4

1.2K 70 2
                                    


NAKAPIKIT si Hannah habang pina-practice ang paghinga. Tumatanggi ang isip niyang gawin ang breathing exercises dahil parang pag-amin na rin iyon na manganganak siya. Ayaw niyang manganak doon. Nasa ilang na lugar siya at buhat nang ihinto niya ang kotse, mahigit isang oras na ang nakakaraan ay apat na sasakyan pa lang ang nagdaraan. Isang truck ng gulay, dalawang motorsiklo at isang pampasaherong mini-bus. Isa man sa mga iyon ay hindi nag-abalang huminto sa kanya gayong naka-hazard light siya.

Isang balintuna na hindi niya magamit ang kanyang cellphone upang humingi ng tulong. Biglang naubos ang baterya niyon at kulang na lang ay himatayin siya sa depresyon nang matuklasan niyang wala sa kanyang bag ang spare battery niya. Ayaw ding gumana ng charger niya.

Miserable ang pakiramdam niya. Hindi siya makapaniwalang magiging ganito siya ka-helpless samantalang palagi siyang handa sa anumang bagay. Oh, well, exception marahil ang pagkakataong iyon—isang masaklap na katotohanang kay hirap tanggapin.

"Maggie, please. Huwag dito, baby. Nag-prepare si Mommy para sa paglabas mo, di ba? Sa maayos na ospital kita ipapanganak, hindi dito," halos maiyak na sabi niya habang hinihimas ang tiyan.

Kanina pa siya may contraction. At base sa payo sa kanya ng mga nanganak na at ayon na rin sa mga binasa niyang libro, nasa kanya ngayon ang palatandaan na manganganak na. First baby niya kaya hindi rin nakakapagtaka kung mag-labor na siya gayong maaga pa ng dalawang linggo para sa estimated due date niya.

Kung kagaya siya ng ibang babae na matagal mag-labor, puwedeng abutin pa siya ng bukas bago manganak. Puwede rin na mamayang gabi pa. Alinman sa mga iyon ay malaki pa ang oras para makarating siya sa ospital—iyon ay kung kaya sana niyang magmaneho pa.

Pero iyon nga ay isang problema. Gusto niyang kayaning magmaneho pero alam niyang hindi iyon tama. Baka maibangga niya ang sasakyan kung biglang aatake ang paghilab. Pero problema rin na basta umupo na lang siya doon at maghintay kung may tutulong sa kanya o hanggang sa mapaanak na lang siya doon.

Nilingon niya ang ovenight bag sa back seat. Buhat nang tumuntong sa ikapitong buwan ang pagbubuntis niya, may baon na siya palaging gamit nilang mag-ina. Alam niya kasi na may posibilidad na manganak nang premature kaya inihanda niya iyon. Pero kung may pagpipilian siya, gusto niyang manganak siya nang maayos.

Hindi dito sa tabi ng kalsada.

"Iiiiiiihhh!!!!!" impit na daing niya nang gumuhit ang isa pang hilab. Mas matindi iyon. At natakot siyang baka mali siya ng kalkulasyon na bibilang pa ng oras bago siya manganak. Pakiramdam niya, ang hilab na nararamdaman niya ay tila hilab ng minuto na lang ang hihintayin at manganganak na.

Napapikit siya at nanalangin.

At sa sakit ng tiyan na nararamdaman niya, hindi niya alam kung ang ipapanalangin niya ay ang may lumapit sa kanya para tumulong o makaya niyang ipagmaneho pa ang sarili para makarating sa pinakamalapit na ospital.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - NATHANIELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon