Kabanata I: Unang Tagpuan - Unang Bahagi

191 12 1
                                    

Filipinas 1819

"Magandang umaga po!"

"Magandang umaga po sa inyo!" nakangiting bati ng mga magsasaka at saka sila kumaway-kaway nang sila'y madaanan ng pamilyang Lacandola na nakasakay sa kalesa palabas dito sa kanilang asyenda.

"Magandang umaga rin sa inyo. Magpatuloy na kayo sa inyong mga ginagawa," bati naman pabalik ni Don Emmanuel Lacandola sa mga magsasaka na nagpatuloy na sa pagtatanim ng mga palay, mais, at iba pang mga prutas sa malawak na sakahan.

Si Don Emmanuel ang may hawak ng tali ng kabayo sa kalesa. Nabibilang siya sa mga ilustrado. Isa siyang haciendero at dating Gobernadorcillo sa kabisera ng Binondo. Nakasakay din dito sa kalesa ang kanyang asawa't anak na nakaupo sa kanyang likuran.

Ang asawa niya'y si Donya Consolación Yuchengco Lacandola, isang ilustrado at may lahing tsino. At katabi naman nito ang kanilang anak na si Esmeralda (Esme) Yuchengco Lacandola, pangalawa at kanilang bunsong anak na babae at may edad na diecisiete anyos.

Patungo sila ngayon sa Intramuros upang bisitahin ang matalik na kaibigan ni Don Emmanuel na si Don Artur na kakauwi lang ng Pilipinas galing Pransiya.

Si Don Artur ay isang purong pranses na naninirahan sa Pilipinas bilang isang negosyante. Umuwi siya sa Pransiya at nanatili nang tatlong taon nang malamang namayapa na ang kanyang mga magulang doon. Hindi na rin siya nagkaroon ng asawa't pamilya dahil masyado siyang abala sa kanyang negosyo dito sa Pilipinas.

"Malapit na tayong makarating sa mansyon ni Don Artur, anak. Hangga't maaari, pigilan mo muna ang iyong sarili na huwag makatulog," paalala ni Donya Consolación sa anak niyang si Esme na pumupungay na ang mga mata at kanina pa rin napapahikab dahil sa antok habang sila'y bumabyahe. Kagaya ng kanyang ina ay nakasuot ito ng baro't saya na may ternong kulay dilaw na pañuelo at camisa.

"Ina, parusa ba ito? Ilang araw na akong hindi nakakatulog ng mahaba sapagkat lagi niyo akong pinapabasa ng sandamakmak na aklat tungkol sa magagandang asal buong maghapon at magdamag. At ngayon, pagbabawalan niyo pa akong umidlip kahit isang segundo man lang?" reklamo ni Esme sa kanyang ina.

Maya-maya'y tumikhim ang kanyang ama na si Don Emmanuel. "Nararapat lamang, Esme. Nang sa gayo'y matuto ka sa mga pinanggagagawa mong kalokohan sa iyong paaralan. Isa pa na mabalitaan kong nang-away ka ng iyong kamag-aral, hindi lang 'yan ang parusang aabutin mo. Hindi na rin kita hahayaang lumabas ng mansyon nang sa gano'n ay hindi ka na makagala sa kung saan saan," saad ng kanyang ama na nakatuon lang ang paningin sa harap ng daan.

Napasimangot na lamang si Esme. "Dapat iniwan niyo na lamang ako sa mansyon, nang sa gayo'y natulog na lang sana ako habang hinihintay ko kayo," aniya.

"Kapag iniwan ka namin, ipapabantay ka namin sa kasambahay upang siguraduhing nagbabasa ka ng mga aklat habang wala kami," saad naman ni Donya Consolación.

Mas lalong napasimangot si Esme at humarap na lamang sa kanyang kanan upang pagmasdan ang kabukiran na kanilang nadadaanan.

"Hindi ko talaga kayo mga magulang," mahinang sabi niya. Ngunit taliwas sa kanyang inaakala ay narinig iyon ng kanyang ama.

"Ulitin mo ang iyong sinabi."

Gulat na napatingin si Esme sa kanyang ama. Maya-maya'y pilit siyang ngumiti para hindi siya pagalitan nito. "Biro lang, ama."

Almas Gemelas (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon