Chapter XLVI: Fear, Doubt and Uncertainty
Huminto sina Finn sa isang liblib na lugar. Isa itong abandonadong maliit na nayon na nakita nila sa kalagitnaan ng kagubatan. Wasak na ang mga kabahayang naririto, at naabutan nilang pinamumugaran na ito ng mga vicious beast at monstrous beast. Sa lugar na ito nila napagdesisyunan na manatili habang hinihintay na matapos ang sampung araw at sampung gabi nilang ibinigay na palugit sa mga nilalang na nasa Soul-eater Realm kaya ang una nilang ginawa upang hindi sila maabala ay ang pagtataboy sa mga halimaw na namumugad dito.
Hindi na nagkaroon pa ng labanan dahil ang tanging ginawa lang nina Finn ay ang iparamdam ang kanilang mga aura, at kusa nang nag-alisan ang mga halimaw. Kumaripas ang mga ito ng takbo dahil sa matinding takot sa grupo ni Finn.
“Pagkatapos ng sampung araw at sampung gabi, maglulunsad tayo ng digmaan laban sa Soul-eater Alliance. Pupuntiryahin natin ang kanilang teritoryo kaya ihanda ninyo ang inyong sarili sa mga surpresang maaaring ihanda nila para sa atin,” paalala ni Finn. “Nasa kanila tayong teritoryo kaya hindi malabo na mayroon silang nakahandang mga formation at magic cannon para dumepensa sa mga kalaban. Sa oras na magsimula na ang digmaan, manatili kayong alerto, at huwag n'yong aalisin ang pandama n'yo sa inyong paligid,” dagdag niya pa.
Nakinig nang mabuti sina Poll sa mga paalala ni Finn. Tumango ang karamihan sa kanila bilang tugon ng pagsang-ayon habang si Eon ay nanatiling masama pa rin ang timpla dahil sa nararamdaman niyang muhi kay Jero.
Sinulyapan lang ni Finn si Eon. Hindi niya ginulo ang binatilyo dahil alam niya mismo sa sarili niya kung gaano ka-tindi ang galit na nararamdaman nito kay Jero. Siya rin ay malaki ang muhi kay Jero, nagpipigil lang siya hanggang ngayon dahil para sa kanya, hindi pa ito ang tamang sandali para magpatayan sila.
Samantala, bakas ang pag-aalinlangan sa ekspresyon ni Eduardo habang nakatingin kay Finn. Bahagya siyang napatungo at napatingin sa lupa, at hindi nagtagal, naglakas-loob siyang sabihin ang kanyang pinangangambahan.
“Finn, sigurado ka bang haharapin mo ng mag-isa si Jero Siporko..? Isa siyang makapangyarihang 8th Level Chaos Rank, at kakaiba ang nararamdaman ko sa kanyang aura. Alam kong kaya mong makipaglaban sa nilalang na mas mataas ang antas sa iyo ngunit... nararamdaman kong ganoon din si Jero Siporko--kaya niya rin makipaglaban sa adventurer na may mataas na antas kaysa sa kajya,” nag-aalalang bulalas Eduardo.
Hindi lang si Eduardo ang nakararamdam ng ganitong pag-alala para kay Finn. Kahit na alam nilang hindi pangkaraniwan ang binata, bawat isa sa kanila ay nag-aalala pa rin sa mangyayaring paghaharap sa pagitan nito at ni Jero Siporko.
Hindi nila masabi kung gaano kalakas si Jero, pero sigurado silang napakalakas nito dahil kahit ano'ng mangyari, ito pa rin ang pinuno ng isang middle realm na may kasuklam-suklam na paraan ng pagsasanay.
Bumaling si Finn kay Eduardo, at pinasadahan niya ng tingin ang iba pa. Pinagmasdan niya ang nag-aalalang ekspresyon ng mga ito. Nanatiling blanko ang ekspresyon niya, at marahan siyang tumugon, “Huwag mo akong alalahanin. Wala akong planong magpakamatay dahil marami pa akong hangarin na kailangang mapagtagumpayan. Hindi rin ako makapapayag na hindi mamamatay si Jero Siporko sa aking mga kamay kaya gagawin ko ang lahat para mapatay siya.”
“Ang alalahanin n'yo ay ang inyong mga sarili dahil siguradong haharap kayo sa napakaraming kalaban. Sigurado akong halos lahat ng kabilang sa Soul-eater Alliance ay lalahok sa digmaan dahil wala silang pagpipilian kung hindi ang sumunod sa kanilang mga panginoon,” dagdag niya pang paalala sa kanyang mga kasama.
Natahimik sina Eduardo at inisip ang kanilang kinalalagyang sitwasyon. Hindi lang nila mapigilan na mag-alala kay Finn dahil ang binata ang kanilang pundasyon. At kung sakaling may mangyaring masama sa binata, magiging dahilan din iyon ng kanilang pagbagsak.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 10: Celestial Wrath]
FantasyNgayong tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn sa mundo ng alchemy, oras na para maisakatuparan niya ang kanyang hangarin na paghihiganti sa mga salarin sa pagkawasak ng Ancestral Continent at pagkamatay ng mga mahahalaga sa kanyang buhay. Oras na...