Chapter XXII: Appearance of the Mysterious Faceless Man, Again
Hindi inalis ni Finn ang kanyang atensyon sa lalaking lumulutang din hindi kalayuan sa kanya. Tutok na tutok ang tjngin niya rito habang pinakikiramdaman niya ang maharlikang enerhiya na nagmumula sa katawan nito. Nararamdaman niya iyon, ramdam na ramdam niya ang celestial power na tinataglay ng lalaki, at ang mas nakakuha pa ng interes ni Finn ay may pagkakapareha ang celestial power na tinataglay nito sa celestial power na tinataglay niya.
Hindi pa nakakasalamuha si Finn ng ibang celestial na kagaya niya, at wala pa siyang ideya kung sadya bang magkakatulad ang celestial power ng bawat celestial sa mundo ng mga adventurer. Naging palaisipan ito sa kanya, ganoon man, isinantabi niya muna ang tungkol sa bagay na ito dahil mas pinagtuunan niya ng pansin ang lalaking walang mukha at kung ano ang balak nitong gawin.
Noong nakaraan, tinuruan siya nito nang tungkol Heavenly Celestial Spear, at kung paano ito gamitin. Malaki ang tulong ng Heavenly Celestial Spear sa kanya kahit na hindi niya pa ito lubusang ginagamit. Isa ang skill na ito sa kanyang itinatagong alas, at ikinokonsidera niya ito bilang pang-ligtas ng buhay kung sakaling malagay siya sa alanganin.
Nanatiling walang kibo ang lalaki. Nagtaka si Finn kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kumikilos. Gusto niya nang matuto ng bagong kakayahan na may kaugnayan sa kanyang pagiging celestial. Gusto niya nang madagdagan pa ang kanyang kaalaman at kabuoang lakas para makalaban pa siya sa mga adventurer na higit na mas mataas ang antas kaysa sa kanya.
Matapos ang matagal na paghihintay, sa wakas ay kumilos na rin ang lalaki. Mas itinuon pa ni Finn ang kanyang konsentrasyon sa bawat galaw ng lalaki upang wala siyang makaligtaang kahit na isang maliit na detalye.
Kinuyom ng lalaki ang kanyang kamao. Naglabas ang kanyang katawan ng celestial power, at ang kapangyarihang ito ay mabilis na naipon sa kanyang kamao.
Pumorma ang lalaki, at makaraan lamang ang ilang sandali, sumugod ito patungo kay Finn habang ang kapangyarihan sa nagliliwanag nitong kamao ay handa nang kumawala anomang oras.
Ang unang reaksyon ni Finn ay pumorma upang salagin ang atake ng lalaki. Wala siyang balak na iwasan ito dahil kung iiwasan niya ito, hindi niya lubos na mauunawaan ang kapangyarihan sa likod ng atakeng pakakawalan ng lalaki.
Hindi siya nangangambang baka mapinsala siya o mamatay dahil sa atake ng lalaki. Kamalayan niya lamang ito, at hindi siya mapipinsala rito. Isa pa, noon, hinarap niya rin ang Heavenly Celestial Spear na ibinato sa kanya ng lalaki. Hindi siya napinsala, bagkus tumagos lamang ang sibat sa kanyang katawan. Tumama iyon, at dahil doon kaya niya nakuha ang impormasyon tungkol sa Heavenly Celestial Spear, at kung paano niya ito gagamitin sa isang laban.
Kung sasaluhin niya muli ang panibagong atake ng lalaki, marahil makukuha niya rin ang impormasyon nito, at maaari niya itong matutunan at mapag-aralan.
Dahil dito, nanatili siya sa kanyang puwesto. Palapit na nang palapit sa kanya ang lalaki at ang kamao nito. Nararamdaman niyang tila ba naiipit siya ng puwersa sa iba't ibang direksyon habang lumalapit ang kamaong nagliliwanag sa kanya. Wala na talaga siyang takas, at wala na siyang magagawa kung hindi ang saluhin ang atake ng lalaki.
Pinagkrus ni Finn ang kanyang braso upang salagin ang kamao ng lalaki. Dumampi sa kanya ang kamao, subalit wala siyang naramdamang kahit anong kirot o sakit. Ganoon man, napagtanto niya na ang kanyang katawan ay kasalukuyang bumubulusok pababa. Hindi rin niya maigalaw ang kahit anong bahagi ng kanyang katawan.
Nakapalibot sa kanya ang padron na binubuo ng labing tatlong bituin at kasalukuyang pinipigilan ng kapangyarihan ng padron ng mga bituing ito ang kanyang pagkilos.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]
FantasyNgayong tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn sa mundo ng alchemy, oras na para maisakatuparan niya ang kanyang hangarin na paghihiganti sa mga salarin sa pagkawasak ng Ancestral Continent at pagkamatay ng mga mahahalaga sa kanyang buhay. Oras na...