PROLOGUE

202 13 8
                                    

PROLOGUE 

HINDI KO MAIWASANG hindi malungkot habang pinagmamasdan ang mga taong naglalakad sa aking harapan at kung minsan ay hihinto para ako ay tingnan. 

Napabuntonghininga na lamang ako dahil sa kanilang mapanuring tingin. Napapaisip tuloy ako kung mayroon ba akong dumi sa aking mukha. 

"Tangina! Hanggang tingin na lamang ba kayo sa akin? Wala man lang ba sa inyong may gusto akong iuwi?" 

May mangilan-ngilan na tao ang napapatingin sa akin habang ako ay nagrereklamo. Sa inis ko ay napasipa ako sa kaharap kong bato at saka naupo sa damuhang tinatapakan ko. 

"Hindi niyo sana mahanap ang tunay niyong pag-ibig!" sigaw ko pa. 

Ang mga tao talaga. Sa panahon ngayon kapag hindi kaaya-aya sa kanilang mata ang iyong itsura ay hindi ka nila mapapansin o papansinin. Mas mahalaga ang panlabas na anyo. Kaya pa maraming naloloko, maraming nagpapabulag sa magagandang anyo. 

"Pagod ka na ba?" tanong ng babaeng biglang sumulpot sa tagiliran ko. Hindi ko maaninag ang kaniyang mukha dahil sa telang tumatakip rito. 

Mabilis akong tumayo. Hindi ko maiwasang mapanganga sa taglay niyang ganda. Ang mga mata niya na kulay abo. Kahit na mata lang ang makikita sa kaniya ay masasabi kong napakaganda niya. 

Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Masasabi kong maganda rin ang kutis niya na mala-porselana. Lalo pang nakadagdag ang suot niya puting bestida. 

"Magandang araw, binibini," bati ko rito. 
Tumango lang ito at diretso akong tiningnan sa aking mata. 

"Kung napapagod ka na, maari ka nang magpahinga," aniya. 

"Ah-eh, hindi pa naman po ako napapagod. Malakas pa naman po ako at kayang-kaya ko pang maghintay rito." Tumayo ako ng aayos at ipinakita ang aking maselan na braso. 

Hindi umimik ang babae. Pinagmasdan ako nito nang husto na para bang sinusuri ang buong pagkatao ko. 

"Malamang na hindi ka nakakaramdam ng pagod dahil wala ka namang ginawa kundi ang magreklamo at sigawan ang mga dumaraan dito. Hindi ka rin napapagod dahil---," 

Hindi ko na pinatuloy pa ang kaniyang sasabihin. Kaagad kong pinutol ang kaniyang sasabihin. Napapikit at inilagay ang daliri sa aking tainga.

"Tama na, ayaw ko nang marinig 'yan mula sa 'yo. Ito lang ang masasabi ko, hinding-hindi ako susuko hanggat hindi ko ---," 

"Dalawang buwan. Bibigyan kita ng dalawang buwan para tukuyin ang dapat mong gawin upang makalaya ka ng tuluyan sa sumpang ipinatong ni Marlan sa iyong katawan," seryusong sabi nito.

"Sandali lang, dalawang buwan? Kulang 'yon!"

"Pasensya na ngunit 'yan lang ang makakaya kong ibigay na palugit sa 'yo," malumanay na sabi nito.

Napakamot ako sa aking ulo at saka napapadyak. Hindi ko alam kung bakit naririto ako. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko rito.

Akmang tatalikuran na ako ng babae kaya naman bigla akong nataranta.

"Sandali lang, sandali. Anong mangyayari sa akin kapag hindi ko nagawa ang dapat kong gawin?" tanong ko rito.

"Kapag hindi mo nagawa, tuluyan kang mahuhulog sa kamay ni Marlan at magiging isa sa kaniyang mga alipin," sagot nito.

Natulala ako sa kaniyang sinabi. Wala na kahit anong salita ang lumabas sa aking bibig. Naging abala na ang aking utak sa pag-iisip ng mga paraan upang makalaya ako kay Marlan.

Ngunit paano ko ito malalaman at masisimulan kung pati ang sarili ko ay hindi alam kung saan magsisinula at sa paanong paraan.

"Hijo,"  tawag sa akin ng babae.

"Hijo? Eh, mukhang magka-edad lang tayo, ah," reklamo ko sa kaniya. Ang lakas makatanda sa kaniya nang tawagin niya akong hijo.

Sa kabila ng aking reklamo wala na kahit anong salita ang lumabas sa kaniyang bibig bagkos tiningnan niya lang ako bago may kung anong kinuha sa kaniyang bulsa.

Hinila niya ang tali at saka ito inilahad sa akin. Isa pala itong kwintas, isang hour glass na mayroong buhangin sa loob nito.  

Agad na binaliktad nito ang palawit at inikot ang tali nito.

"Dalawang buwan," aniya.

Dahan-dahan ko itong kinuha. Mariin kong tiningnan ang palawit. Nang makita ko ang itsura nito ay alam ko ang halaga nito sa akin. Ito ang magsisilbing paalala sa oras na ibinigay sa akin.

Magtatanong pa sana ako sa babae ngunit laking gulat ko na wala na ito sa aking harapan. Nagpalinga-linga ako para hanapin siya ngunit kahit na anino niya ay hindi ko makita.

Napabuntonghininga na kamang ako at muling napatingin sa mga taong napapadaan at pa minsan-minsan ay napapatingin sa akin.

"Paano ko sisimulan kung hindi ko rin alam kung saan ako magsisimula?" sambit ko.

Naupo muli ako sa damo at muling pinanood ang mga tao. Antok na antok ako habang naghihintay ng sunod na mangyayari.

"Buhay nga naman. Ang daming pagsubok!"

Muli akong napatingin sa kwintas na hawak ko hanggang sa napagpasyahan ko itong isuot.

Napatingin ako sa babaeng huminto. May dala-dala itong canvas at bag na halatang naglalaman ng kaniyang mga gamit. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung ano ang nasa canvas. Isa itong obra na mukhang nagustuhan ng lalaking nakabantay sa lugar kung kaya't kinakausap siya nito.

"Ang galing naman ng nagpinta nito, kuya," puna ng babae. "Bakit walang nakalagay na pangalan ng artist?" tanong pa nito kaya naman lumapit ang lalaking bantay sa kaniya para tingnan rin ang obra na kaniyang tinitingnan.

"Oo nga, no? Nako, reject ata ito. Napahalo lang siguro rito sa exhibit. Tabi ka muna, miss, aalisin ko lang. Hindi kasi puwede ang mga akda na tulad nito," wika ng lalaki.

"Bakit naman po?" tanong ng babae.

"Kapag walang artist na nakalagay, ina-assume na namin na kinopya lang siya o 'di kaya'y pinag-practice-an lang siya," sagot naman ng lalaki.

Muling napatingin ang babae sa pinta.

"Ano pong ginagawa niyo sa mga ganoong obra?"

"Itinatapon,"diretsong sagot ng lalaki.

Bigla akong kinabahan dahil sa kaniyang sinabi. Hindi ko alam pero bigla ko na lang talaga naramdaman. May parte sa akin na bigla akong natakot.

"Ah, sayang naman kung itatapon. Ang ganda pa naman. Hmm. Puwede po bang palit na lang tayo. Iyong gawa ko ay hindi ko na pababayaran sa 'yo. Kapalit na lang niting gawa na ito," wika ng babae. Walang halong pag-aalinlangan ang kaniyang pagkakabanggit.

Sa una ay tila ayaw pang pumayag ng lalaki ngunit sa huli ay napapayag niya rin ito.

Nagpakuha ng litrato ang babae kasama ang obra. Kitang-kita ko kung paano itutok sa amin ng lalaki ang camera.

Tumayo ako ng maayos at saka ngumiti sa harapan ng lalaki.

Nalula ako nang biglang iikot ng babae ang pinta at hinarap ito sa kaniya.

"Hahanapin natin ang gumawa sa 'yo pero sa ngayon, akin ka muna," wika nito at matamis na ngumiti. Ngiting hindi ko pa nakikita sa isang babae.

Hindi ko alam ngunit may parte sa aking katawan na gustong lumabas at kilalanin ang babae. Isa pa, gusto ko ring magpasalamat dahil sa tinagal-tagal kong nasa loob ng obra na kaniyang hawak-hawak ay ngayon lang nagkaroon ng taong interesado sa itsura ko.

"Sandali, ano nga bang itsura ko sa obrang ito?"

The Cursed Soul of Art - [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon