Kabanata V: Katigan - Unang Bahagi

84 10 0
                                    

ALAS-TRES pa lamang ng madaling araw ay gising na ang lahat ng mga tao sa dormitoryo ng Colegio de Santa Isabel upang maghanda at gumayak para sa misa na idadaos mamayang alas-kwatro.

Kasalukuyan nang nagbibihis si Esme habang si Barbara ay nagsusuklay ng kanyang buhok at si Dulce na kanina pa din naglalagay ng kolorete at iba pang mga pampaganda sa mukha.

Napataas na lamang ng kabilang gilid ng nguso si Esme habang pinapanood si Dulce na kung maglagay ng kolorete ay napakakapal. "Misa de Gallo ang ating pupuntahan at hindi paligsahan sa pagandahan."

Dahil do'n ay napatigil si Dulce at nakakunot ang noong humarap kay Esme. "Bakit ka ba nangingialam?"

"Oh, ikaw ba ang aking pinaparinggan? Bakit? Ikaw ba'y natamaan?" nakangising ani Esme na tila nang-aasar.

"Sino pa ba? Eh ako lang naman lagi ang iyong kinakaaway---"

Agad naman pumagitna si Barbara sa kanilang harapan. "Hay nako, ayan nanaman kayo. Maliit na bagay ay gagawan niyo nanaman ng away. Ito ang unang araw ng Misa de Gallo kaya't bawal tayong mahuli. Bilisan niyo na riyan."

"Tsk!" Inerapan ni Dulce si Esme.

"Tsk ka din!" Inerapan na lamang din siya ni Esme.

...

NAGLALAKAD na sila ngayon patungo sa simbahan habang nangunguna sa kanilang paglalakad si Madre Divina at ang iba pang mga madre.

At dahil madilim pa, ang nagsisilbi nilang tanglaw patungo sa simbahan ay ang mga parol na gawa sa kawayan o papel de hapon na sinindihan ng kandila sa loob na nakasabit sa mga bahay-bahay at kalye na kanilang nadadaanan.

Ang ibang mga tao na magsisimba din na halos mga magsasaka ay nakasakay sa kalabaw at ang iba ay naglalakad lang din patungo sa kani-kanilang parokya.

Napahikab si Esme na tila inaantok pa habang sila'y naglalakad. Maya-maya'y natanaw niya si Céleste na nauunang maglakad sa kanya.

Naisipan niyang tumakbo palapit sa dalaga, at nang makalapit ay nginitian niya ito. Sandali lamang sumulyap sa kanya si Céleste ngunit kalauna'y agad ding ibinalik ang paningin sa harap ng nilalakaran.

"Magandang umaga, Celestina!" nakangiting bati ni Esme sa dalaga. "Nakatulog ka ba ng maayos?" tanong niya pa dito.

Ngunit hindi na siya nilingon ni Céleste. Bumuntong-hininga na lamang si Esme at tumango-tango. "Ah, siya nga pala. Tabi tayo mamaya sa simbahan, ah?" ngumiti siya.

Hindi na siya sinagot ng dalaga. Maya-maya'y nakisabay sa kanilang paglalakad si Dulce. "Ikaw si Céleste na aming bagong kamag-aral, tama?" tanong nito.

"Tunay ngang ang mata ay nakakahanap ng higit na katotohanan kaysa sa dalawang tainga. Ang iyong pagka-elegante at kariktan ay higit na pino sa personal kaysa sa kung ano ang aking narinig tungkol sayo," puri pa ni Dulce kay Céleste.

"Huwag mo siyang labis na purihin gamit ang iyong pekeng talento sa panitikan." ani Esme.

"Oh, nariyan ka pala, Esme. Magkalapit na kayo?" natatawang tanong ni Dulce.

Napatigil naman si Esme at tumingin kay Céleste na diretso lamang nakatingin sa harapan, at hindi pansin ang dalawa na pinagigitnaan siya.

"Sa palagay ko ay hindi. Sabi nga nila, ang isang edukado at eleganteng binibini, ay hindi nakikipagkaibigan sa kung sino-sino, lalo na sa mga pilya. Tama ba ako, binibining Céleste?" dagdag ni Dulce.

Napakunot naman ang noo ni Esme. "Hoy, ikaw. Anong nais mong ipabatid? Na isa akong pilya?!"

Natawa naman si Dulce. "May tinuran ba akong isa kang pilya, Esme?"

Almas Gemelas (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon