Chapter XLI: Recruitment
Pinagmasdan ni Finn ang reaksyon ng kanyang mga kasamahan matapos niyang banggitin ang tungkol sa mahalaga niya pang pakay sa mundong ito. Si Poll at ang grupo ni Oyo ang pinakamasaya't nananabik sa kanyang plano habang mababakas ang pagsang-ayon sa ekspresyon nina Tisia, Torko, Tumo, at Talia. Tungkol kay Temuer, hindi siya makikitaan ng interes at itinuon niya na muli ang kanyang atensyon sa pakikiramdam sa kanyang enerhiya.
Mas mahalaga para kay Temuer na manumbalik ang isang daang porsyento ng kanyang lakas kaysa sa ibang bagay, at walang problema roon si Finn dahil siya na rin mismo ang nagpayo sa mga ito na agad na magpagaling para makapagpatuloy na sila sa kanilang pangunahing hangarin.
Tinawag na rin ni Finn si Ysir. Lumitaw agad ito sa kanyang likuran, at magalang itong yumukod habang naghihintay ng utos mula kay Finn.
“Iiwan ko rito sina Ysir at Reden para bantayan ang mga gargoyle. Mayroon muna akong pupuntahang lugar para simulan na ang isa ko pang pakay rito. Tungkol sa inyo...” Sinulyapan ni Finn si Temuer bago siya muling bumaling kay Eon para magpaalala. “Ipagpatuloy n'yo ang inyong pagpapagaling dahil ilang araw mula ngayon, aalis na tayo sa mundong ito. Magtutungo na tayo sa Soul-eater Realm sa pamamagitan ng isang iyan,” ani Finn at muli niyang sinulyapan si Qintan na nasa balikat ni Reden.
Ngumiti ng malapad si Eon kay Finn. Tumango siya at nananabik na tumugon, “Huwag mo kaming alalahanin, Master. Gawin mo lang ang plano mo habang kami ay mananatili rito para gawin ang paalala mo. Isa pa, nararamdaman kong malapit nang magbukas ang soulforce pathway ko kaya kahit hindi ako gumawa ng paraan, kusang manunumbalik ang kapangyarihan at enerhiya ko sa dati.”
Tumango si Finn kay Eon. Kahit na hambog at mapagmalaki ang binatilyo, hindi niya pinagdudahan ang mga sinabi nito. Hindi rin pangkaraniwan ang kapangyarihan at kakayahan nito bilang adventurer kaya higit na mas mabilis itong gumaling kaysa kina Poll.
Matapos masiguro na napaalalahanan niya na ang kanyang mga kasama, tumalikod na siya at humarap sa pintuan palabas ng lugar na iyon. Bago siya tuluyang humakbang, binalingan niya muna ng tingin sina Eon at malumanay na nagsalita, “Babalik ako agad pagkatapos ko sa aking gagawin. Hintayin n'yo ako rito.”
Pagkatapos magpaalam, tumingala si Finn at tumingin sa kisame ng kastilyo. At dahil nagmamadali siya, hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon para lumabas sa natural na paraan. Mabilis na naglaho ang kanyang pigura, at pagkatapos, nagkaroon ng tunog ng nasirang haligi. Mayroon ding nagbagsakan na maliliit na tipak ng bato at nagkaroon ng maliit na butas ang kisame ng kastilyo matapos puwersahang lumabas ni Finn mula rito.
Napatingin na lang sina Poll sa butas na ginawa ni Finn sa kisame. Sandali silang nag-isip, at hindi na nagsalita pa. Pagkatapos, muli na silang nagkanya-kanya para sundin ang payo ng binata na magpagaling habang wala siya.
Samantala, kahit na umalis na si Finn sa kastilyo, nananatili pa ring hindi kumikibo ang mga gargoyle sa kanilang kinaroroonan. Nakaluhod pa rin ang bawat isa sa kanila habang nakalapat ang kanilang mga noo sa sahig.
Hindi sila nangangahas na kumilos para tumakas dahil natatakot silang baka iyon na ang maging huling sandali nila sa mundo ng mga buhay. Nakatanim na sa kanilang puso't isipan ang matinding takot na ipinaranas sa kanila ni Finn kaya hindi na sila mangangahas na gumawa ng maling hakbang hangga't hindi nila nakukuha ang hudyat ng binata.
Isa pa, mayroong dalawang nagbabantay sa kanila, at nararamdaman nilang isang maling kilos lang nila ay hindi malayong magaya sila sa kinahinatnan ng kanilang pinaka panginoon na si Qintan.
Ang kastilyo ay tuluyan nang naging payapa't tahimik matapos umalis ni Finn. Kasalukuyan nang nasa himpapawid ang binata habang pinagmamasdan ang lugar na kinaroroonan ng mga aliping higante ng mga gargoyle.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]
FantasyNgayong tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn sa mundo ng alchemy, oras na para maisakatuparan niya ang kanyang hangarin na paghihiganti sa mga salarin sa pagkawasak ng Ancestral Continent at pagkamatay ng mga mahahalaga sa kanyang buhay. Oras na...