16

1.2K 76 19
                                    

MALAKAS ang tila boltaheng gumapang sa kanya nang angkinin nito ang kanyang mga labi. Mapangahas ang halik na iyon. Tila sinamantala ang kanyang kabiglaanan at agad na malalim ang naging paghalik.

Malalim. Marubdob. Mainit.

Pero ang mas nakakapagpaliyo sa kanyang huwisyo ay ang damdaming ginigising nito sa kanya. Isinantabi na niya ang ganoong pakiramdam noon pa. Pero sa isang halik lang ni Nate, napagtagumpayan nitong antigin ang kakayahan niyang magnasa.

Habang sinisiil siya nito ng halik ay mahigpit din naman siya nitong yakap. Sinulid man ay tila hindi makakaraan sa pagitan ng kanilang mga katawan. Tila ba hindi siya nito pakakawalan gayong hindi naman siya gumagawa ng kilos upang pumiglas.

Ang totoo ay unti-unti na rin siyang gumaganti sa halik nito. Mahirap ignorahin ang malakas na kiliting idinudulot nito sa kanya. At ang paraan pa mandin ng paghalik nito ay tila nag-uuyok sa kanyang gumanti siya ng kilos.

At sa ginawa niyang iyon, ang halik ay lalo pang umalab. Tila naging gatong upang lalong magliyab ang tila apoy sa pagitan nila.

Hindi niya alam kung gaano katagal ang paggalaw ng mga labi at maging ng mga pagyakap. Hindi niya alam kung sino ang unang tumigil. At kung bakit tumigil.

Manhid ang kanyang basang mga labi pero masarap ang dulot na pakiramdam. Sa wari ay may naiwan doon na mumunting apoy na nararamdaman pa niyang tila kumikiliti.

"I love you, Hannah," paanas na sabi ni Nathaniel. Halos hindi pa nagkakalayo ang kanilang mga mukha. Ang mga kamay nitong mahigpit na nakayakap sa kanya kanina ay banayad ngayong humahaplos sa kanyang mga pisngi. "Alam ko, hindi ka madaling maniniwala pero sinasabi ko ngayon sa iyo dahil ito ang nararamdaman ko."

Tumingin siya dito. Saglit siyang nakadama ng pagkapahiya pero agad ding napawi iyon. Hindi siya dapat mahiya kung ganito man ang naging kilos niya. Naging totoo lang siya sa kanyang sarili bagaman ang isip niya ay mayroon pa ring pagtutol sa ginawa niyang pagganti dito ng halik.

But she let her heart ruled. Kahit sa pagkakataong iyon man lang.

"Hayaan mo akong mahalin ka, Hannah. Please?"

Isang marahang tango ang itinugon niya.



*****

"FLOWERS for you, Hannah."

Napatitig si Hannah sa mga bulaklak. Maganda ang arrangement niyon at tiyak na mamahalin. Malayo ang diprensya kung ikukumpara niya iyon sa bulaklak na ibinigay sa kanya noon ni Nathaniel noong bagong panganak siya. Pero hindi ibig sabihin ay ipagpapalit niya ang mga bulaklak na ibinigay noon ng binata. It was so special.

"Hindi ko alam kung maipapaliwanag ko nang mabuti. Ang paniwala ko kasi ay nakakapagpasaya sa isang babae ang bulaklak. At hindi biro ang pinagdaanan mo kaya naisip kong makagaan man lang sa pakiramdam mo ang mga bulaklak. Pasensya ka na kung pangkaraniwan. Iyan lang kasi ang available."

Tandang-tanda pa niya na sinabi iyon ng binata.

"S-salamat," bahagyang nailang na sagot niya at tinanggap iyon. "Halika, pasok ka."

"I missed you," sabi ni Nate. "Kumusta na kayo ni Maggie."

"Kamakalawa lang ay galing ka dito," napangiting sabi niya. "Okay naman. Si Maggie, parang gusto nang dumapa. Malikot na rin." Itinuro niya ang anak na natutulog sa sala. "Dito ko inilagay ang crib kasi mas presko dito kesa sa kuwarto. Magastos naman kung twenty-four hours kaming naka-aircon."

"Hindi ka naman nahihirapang mag-alaga?"

"Mahirap lalo ngayon kasi hindi pa bumabalik iyong katulong ko. Pero masarap din naman sa pakiramdam na madami kaming oras ni maggie sa isa't isa. Ano nga pala ang gusto mong inumin?"

"Kahit na ano basta malamig."

"Iced tea, okay lang? Malayo kasi ang bilihan dito ng soft drinks."

"Kahit nga tubig na malamig lang, ayos na sa akin."

"Sandali lang, ha." Pagtungo niya sa kusina ay agad na niyang inasikaso ang pagtitimpla ng iced tea. Hindi niya naiwasang maalala ang nangyari noong una. Na sumunod sa kanya si Nate sa kusina.

Oo nga at wala din siyang kasama ngayon pero ayaw na niyang magkaroon pa ng pagkakataon na masundan siya nito doon. Ayaw din niyang matukso dahil baka hindi na niya mabigyan ng paliwanag kung bakit pumayag siyang mahalikan nito.

Ang isang beses ay puwede niyang bigyan ng katwiran, pero ang mga susunod pa ay mahirap na. Baka siya mismo ay hindi na maunawaan ang kanyang sarili.

Kaunting halo at mabilis na paglalagay ng ice cubes sa dalawang baso ay inilabas na niya ang tinimpla niyang iced tea.

Nasa tapat ng crib si Nate. Hawak nito ang isang rattle at nilalaro iyon sa tapat ni Maggie.

"Hello, Maggie! How are you today? Maganda ba ang gising mo? Isang ngiti naman diyan," kausap nito sa bata. Kaagad din nitong napansin ang pagbalik niya. "Kagigising lang ni Maggie. Ang bait naman, hindi umiyak."

"Kapag maganda ang gising niya, hindi talaga umiiyak. Unless puno na ang diaper or may pupu." Nagsalin siya ng iced tea sa baso. "O, uminom ka muna."

Pinisil pa muna nito ang binti ng sanggol bago tinanggap ang baso ng inumin. "Thanks, Hannah." At bumalik ito sa kinauupuan.

"Taga-saan ka, Nate?" bahagyang nailang na tanong niya. Pero kailangan niya iyong gawin. Hindi naman niya makikilala ang isang tao kung hindi siya magsisimulang itanong ang mga pangakaraniwang bagay. "I hope you won't mind me asking."

"Of course not! May pad ako diyan sa Quezon City. Malapit sa SM North."

"Mag-isa ka lang?"

Tumango ito. "Wala naman akong pamilya. Lumaki ako sa ampunan. Pamilyar ba sa iyo ang La Casa De Amor? Sanggol pa lang ako nang mapunta ako doon. Hindi ko alam kung sino ang magulang ko."

Nagulat siya sa narinig.

"Hannah, I hope you won't take that against me. Hindi naman siguro kabawasan sa pagkatao ko kung sa ampunan ako lumaki."

"W-wala naman akong sinasabing ganyan," aniyang tila na-guilty sa kanyang pagtatanong.

Ngumiti ito. "Hindi ko ikinakahiyang sa ampunan ako nanggagaling. At hindi ko rin naman hinuhusgahan ang mga tao kung maging negatibo sa kanila na doon ako nanggaling. Pero sa mga nakakaintindi sa pinanggalingan ko, nagpapasalamat ako sa kanila."

"I'm sure, ginusto mo rin na magkaroon ng pamilya."

"Wala yatang ulila na hindi ginusto ang ganyan. Sa kaso ko, walang nag-ampon sa akin. Parang nakikitikim lang ako ng pamilya kapag panahon ng kapaskuhan at may foster parent kami. Noong tumuntong ako ng edad disiotso, lumabas na ako ng ampunan. Sa ayaw ko at sa gusto ay kailangang lumabas ako."

"Nate, kung... kung hindi ka kumportableng pag-usapan—"

"It's alright, Hannah. Gusto kong sabihin. Kailangan mo ring malaman. Alam mo kung ano ang intensyon ko sa iyo. Karapatan mong malaman kung ano ako."

At sa pagkukuwento ng binata ng tungkol sa naging buhay nito sa ampunan at iba pang pinagdaaanan nito, hindi niya maiwasang lalo pang humanga dito.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - NATHANIELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon