Chapter LXVII: Confusing (Part 1)
Nagkaroon ng buhay ang mga mata ni Jero kasunod ng pagbaluktot ng kanyang katawan dahil sa pagkakasuntok ni Finn sa kanyang sikmura. Napasuka siya ng dugo, ramdam na ramdam niya ang napakatinding sakit sa kanyang tiyan, at para bang nagkadurog-durog ang kanyang mga buto at kalamnan. Muli siyang nagkaroon ng malay dahil sa ginawa ni Finn. Gumaling ng bahagya ang kanyang ilang sugat, subalit hindi siya makaramdam ng katiting na enerhiya na dumadaloy sa kanyang katawan.
Bumakas ang matinding pag-aalala at takos sa ekspresyon ni Jero nang siya ay makabawi. Dahan-dahan niyang itiningala ang kanyang ulo, at tumambad sa kanya ang mukha ni Finn.
Malinaw sa kanyang natalo na siya. Akala niya talaga ay katapusan niya noong huling sandali bago pa tumama ang kamao ni Finn sa kanyang mukha, pero naramdaman niyang nabawasan bigla ang puwersa ng binata na para bang sinadya nitong pahinain ang kanyang suntok.
“S-Sino at ano ka bang talaga?! Paanog... Paanong naging posible na makalaban ka pa gayong naubusan ka na ng soulforce para suportahan ang iyong mga atake?! Anong klaseng halimaw ka?!” Naguguluhan at takot na takot na tanong ni Jero kay Finn.
Sinubukan ni Jero na magpumiglas, ngunit hindi siya makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak nina Reden at Ysir sa kanyang braso. Napagtanto niya rin na ang kanyang mga soulforce pathway ay selyado kay mas lalo pa siyang nakaramdam ng matinding takot para sa kanyang buhay dahil sa sandaling ito, hindi niya na hawak ang kanyang buhay; kaya ng gawin ni Finn ang lahat ng gusto nitong gawin sa kanya.
“Hindi mo kailangang malaman kung ano ako. Mas mabuting manatili ka na lamang na ignorante. Sa ngayon, ang kailangan mong intindihin ay iyong buhay dahil sa sandaling ito, kayang-kaya kitang paslangin kung gugustuhin ko,” nanghahamak na sambit ni Finn na mas lalong ikinaputla ng ekspresyon ni Jero.
“M-Makinig ka, Finn Doria. Maaari nating pag-usapan ang tungkol sa bagay na ito... maaari tayong magkaroon ng negosasyon basta pakawalan mo lang ako! Nangangako akong hindi na ako magpapakita sa iyo basta hayaan mo lang akong mabuhay!” Pakikipagkasundo ni Jero kay Finn.
Ganoon man, hinamak siya ng tingin ni Finn. Umismid ang binata at nagwika, “Mukhang malaking pagpapahalaga ang ibinibigay mo sa buhay mo. Hindi ko akalain na ang isang napakasamang kagaya mo ay may kaduwagang itinatago.”
“Hayaan mong tanungin kita. Hinayaan mo rin bang mabuhay ang mga inosenteng nagmamakaawa sa iyo na huwag mo silang patayin? Pinagbigyan mo ba sila na mabuhay?” Mariing tanong ni Finn habang nakatingin sa mga mata ni Jero.
Iba't ibang klase na ng kalaban na nagtataglay ng iba't ibang katangian ang nakalaban ni Finn mula noong siya ay maging isang ganap na adventurer. Mayroong totoong matapang, may paninindigan, at hindi takot mamatay dahil sa matibay na paniniwala at prinsipyo. Mayroon din namang duwag at takot mamatay kaya gumagawa ng paraan para mabuhay lamang.
Walang nakikitang mali si Finn sa parehong klase ng kalaban na ito, ganoon pa man, mas mataas ang tingin niya sa may paninindigan at nagtataglay ng katapangan kaysa sa duwag na kalaban at walang paninindigan.
Pinili nila na kalabanin siya kaya dapat ay handa sila sa magiging kapalit ng kanilang piniling landas. Dapat handa silang mamatay dahil kinalaban siya ng mga ito.
At sa kaso ngayon, si Jero ay kabilang sa mga nakalaban ni Finn kung saan ito ay duwag at walang paninindigan--at mas lalo niya lang itong kinamumuhian dahil doon. Takot na takot si Jero na mamatay, pero ang kanyang mga pinatay para sa kanyang pagsasanay ay hindi na mabilang-bilang.
Kahit kailan, hindi magpapakita ng awa si Finn sa ganitong klase ng mga kalaban--lalong-lalo na't si Jero pa ang pumaslang sa malalapit sa kanyang buhay.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]
FantasyNgayong tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn sa mundo ng alchemy, oras na para maisakatuparan niya ang kanyang hangarin na paghihiganti sa mga salarin sa pagkawasak ng Ancestral Continent at pagkamatay ng mga mahahalaga sa kanyang buhay. Oras na...