Chapter LXXII: The Reunion (Part 2)
“Ano sa tingin mo, Tiyo Altair? Bakit gusto ni Pinunong Auberon na tayo agad dalawa ang masilayan ni Finn Silva pagkagising niya? Parang kakaiba naman ngayon ang utos ni Pinunong Auberon sa atin. Hindi ko maintindihan kung ano ang nasa isip niya.” Nakarinig si Finn ng dalawang magkaibang tinig ng lalaki na nag-uusap. Mayroong nag-uusap malapit sa kanya, subalit hindi niya maintindihan ang paksa ng dalawa dahil malabo pa ang kanyang pandinig at pang-unawa.
Sa wakas ay nagkaroon na siya ng malay mula sa mahimbing niyang pagkakatulog, subalit hindi niya pa rin maimulat ang kanyang mga mata dahil nakararamdam siya ngayon ng matinding hilo at sobrang pananakit ng ulo.
Kamangha-manghang ang katawan niya ay hindi makikitaan ng kahit anong pinsala. Naglaho na ng tuluyan ang kanyang mga sugat. Hindi na rin namamaga ang kanyang mga ugat sa braso't kamay, at ang kanyang buong katawan, maliban sa kanyang nanakit na ulo ay nasa maayos na kalagayan.
Mayroong nagpagaling sa kanyang mga pinsala. Naging mabilis ang kanyang paggaling sa labas man o sa loob ng kanyang katawan.
Gusto niya nang mumulat at malaman kung nasaan siya. Gusto niya ring malaman kung kanino nagmumula ang hindi pamilyar na mga tinig na kanyang naririnig. Nais niya nang tumayo, pero hindi siya makagalaw dahil namamanhid ang kanyang buong katawan.
Marahil magaling na ang kanyang mga pinsala, pero ang epekto ng matagal niyang pagkakahilata ay nagpamanhid sa kanyang mga katawan.
Wala siyang maramdamang kahit ano ngayon. Para bang bigla siyang nawalan ng pakiramdam, at habang siya ay nakapikit, tila ba naiisip niyang nasa ilalim lang siya ng tubig; unti-unting lumulubog sa ilalim ng walang hanggang karagatan, subalit hindi nalulunod.
“Bakit ako ang tinatanong mo? Bakit hindi mo personal na tanungin si Pinunong Auberon?” Tugon ng isa sa dalawang tinig.
Nakarinig pa ng pagtatalo si Finn sa pagitan ng dalawa, ngunit hindi niya na itinuon ang kanyang atensyon sa mga ito. Itinuon niya na lang ang kanyang konsentrasyon sa pakikiramdam sa kanyang enerhiya. Nararamdaman niya ang mahina niyang soulforce sa kanyang katawan kaya napanatag siya. Mabuti na lang dahil hindi barado ang kanyang mga soulforce pathway, ibig sabihin mas mapapabilis ang pagbawi niya sa kanyang lakas at enerhiya basta itutuon niya ang kanyang konsentrasyon sa pagninilay-nilay.
Hindi niya intensyon na mabawi agad ang isang daang porsyento ng kanyang lakas at enerhiya--imposible iyon sa kasalukuyan niyang kondisyon kahit pa mayroon siyang mataas na kalidad ng recovery pill na gawa ni Poll.
Ang ganoong uri ng recovery pill ay kaya lang ibalik ang tatlumpu hanggang limampung porsyento ng lakas at enerhiya ng kagaya niyang nasa 7th Level Chaos Rank. Mas marami ang tinataglay niyang enerhiya kumpara sa ibang adventurer. Hindi rin makatotohanan kahit pa magkasabay siyang kakain ng dalawang recovery pill dahil hindi papatong ang epekto ng mga ito, at tatagas lamang ang bisa noon sa kanyang katawan.
Masasayang lang ang mataas na kalidad ng recovery pill, at hindi niya mapapalabas ang sukdulan ng epekto nito kung kakain siya nito nang magkasabay.
Patuloy siya sa kanyang pagninilay-nilay habang nakahiga. Minamadali niya ang pagbawi niya sa kanyang lakas dahil marami pa siyang kailangang gawin. Para sa kanya, hindi pa tapos ang lahat. Mayroon pa ring makasasagot sa kanyang katanungan. Gusto niyang makabawi agad para matanong niya na ang nag-iisang nilalang na saksi sa mga nangyari sa Ancestral Continent.
Makaraan ang ilang minuto, huminahon si Finn. Naririnig niya pa rin ang pag-uusap ng dalawang tinig, subalit hindi niya ito pinansin. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Malabo pa ang kanyang paningin kaya hindi niya maaninag kung ano ang nakikita ng kanyang mga mata. Ang tanging malinaw lang sa kanya ngayon ay maliwanag sa kanyang kinaroroonan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]
FantasyNgayong tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn sa mundo ng alchemy, oras na para maisakatuparan niya ang kanyang hangarin na paghihiganti sa mga salarin sa pagkawasak ng Ancestral Continent at pagkamatay ng mga mahahalaga sa kanyang buhay. Oras na...