Kabanata XII: Kolera - Ikatlong Bahagi

12 1 0
                                    

SA paglalakad ni Esme ay sandali muna siyang huminto sa isang tabi at doo'y sumandal sa pader. Maya-maya, hindi na niya napigilan ang kanyang sarili na mapahagulgol sa katotohanang wala na si Anita.

Dahan-dahan siyang napaupo dahilan upang magadgad sa pader ang likuran ng kanyang damit habang siya'y patuloy sa pagtangis.

Yumuko siya kasabay ng pagpatak ng kanyang luha sa lupa. Hindi man ito ang unang beses na siya'y labis na nagdalamhati, masakit pa rin para sa kanya pagkat hindi lang nila basta lamang tagapagsilbi si Anita, kundi ito'y kanyang matalik na kaibigan, kakampi sa mga panahong kontra ang lahat sa kanya, at itinuturing na ring kapatid.

...

NAKABALIK na si Esme sa kanilang hacienda at pagkapasok niya sa tarangkahan ng kanilang mansyon, nakasalubong niya ang pranses na manggagamot kanina na sumuri sa kalagayan ng kanyang ina na ngayon ay paalis na.

Nang makasalubong niya na ito ng malapitan, bahagya lamang siya nitong tinanguan at nagpatuloy na sa paglalakad palabas ng tarangkahan.

Samantala, tumuloy na sa loob si Esme at dali-daling pumanhik sa itaas. Pagkapanhik niya'y napahinto siya nang madatnan si Don Emmanuel na nasa labas ng silid kung saan nakaratay si Donya Consolación.

"Ama, kumusta raw ho ang kalagayan ni ina?" tanong ni Esme at naglakad palapit kay Don Emmanuel, ngunit tinalikuran lamang siya nito paharap sa nakasarang pintuan ng silid.

Pinagmasdang siyang mabuti ni Esme. Mula sa likuran ni Don Emmanuel, kitang-kita ang pagpahid niya sa kanyang mata gamit ang likod ng kanyang daliri, na tila ba iniiwasang ipakita iyon kay Esme.

"Ama" tawag ni Esme sa kanya.

Maya-maya'y hinarap niya na ang dalaga nang matiyak nang tuyo na ang kanyang mga mata. Tumikhim siya bago magsalita. "Saan ka galing?"

"Sagutin niyo muna ho ang tanong ko." ani Esme.

Ilang segundong hindi nakasagot si Don Emmanuel, kaya't naisipan na ni Esme na maglakad palapit sa pintuan papasok sa silid kung saan nakaratay si Donya Consolación, ngunit bago pa man niya mabukas ang pinto ay mabilis siyang hinarangan ni Don Emmanuel.

Napatingin naman sa kanya si Esme. "Ama, nais ko lang kamustahin ang kalagayan ni ina---"

"Hindi ka maaaring pumasok sa loob."

Dahil do'n ay napatigil si Esme. "...H-Ha?"

"Nalaman naming siya'y may sakit na kolera base sa mga sintomas na kanyang ipinapakita." ani Don Emmanuel na pinipigilan ang sariling maluha. "Hindi mo siya maaaring pasukin sa loob, dahil may posibilidad na ika'y mahawa."

Umiling-iling naman si Esme na bigla na lang natulala sa kawalan. "Hindi ... hindi maaari." aniya at nagpumilit pumasok sa silid ngunit mabilis na iniharang ni Don Emmanuel ang kanyang braso sa pintuan.

"Papasukin mo ako!" pagpupumilit ni Esme. "Ina!"

Pilit niyang itinulak si Don Emmanuel upang siya'y makapasok sa pinto ngunit sadyang malakas ito para ito'y kanyang matulak kaya't wala na siyang nagawa kundi humagulgol na lamang at mapasalampak sa sahig.

"Ina..." pagtangis niya.

Samantala, tulala na lamang sa kawalan si Don Emmanuel. Maya-maya'y tinalikuran niya na si Esme at nagtungo na sa ibaba.

Pagkababa niya sa salas, agad siyang nagtungo sa kusina at agad na kinuha ang isang boteng alak sa gabinete 'tsaka siya nagpwesto sa lamesa at doo'y umupo. Tinanggal niya ang kahoy na nakatakip sa bote bago niya tunggain ito.

Habang tumutungga ng alak ay tulala lamang siya sa kawalan. Doon na rin nag-umpisang uminit ang kanyang mga mata hanggang sa hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang luha.

Almas Gemelas (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon