"BUSY NAMAN ngayon," sabi ni Hannah. "Ilang araw nating kinokontak na unattended ang linya, ngayon busy naman."
"Di, subukan mo pa uli," sabi sa kanya ni Marga. "At least, busy. Ibig sabihin, nakabukas at baka may kausap lang. Mas mahirap namang kontakin kapag unattended. Subukan mo na ring mag-text." At ibinalik nito ang atensyon sa pagdidikit ng baby figurine sa rattan base bilang giveaways sa binyag ni Maggie.
"Ayaw ko ngang mag-text. Nakakahiya, after all this time, idadaan ko sa text ang gusto kong sabihin? Madami kaming utang sa kanya. May sukli pa nga siya sa idineposito niya sa clinic."
"Then call him again and again," may himig ng panunudyo na sabi ni Marga.
Inignora niya ito at itinuon ang atensyon sa pagtawag kay Nathaniel. Hindi niya matukoy kung excited siya na kung paano. At hindi rin niya alam kung bakit ganoon ang pakiramdam niya. Tatawagan niya ito dahil kukumbidahin niya sa binyag ni Maggie. At gaya nga ng sabi ni Marga ay upang kunin na ding ninong.
Busy uli ang numero nito. Ilang segundo ang pinaraan niya at tumawag muli.
"Nagri-ring ang cellphone ko," sabi ni Marga at inabot ang bag. "Baka naman ako ang tinatawagan mo?" sabi pa nito sa kanya.
"Busy kaya itong tinatawagan ko?" taas ang kilay na sagot niya dito. "Saka kabisado ko number mo, 'no?"
Biglang tumili si Marga. "Si Nathaniel! Siya ang tumatawag sa akin!"
Biglang sumikdo ang dibdib niya. "N-Nate?"
"Siya nga!" parang naka-high pitch pa rin ang tono ni Marga. "O, dali, sagutin mo na!" sabay abot nito ng cellphone sa kanya.
Parang may nakabikig sa kanyang lalamunan nang abutin niya iyon. Hindi niya kayang ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng pagkabog ng dibdib niya. "H-hello?"
"Good afternoon, may I speak with Marga?" sagot nito sa baritonong boses.
"N-Nate? Napakapormal mo naman," aniyang sinikap na maging kaswal ang tinig. Parang gusto niyang tumikhim nang malakas upang umayos ang tono niya. "S-si Hannah ito."
"Hannah," ulit nito. At ilang sandali na parang nawala ito sa linya.
Tila katumbas ng isang taon ang ilang mabibilis na segundo. Nagkaroon siya ng pag-aalala na baka mawala ito sa linya. That was absurd. Pero talagang nag-alala siya.
"Akala ko'y kay Marga ang number na ito." Muling nagsalita si Nate.
"Sa kanya nga. Nandito kasi siya sa bahay ko." At bago pa magkaroon ng pagkakataon na mamayani ang isang pang katahimikan, mabilis na niyang idinugtong: "Ilang araw na kitang tinatawagan. Hindi kita makontak. Ngayon, tumatawag din ako. Busy. Siguro dahil tumatawag ka naman pala kay Marga."
"Ilang beses na nga rin akong kumokontak, walang sumasagot."
"Nasa bag kasi ang cellphone niya." At nabitin ang susunod pa niyang sasabihin.
"Tumawag ako dahil gusto ko sana kayong kumustahin ni Maggie."
"Mabuti naman. Mag-iisang buwan na siya. Next Sunday na ang binyag niya kaya nga tinatawagan kita. Kukumbidahin kita."
"Kunin mong ninong," pabulong na sabi sa kanya ni Marga.
"Saan ba iyan?"
"Ten thirty ang binyag sa Sto. Domingo Church tapos lunch tayo sa Max's sa Quezon Avenue."
"Sure! Darating ako."
"T-thank you, Nate."
Isang mahinang tawa ang pinakawalan nito. "Kahit yata kailan, hindi puwedeng hindi lalabas sa bibig mo ang thank you."
Napangiti siya. Kahit hindi niya nakikita si Nate, hindi niya alam kung bakit kay gaan ng pakiramdam niya na makausap man lang ito. "Hindi puwedeng hindi ako magpasalamat, Nate. Marami akong dapat na ipagpasalamat sa iyo."
"Wala nang katapusang pagpapasalamat iyan. Don't mention it, again, Hannah. Sige ka, hindi ako pupunta sa binyag ni Maggie," pabirong banta nito.
"Hihintayin kita, Nate. Huwag na hindi ka darating."
"Darating ako. I give you my word."
"Puwede kang magsama..." at inisip niya kung tama ba ang idudugtong niya. "Wife or girlfriend kaya," sabi na rin niya sa huli.
Minsan pa ay tumawa ito. "Wala pa akong asawa."
Kulang na lang ay bumulalas si Hannah ng isang magaang paghinga. Tila isang napakagandang balita ang narinig niya.
"Pero imposibleng wala kang girlfriend. Isama mo siya," sabi niya mayamaya. Plastik! duro niya sa sarili. Ngayon ay alam na niya kung bakit ganito siya kasaya. She was attracted with him. At kung magandang balita na wala itong asawa, ang pagkakaroon nito ng girlfriend ay isang maituturing na bad news. "Anyway, mag-isa ka man o may kasama, hihintayin kita sa Linggo, ha?"
"Yes. See you."
"Bakit hindi mo kinuhang ninong?" tanong agad sa kanya ni Marga nang matapos ang pag-uusap nila.
"Ewan ko ba," aniya at ibinalik na dito ang cellphone nito. "Siguro mas maganda kung huwag na lang. Parang nahiya kasi akong sabihin."
"Bahala ka," iiling-iling na sabi ni Marga. "O, tingnan mo itong gawa ko? Tama ba? Ilang beses na akong napapaso ng glue gun!" reklamo nito.
Napangiti siya. "Sacrifice mo iyan para kay baby Maggie."
"Ano pa nga ba? Kung hindi ko nga lang kapangalan ang batang iyan. Thanks, Hannah. I'm so honored na isinunod mo rin sa akin ang pangalan niya."
"Siyempre naman. Kung nagkataong lalaki ang naging anak ko, Marco naman ang ipapangalan ko."
"Wala na siya at hindi na babalik kahit kailan. Let's hope, nasaan man siya ay masaya siya para sa inyo ni Maggie. Hindi kita pinapabayaan at nariyan na rin ang pamilya mo para umalalay sa iyo."
"Ano ka ba?" saway niya dito. "Nagsisimula ka yatang mag-drama, eh."
"Hindi, ah!" depensa nito. Mayamaya ay ngumiti ito nang makahulugan. "Uy, till we meet again sila ni Nathaniel."
"Till we meet again ka riyan."
Umungol ito. "Basta ako, excited na akong makilala siya. I wonder kung gaano kaguwapo ang lalaking pinagtsitsismisan noon sa clinic. Iyong isang tao kaya diyan sa tabi-tabi, di kaya mas excited sa akin na makita uli siya?" parinig nito sa kanya.
"Baka gusto mo uling mapaso ng glue gun?" nakatawang amba niya dito ng glue gun. Deep inside her, aminado siyang excited na rin siyang makitang muli si Nate.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
You can also vote and comment if you like.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - NATHANIEL
Romance"Hindi ako mahilig mag-aksaya ng panahon. Gusto kong sabihin ko na sa iyo ang talagang pakay ko. I want to marry you, Hannah..." Ilang araw na siya sa bahay na iyon sa San Miguel. Dati-rati, ang mga alaala nila ng taong nag-ampon sa kanya ang naiis...