Chapter LXXVI

4.4K 1.1K 413
                                    

Chapter LXXVI: The Truth and the Conspiracy

Sa isang iglap, napigilan ni Leonel ang muntik nang banggaan ng mga atake nina Finn at Munting Black gamit lamang ang kanyang mga  kamay. Nagresulta iyon ng napakalakas na pagsabog ng enerhiya na lumamon sa kabuoan nilang tatlo. Kumalat ang enerhiya sa paligid. May lumitaw na imahe ng padron ng labing tatlong bituin, at imahe ng isang itim na dragon na mayroong ginintuang mga mata. Nagkalat ang maharlikang enerhiya, at hindi kalaunan ay nasaksihan ng mga manonood ang pagtilapon ng dalawang pigura sa magkasalungat na direksyon.

Parehong naglaho ang kapangyarihang bumabalot sa katawan nina Finn at Munting Black. Nanumbalik na sa munting anyo si Munting Black. Bumagsak ang kanyang katawan sa lupa, at sumuka siya ng napakaraming ginintuang dugo. Malubha siyang napinsala, pero napapanatili niya pa rin ang kanyang malay. Sobra siyang nanghihina, at ang kanyang paningin ay nanlalabo na.

Tungkol kay Finn, hindi na rin maayos ang kanyang kalagayan. Hubad-baro siya at kitang-kita ngayon sa kanyang katawan, braso, mukha, at binti ang mga tinamo niyang pinsala. Nakahandusay siya sa lupa, pero mayroon pa rin siyang malay at mapapansin iyon sa kanyang ekspresyon na namimilipit sa sakit.

Parehong simple pa lang ang natamong pinsala nina Munting Black at Finn. Kaya pa itong gamutin ng mga medisina o ng mahiwagang kapangyarihan ng Myriad World Mirror, ganoon man, kung natuloy ang pagbabanggaan ng kanilang mga atake kanina, siguradong hindi lang ganito ka-simple ang kanilang matatamong pinsala--siguradong mas malala pa, at maaaring umabot pa sa puntong maaaring may mamatay sa kanila o maaaring mamatay silang dalawa.

Gumulong si Finn para dumapa. Sinuportahan niya ang kanyang sarili para tumayo. Nanginginig ang kanyang mga braso. Namamaga ang kanyang mga kamay, lalong-lalo na ang kanyang kanang kamao. Namilipit siya sa sakit at hapdi ng bawat bahagi ng kanyang katawan, pero pinilit niya pa ring sinuportahan ang kanyang sarili para makatayo.

Nanginginig ang kanyang mga tuhod. Naghahabol siya ng hininga, at halos nakapikit na ang isa niyang mata. Nakaramdam siya ng matinding hilo. Nanlalabo na rin ang kanyang mga mata kaya bahagya siyang umiling para hindi siya tuluyang mawalan ng malay. Dahan-dahan siyang pumihit, at sa kanyang pagharap sa direksyon kung saan naganap ang pagsabog, nasaksihan niya ang dahan-dahang pagbaba ni Leonel sa lupa.

Natigilan siya, at nawala ang pag-aalala niyang naramdaman matapos niyang makita na wala man lamang kahit isang galos si Leonel. Hindi rin siya makapaniwala sa nararamdaman niyang aura na inilalabas ng katawan nito. Hindi siya makapagsalita, hindi niya maituloy ang kanyang sasabihin dahil sa pagkabigla.

Kanina lang ay nag-aalala siya para sa buhay ni Leonel dahil sa kanilang atake ni Munting Black na walang pag-aalinlangan nitong pinigilan, subalit napagtanto niya na ang kanyang pag-aalala ay walang kuwenta dahil si Leonel ay higit nang mas malakas kaysa sa kanilang dalawa ngayon.

Hindi niya alam kung paano, bakit at anong ginawa ni Leonel para lumakas siya ng ganito. Hindi niya alam kung anong klase ng pagsasanay ang pinagdaanan nito, at kung anong mga kayamanan ang ginamit nito para umabot siya sa ganitong ranggo.

Si Leonel, sa kasalukuyan, ay may aura na nagtataglay ng kalidad ng aura ng isang Supreme Rank.

Tama, ng isang Supreme Rank na adventurer. Mula sa dating Heavenly Lord Rank, tumalon ang ranggo ni Leonel patungo sa Supreme Rank. Limang ranggo ang tinalon ng kanyang ranggo, at para kay Finn na kakaunti pa lang ang karanasang mayroon sa mundong ito, isa itong hindi kapani-paniwalang pangyayari.

Nang makatapak si Leonel sa lupa, ang agad nitong ginawa ay ang lumuhod sa harapan ni Finn. Kalungkutan at matinding pagsisisi ang mababakas sa kanyang mga mata. Hindi siya makatingin ng deretso sa kanyang master habang nanginginig ang kanyang mga kamaong mahigpit na nakakuyom.

Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon