Chapter XXVI

5.4K 1K 83
                                    

Chapter XXVI: Good Harvest

THUD!

Bumagsak ang tuhod ni Victoria sa sahig. May malaking butas ang kanyang leeg, at para bang isa itong gripong sira dahil walang tigil ang pag-agos ng kanyang dugo mula rito. Gusto niyang sumigaw ngunit wala na siyang kakayahan na mag-usal ng kahit anong salita. Nakararamdam na rin siya ng matinding pagkahilo, at ang kanyang dibdib ay unti-unti nang naninikip habang lumilipas ang bawat sandali. Pinanlalamigan na ang buo niyang katawan habang ang kanyang isipan ay unti-unti nang namamanhid.

Unti-unting naglalaho ang baluting bumabalot sa kanyang katawan. Nabitawan niya na rin ang kanyang scythe. Hindi na siya makahinga, unti-unti nang lumalabo ang kanyang paningin, at ilang sandali pa, tuluyan nang bumagsak sa sahig ang kanyang katawan. Nanatiling nakamulat ang kanyang mga mata, pero hindi na ito mababakasan ng kahit anong buhay.

Lumapit si Tisia kay Victoria. Tiningnan niya ang katawan nito, at pinakiramdaman kung buhay pa ba ito. Napansin niyang tuluyan na itong nalagutan ng hininga kaya inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid.

Nagawa niyang paslangin si Victoria nang hindi gaanong nagtatamo ng pinsala. Hindi niya rin kinailangang gumamit ng ikalawang antas ng kanyang foundation art dahil ang kanyang pangkaraniwang lakas at mga kakayahan ay sumapat na para higitan ang pinuno ng Dark Hand Pirates.

Habang pinagmamasdan ang kapaligiran, napansin niyang nalalapit na rin sa katapusan ang labanan. Napakarami ng bangkay ng mga pirata ang nakahandusay sa sahig. Dumanak na rin ang dugo, at umaalingasaw na ang nakasusulasok na amoy nito sa paligid.

Kakaunti na lamang ang mga natitirang pirata. Marami ang tuluyan nang isinuko ang kanilang buhay, pero may mangilan-ngilan pa ring lumalaban, at sinusubukang tumakas ngunit hindi sila nagtatagumpay dahil hinahabol sila nina Eon.

Hindi na nagsayang pa ng oras si Tisia. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang salapang. Iniwan niya na ang labi ni Victoria, at sumugod siya sa mga natitirang pirata ng Dark Hand Pirates.

Samantala, tuluyan nang nakuha ni Finn ang kontrol sa pinakamalaking air ship ng Dark Hand Pirates. Pinaslang niya na ang mga piratang nagbalak na humadlang sa kanya habang nagawa niya nang palabasin ang mga natitirang pirata na tuluyan nang sumuko.

Wala siyang balak na paslangin ang mga piratang walang balak na lumaban. Walang saysay kung papaslangin niya pa ang mga piratang simula pa lamang ay walang balak o kakayahan na labanan siya. Inutusan niya lang ang mga ito na magtipon sa labas ng air ship, at huwag gumawa ng kahit anong hakbang kung ayaw nilang mamatay.

Tungkol sa dalawa pang air ship ng Dark Hand Pirates, inatasan ni Finn sina Reden at Heren para halughugin din ito, at kagaya ng ginawa ng binata, tinipon ng dalawang soul puppet sa labas ng air ship ang mga piratang wala ng balak na lumaban.

Ngayon ay nagtitipon-tipon ang mga piratang wala ng kakayahang lumaban sa bawat labas ng tatlong air ship. Takot na takot sila, at hindi nila alam ang kanilang kahihinatnan sa kamay ng grupo ni Finn. Nasa kamay na nina Finn ang kanilang buhay, at wala silang masisisi kung hindi ang sarili nilang kamalasan dahil ang kanilang kinalaban ay mga hindi pangkaraniwang manlalakbay.

Makaraan ang ilang saglit, tapos na rin sina Tisia sa pagpaslang sa mga piratang nanghimasok sa air ship na kanilang sinasakyan. Tuluyan nang natalo ang Dark Hand Pirates. Mabilis at walang kahirap-hirap na nakamit nina Finn ang tagumpay dahil binalewala ng mga pirata ang kanilang totoong lakas at kakayahan. Ngayon, ang mga natitira na lamang na kalaban ay ang mga piratang naghihintay ng hatol ng binata.

Nagsilapitan sina Tisia kay Finn. Pinagmasdan nila ang mga piratang nakaluhod. May ibang nagmamakaawa habang mayroon namang tahimik lang at tanggap na ang kanilang tadhana.

Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon