"EPIDEMYA ng Kolera?" saad ni Esme sa kanyang isip habang pinapanood ang pag-alis ng gobernadorcillo sakay ng kalesa.
Nang makaalis na sila, ay nag-umpisa nanamang magkagulo ang mga tao dahil sa halamang gamot.
"Narinig mo ba ang sinabi niya?! Wala raw lunas sa sakit na iyon!" sigaw ng isang babae sa ale.
"Mayroon mang lunas o wala, hindi ko ibibigay sa inyo itong mga halamang gamot ko!" sigaw pabalik ng ale.
Sa kabilang banda, napatitig na lamang sa kanila sila Esme.
"Hija?" maya-mayang tawag ng lalaking tindero. "Bakit hindi pa kayo bumalik sa inyong tahanan? Mahirap na't hindi natin alam kung gaano kabilis kumalat ang sakit." nag-aalalang sabi niya.
Napaharap naman sa kanya sila Esme.
"Manong..." ani Esme habang diretsong nakatingin ngayon sa lalaki. "Sa totoo lang po, narito kami upang hanapin ka."Napatigil naman ang lalaki. "B-Bakit naman, hija?" takang tanong nito.
Ilang sandaling hindi nakapagsalita si Esme, hindi alam kung saan mag-uumpisa. "Maaari niyo po bang sabihin sa akin ang iyong tunay na pagkakakilanlan?" katanungang unang lumabas sa kanyang bibig. "Nais ko lamang pong makatiyak, na kayo nga ang matagal ko nang hinahanap."
Sandaling napatitig sa kanya ang lalaki at ilang segundong hindi nakapagsalita. "A-Ako'y walang saysay na tao lamang na tindero ng mga eskrima dito sa bayan ng Binondo," ang tanging sagot nito na taliwas sa inaasahan ni Esme.
"Ang inyo pong pangalan?" tanong pa ni Esme.
"Hija, gaya ng sabi ko, ako'y walang saysay na tao lamang. Hindi niyo kailangang mag-aksaya ng oras upang kilalanin ako---"
"Kayo po ba si Feng?" pagputol ni Esme na nagpahinto sa lalaki. "Kayo po ba ang aking ama?"
Tila ba unti-unting bumagal ang pagtakbo ng paligid para sa lalaki matapos banggitin ni Esme ang katanungang iyon.
"Sabihin niyo man po o hindi, alam kong ikaw ang aking ama." ani Esme. "Ito ang ikatlong beses ng ating pagkikita, bakit tila hindi man lang pumasok sa iyong isip na magpakilala? Hindi niyo rin ba ako nakikilala?"
Diretso lamang nakatitig sa kanya ang lalaking tindero na ngayo'y may nangingilid nang luha sa mga mata nito, at hindi makapagsalita.
"Ang tagal kitang hinanap, ama." saad pa ni Esme. "Halos araw-araw akong gumagala sa buong Binondo noon pa man, umaabot pa ako sa kabilang distrito upang hanapin ka. Hinahanap kita habang nagtitiis akong manirahan sa isang mansyon kasama ang mga lunatikong Lacandola." Maya-maya'y may tumulo nang luha mula sa kanyang mata. "Ngunit ngayong nakita na kita, bakit tila---"
Hindi na natapos ni Esme ang kanyang sinasabi nang lapitan siya ng lalaki na nagngangalang Feng, na siyang tunay niyang ama at saka siya nito kinulong sa yakap.
"Walang segundong ika'y hindi sumagi sa aking isip, anak." saad ni Feng na nakayakap kay Esme habang nakapikit ang kanyang mga matang lumuluha. "Ying, anak, matagal akong nangulila sa iyo habang ako'y nasa kulungan."
Samantala, napahikbi na lamang si Esme at mas lalong hinigpitan ang kanyang pagkakayakap sa kanyang ama.
Sa kabilang banda, nanatiling nakatayo si Céleste habang pinapanood ang dalawa, hindi maitago ang saya sa kanyang nararamdaman para kay Esme dahil sa wakas ay nagkita na sila nito ng tunay nitong ama, na siyang ilang buwan rin nilang hinanap ng magkasama.
...
"Walong taon akong nasa piitan ng Cebu. At nitong nakaraang ikalawang buwan ay nakalaya na ako at bumalik dito sa Binondo upang hanapin ka. Ngunit nang magkita tayo sa pamilihan ng Binondo, noong una'y hindi kita nakilala, ngunit doon pa lamang ay nakaramdam na ako ng lukso ng dugo. Nais ko sanang itanong noon kung saang angkan ka nabibilang ngunit hindi ko na naitanong pa. At ngayong napatunayang ikaw nga ang aking anak at ako'y iyo ring hinahanap, hindi ko maipaliwanag ang galak sa aking nararamdaman." nakangiting saad ni Manong Feng habang narito sila ngayon sa loob ng Panciteria at nakaupo sa tapat ng isang lamesa kasama si Esme at Céleste.
BINABASA MO ANG
Almas Gemelas (Ongoing)
Historical FictionLiving a prosperous life in Manila, Esmeralda and the initially indifferent, poker-faced Céleste met and eventually became close companions despite their previous enmity. Until an unexpected epidemic came--Cholera, which led to a massacre of many fo...