CHAPTER 3

49 5 0
                                    

CHAPTER 3: BEAUTY OF EMOTIONS

ALLYSA'S POV

LUMIPAS ang mga araw na walang nagbago sa pakikitungo sa akin ng mga estudyante ng MMC.

Nang dahil sa Jerald na iyon ay hindi maganda ang tingin sa akin ng mga estudyante. Sumapit na lamang ang Biyernes ngunit hindi pa rin naalis ang Facebook post na patuloy pa ring kumakalat sa newsfeed namin.

Alas dos nang madaling araw ako nakatulog at ngayon ay alas syete na ng umaga ngunit kapansin-pansin ang makulimlim na kaulapan dahil sa nagbabadyang ulanin. May lakad pa naman ako mamayang alas nuebe para samahan si Jerald at gawin ko ang kondisyon na pinapagawa niya kapalit ng paghahanap niya sa taong may-ari ng account na nag-post ng mga litrato namin.

Tamad na tamad akong bumangon at dumiretso sa banyo para magmumog at maghilamos. Wala pasok ang mga architecture at visual arts students ngayon, dahil ngayong araw ay gaganapin ang Hayag Exhibit kung saan naroon ang ilang mga likha ng mga mahuhusay na estudyante.

Mabilis akong bumalik sa aking kama nang marinig na tumutunog ang aking cellphone na nakalapag sa ibabaw nito. Nangunot ang aking noo nang makita ang isang unregistered number sa cellphone ko kaya naman nagtaka ako kung sino ang tumatawag.

Sinagot ko ang tawag at hinintay itong magsalita.

"Hello, Tanya Allysa. It's me, Jerald," bungad niya sa kabilang linya. Napasapo ako sa aking noo nang malaman na siya ang tumatawag.

"Oh, bakit?" walang gana kong sabi sa kaniya.

"Good morning pala," tatawa-tawa niyang sabi. "Don't forget the exhibit later," pagpapaalala pa niya.

Napabuntonghininga na lamang ako at napailing-iling. Naglakad ako palapit sa bintana ng aking kuwarto. Inipit ko sa pagitan ng aking balikat at tainga ang cellphone habang hinahawi ang kurtina bago ko binuksan ang sliding glass ng bintana.

"Anong akala mo sa akin, makakalimutin?" masungit kong sabi sa kaniya.

"Ang fresh mo," puna niya pa na ikinabigla ko kaya mabilis kong hinawakan ang cellphone ko. Bigla kong naalala ang kaniyang sinabi na nakatira siya sa bahay na katapat ng bahay ko. Napatingin ako sa bahay na katapat ng bahay ko sa kabilang kalsada.

Doon ko nakita si Jerald na nakasuot ng sandong puti habang nakatukod sa pasamano ng kaniyang balkonahe ang kaniyang siko at hawak-hawak ang kaniyang cellphone sa kaniyang kaliwang kamay. Kumaway siya sa akin at saka ako binigyan ng ngiti.

"Natahimik ka ata," aniya. Nanlaki ang mata ko kaya naman mabilis akong umurong at biglang isinara ang kurtina ng bintana ng aking silid. Rinig na rinig ko ang kaniyang pagtawa sa kabilang linya.

"Yo, Tanya Allysa, your reaction is cute. Instead of shutting your window with curtain, why don't you hang up my call, unless... you want to hear my voice," wika pa niya.

"Ang kapal ng mukha mo. ang aga-aga mong manira ng araw," untag ko pa sa kaniya.

Muli siyang tumawa. "Sorry," paghingi niya ng paumanhin.

Kaagad kong tinapos ang aming usapan bago pa tuluyang masira ang umaga ko dahil sa kalandian niya. Nang dahil sa kaniya, maraming tao ang hindi natutuwa sa akin at iba ang kanilang mga tingin. Para sa mga mata nila, ako ay isang malanding babae at naghahanap ng magiging sugar daddy lalo na't alam nilang hindi ako kasing yama nila.

Nakapasok lang naman ako sa Moreno Mabini Colleges dahil sa full scholarship na in-apply-an ko at sa awa ng Diyos ay nakapasa ako. Malaking kabawasan rin sa tuition fee at malaking opportunity na rin nagkaroon ako ng scholarship.

The Cursed Soul of Art - [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon