almas Gemelas (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon