Kabanata 24

343 16 0
                                    

Kabanata 24. I Saw

Lumipas ang isang buwan at naging abala ako sa paaralan, wala pa ring pinagbago marami pa ring may ayaw sa'kin. Pero ang nakakainis ay gusto lang mapalapit sa'kin ng iba para makausap nila si Selwyn, may ilang gustong makipag-kaibigan pero kaplastikan lamang ito.

Sa loob ng isang buwan na iyon ay inilaan ko ang aking oras sa pag-aaral, masarap sa pakiramdam na gawing inspirasyon si Selwyn. Unti-unting lumalim ang aming samahan at kung minsan nagtataka na ako dahil ang mga katangian niya na sinulat ko noon sa libro ay nadadagdagan dito sa totoong buhay.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala kung paano nangyari ang lahat, may parte ng pagkatao ko na gustong bumalik doon sa balon pero may parte rin na ayaw ko.

Pero kahit na gano'n ay nilaan ko na lamang ang atensyon sa kung ano mang meron ako, hindi ko na naisip ang mga kahihinatnan basta ang alam ko masaya ako.

"Isang buwan nalang bakasyon na, anong plano mo?" tanong ni Bren habang nagkakape.

"Balak kong umuwi do'n sa mga pinsan ko," sagot ko.

"Sa mga pinsan mo? Paano si Selwyn?" ang wika pa niya kaya naman tumingin ako sa direksyon ni Selwyn na noon ay abala sa panonood ng tv.

"Balak ko siyang isama,"

"Seryoso ka ba do'n? Baka kasi magulat ang mga pinsan mo, nasabi mo sa'kin noon na hindi sila aware sa ganiyang kilos mo,"

"Ano namang magagawa nila, buhay ko naman ito. Tsaka ayoko lang din talagang mahiwalay pa kay Selwyn," sagot ko sabay tayo at dito nagtimpla na rin ng kape.

"Mahal mo na talaga?"

"Sobra, at ayoko nang pakawalan pa," tugon ko sabay sulyap kay Selwyn na noon ay nakangiti na palang nakatingin sa'kin.

Dumaan pa ang mga oras at naging abala ako sa mga gawain, dito palagi akong kinukumusta ni Selwyn sa tawag kahit pa nasa school ako kaya hindi maiwasan na pagtinginan ako ng aking mga kaklase.

Kasalukuyan akong nasa pabrika para magtrabaho, habang si Selwyn naman ay nangungulit na sumama pero hindi ako pumayag dahil baka mainip lamang siya dito at makaabala.

"Balita ko isang buwan nalang ay bakasyon na ninyo? Ikaw ang mag-decide kung papasok ka pa rin dito, karamihan sa mga working students ay nagpaalam sa'kin at ayos lang naman iyon. Nais ko rin na magkaroon kayo ng oras sa inyong pamilya," ang masayang paalala ng aking boss.

"Wala rin naman po akong uuwian kaya nagdadalawang isip ako kung magtatrabaho nalang din ako sa bakasyon, malaking tulong na rin iyon para magkaroon ako ng pamyabad sa next semester,"

"Ang mga katulad mo ay sadyang masipag, hindi ako magdadalawang isip na bigyan ka palagi ng bonus dahil sobrang deserving mo,"

"Nakakatuwa naman po, pero nasa sitwasyon na rin po kasi iyon. Wala naman po akong mga magulang na uuwian kung sakali, ang mga pinsan ko lamang ang siyang meron ako sa aming probinsya," sagot ko at dito tinapik niya ang aking balikat.

"Matapang kang bata, Kevin. Kaya ikaw ang isa sa pinakapaborito ko dito, bukod sa magalang ay sobrang sipag pa. Kaya naman hayaan mo bigyan kita ng regalo," ang wika niya pa at dito sumenyas siya na samahan ko siya sa kaniyang opisina.

Sa buong pagtatrabaho ko dito ay ngayon ko lamang nakita ang opisina na ito, malaki at sadyang napakalinis. May ilan din akong nakitang tao sa kabilang banda, batid kong ito ang pinamamahalaan ng kaniyang secretary.

Ilang sandali pa ay may kinuha siyang dalawang paper bag sa ilalim ng kaniyang mesa, "Alam kong sukat ito sa'yo, kaya naman tanggapin mo ito bilang regalo ko at pasasalamat," wika niya sabay abot nito sa'kin.

Tiningnan ko naman ang laman at dito nagulat sa nakita dahil dalawang kahon ng sapatos ang aking natanggap! Branded pa at sobrang ganda ng disenyo, "Naku, nakakahiya naman po. Mukhang hindi ko ito matatanggap," ang nabibigla kong sagot.

"Anong hindi matatanggap? Wala kang choice dahil sa iyo na 'yan, in-order ko 'yan dahil nakikita kong deserving ka. Kaya sige, isukat mo," sagot niya pa at dito lumapit ako para bigyan siya ng yakap.

"Maraming salamat po, para sa'kin hindi ito simpleng regalo lamang. Iingatan ko po ito, pangako,"

"Mag-aaral kang mabuti ah? Nakikita ko kasi sa iyo ang aking anak, ngayon ay masaya ako na nagtatrabaho na siya abroad at malayo na rin ang nataring. Balang araw magiging katulad mo siya, basta tahakin mo lang ang propesyon na malapit sa iyong puso." No'ng mga sandaling iyon ay lubos akong nagpapasalamat, hindi ko inakala na makakatanggap ako ng regalo mula sa kaniya.

Sa mga nagdaang araw ay purong saya lang aking nararanasan, kaya hindi ko maiwasang magdasal palagi tuwing gabi upang magpasalamat lalo na sa mga nagdaang nagiging masaya ako at kung ano-ano pa para lang magkaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy.

Minsan iniisip ko kung deserve ko ba ang lahat ng ito, no'ng araw na binigay si Selwyn sa akin ay higit pa sa isang regalo. Siya ngayon ang nagsisilbing lakas ko at inspirasyon, kaya naman sa tuwing natatapos ako sa aking trabaho ay parati akong sabik sa pag-uwi para lang makita siya.

Nag-abang ako ng bus pauwi dala ang dalawang paper bags, ang isa rito ay para kay Selwyn dahil no'ng tinanong ko si Bren ay siya mismo ang tumanggi at sinabing ibigay na lamang ito sa aking kasintahan.

Pumayag din naman ako dahil nga wala gaanong gamit si Selwyn, kaya halos maubos din ang aking ipon dahil binilhan ko siya ng mga damit noon. Pero kahit na gano'n ay natuto naman siyang humanap ng trabaho, kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa isang karinderya dahil hindi maitatanggi na magaling siya sa pagluluto.

Habang nasa bus ay hindi ko maiwasang kuhanin ang aking libro at basahin ang ilang pahina.

- Page V (Mr. Better Man)

Sa unang pagkakataong kong makahanap ng kasintahan ay doon pa ako napunta sa taong maalaga, mabait, gwapo at kung ano-ano pang katangian ang meron sa kaniya.

Ang mga bagay na pinapangarap ko lang noon ay siya mismo ang gumagawa para sa'kin, kung minsan iniisip ko kung deserve ko ba ang lahat ng ito.

Pero ang taong tulad niya ay hindi na dapat pakawalan, kaya naman ginagawa ko ang lahat para sa kaniya at gano'n din naman siya sa'kin. Kung hindi ito ang tinatawag nilang tunay na pag-ibig? Hindi ko na alam kung ano pa iyon.

Ngumiti ako at muling dumungaw sa labas ng bintana, hindi ako makapaniwala na ang taong hinahangaan ko na ako mismo ang lumikha ay siyang taong kasintahan ko ngayon.

Ngunit sa kabila ng mga masasayang karanasan, nakalimutan ko na darating sa puntong meron itong hangganan.

© kopimakiyato

Tadhana Nga Naman (BXB) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon