17

1.2K 71 8
                                    

"DATI TALAGA halos isumpa ko ang pagtatanim ng petsay. Araw-araw, iyon ang ginagawa namin sa ampunan. Kahit yata tulog ako, kabisado kong magbaon ng buto sa mga flat. Tapos si Dio, patayo-tayo lang. Katwiran niya, siya ang taga-igib ng pandilig. Napakagulang ng taong iyon pagdating sa trabaho. Inis na inis kami sa kanya pero kami pa ring anim ang magkakaibigan."

Nakikinig siya habang nagkukuwento si Nathaniel. Nasa kusina sila at magkatulong sa paghihimay ng gulay. Inimbita ng binata ang sarili na doon na mananghalian. Ayos lang naman iyon sa kanya lalo at boluntaryo na ring babysitter ni Maggie si Nate. Ginawa nang permanente ni Michelle ang pagbabakasyon at hindi na bumalik sa kanya. Tila naging dahilan din iyon upang maging madalas ang pagpunta sa kanya ni Nate.

Masaya naman siya na palagi ay naroroon si Nate. At home na ito sa kanyang bahay. Kapag nagde-deliver siya ng mga call cards, ito rin ang driver niya. Kasama na si Maggie na dati ay dinadala pa niya sa parents niya upang iwan doon pansamantala habang nagtatrabaho siya.

Marami na siyang alam tungkol kay Nate. Kilala na rin niya ang mga kaibigan nito na gaya nito ay nanggaling din sa ampunan. Sa lahat ay si Hector ang pinakamalapit dito. At nangako si Nate sa kanya na makikilala din niya ang mga kaibigan nito.

"Pero iyon nga, kahit na ganoong magulang sa trabaho si Claudio, madiskarte naman. Kapag mapaparusahan kami, basta magagawan niya ng paraan na mailigtas kami ay ginagawa niya. Magaling din siyang mambola ng mga tauhan ni Miss Vergel. Tasado kasi ang pagkain sa ampunan. Pero hanggan't magagawan ng paraan, nagagawa ni Claudio na madagdagan ang pagkain namin."

"Hindi ba malungkot nang magkahiwa-hiwalay kayo? Hindi naman kayo sabay-sabay na nakaalis sa ampunan, di ba?"

"Ako ang pinakahuling nakalaya doon. Wala kasing nag-ampon sa akin. Biruin mo, sanggol pa lang ako ay naroroon na ako. Kung hindi pa ako nag-edad disiotso, hindi rin ako makakaalis doon. May nag-ampon sa kanila puwera na lang kay Pedro. Suwerte niya kasi hinanap siyang talaga ng nanay niya. Si Hector, siya naman ang naghahanap sa mga magulang niya. Hanggang ngayon hindi pa siya sumusuko."

Napansin niya si Nathaniel na basta ang buhay nito sa ampunan ang ikinukuwento nito ay ganado ito. Kahit tila maraming hirap itong pinagdaanan doon at ganado itong magkuwento. Kahit ang pagkakakulong nito sa tinatawag nitong bartolina ay nakatawa pa ito sa pagkukuwento.

Sa tingin niya, kahit lumaking ulila si Nate, napunan ng mga kaibigan nito ang pagkasabik nito sa tunay na pamilya. At malaking bagay din na nagkaroon ito ng ama-amahan. Kilala na niya ang Tatay Justo nito dahil sa kuwento nito. Nalaman na rin niyang ang bahay nitong minana sa San Miguel ang pakay nito nang magkita sila noong una.

Pero ang pinakarebelasyon sa kanya ni Nathaniel ay nang sabihin nito sa kanya ang trabaho nito. He was NR Cordero, isang tanyag na manunulat. Hindi siya makapaniwala. Hindi naman kasi siya mahilig magbasa ng libro, romansa man iyon o hindi.

Pero nang minsang maglibot sila sa mall habang tulak nila sa stroller si Maggie, dinala siya nito sa National Bookstore. At bago pa maipagmalaki sa kanya ni Nate ang mga libro nito, ilang staff na ng naturang bookstore ang bumati dito at tinawag sa pangalang NR. Nagtatanong pa nga ang mga ito kung anong nobela ang susunod nitong ilalabas.

And he had fans. Habang nakikipag-usap ito sa bookstore staff ay may lumapit dito upang magpa-autograph. Mayroon palang picture si Nate sa likod ng bawat libro. Nakilala ito at nakatawag ng pansin iyon kaya may iba pang lumapit. Nakangiti namang pinagbigyan ni Nate ang mga nagpapa-autograph.

At habang pumipirma si Nate sa mga libro ay tahimik naman siyang nakamasid. Proud na proud ang pakiramdam niya.

Nang may isang nag-akala kung siya ang misis ni Nate, bago pa siya nakakibo ay nauna nang sumagot si Nate.

"Yeah. My family. Si Hannah at ang baby naming si Maggie."

And she was touched. Isinantabi niya ang ideyang pinangunahan siya ng binata at ang pag-aangkin nito sa kanilang mag-ina. Balintuna ang nangyari. Ang saya-saya ng pakiramdam niya at tila iyon ang nagtulak upang pag-isipan niya ang alok nitong kasal.

Ang totoo, kung bubuksan muli ni Nate ang tungkol doon ay malamang na hindi na ito maghintay pa nang matagal para sa sagot niya. Nakatitiyak na siya ngayon na mahal niya si Nate. Ang atraksyon niyang nararamdaman noon para dito ay hindi na nakakapagtakang mauwi sa pag-ibig. Totoong ipinakita ni Nate na mahal siya nito. At hindi lang iyon, nakita niyang pati kay Maggie ay tunay ang kabaitan at pagmamalasakit na ipinapakita nito.

Naisip niya, malaking aral sa buhay ni Nate ang pagiging ulila nito kaya naman kahit sanggol pa si Maggie ay ganoon na lang ang pagmamalasakit nito sa bata. Inaako na nitong anak si Maggie. At Daddy ang turing nito sa sarili kapag kausap nito ang bata na bahagya pa lang nagsisimulang ngumiti ngayon.

Inuulan na rin siya ng tukso buhat kay Marga at sa mga magulang niya. Alam ng mga ito ang layunin ni Nate. At ibinubuyo siya ng mga ito na tanggapin na ang alok ng binata.

Tapos na rin naman ang kanyang desisyon tungkol doon. Hinihintay na lang niya si Nate na buksan muli ang paksang iyon.

"Sana makita na ni Hector ang pamilya niya," untag sa kanya ni Nate.

"How about you? Hindi ka ba gumagawa ng paraan para mahanap ang mga magulang mo?"

"Nagsisimula na rin. Nagtanong na ako kay Dio. Siya kasi ang maraming koneksyon. May irerekomenda daw siya sa akin na mahusay na imbestigador. Siguro, eh, si Mike Enriquez," pabiro pang wika nito.

"Malaki ang nagagawa ng media. Di manawagan kayo ni Hector sa mga TV at radio stations. Magpa-ad din kayo sa diyaryo."

Tumango-tango lang ito at pagkuwa ay tumitig sa kanya.

Ngayon ay hindi na siya naiilang na tumititig ito. Minsan ay lumalaban siya ng titigan, minsan naman ay hinahayaan na lang niya ito. Kapag tinatanong naman kasi niya ito, isa lang naman ang isinasagot nito.

"Gusto kitang tingnan, bawal ba?"

At kapag naaalala niya ang paraan nito ng pagsagot ay napapangiti siya. Hindi niya maiwasang kiligin dahil may kahalong lambing ang pagbitaw nito ng pangungusap.

"Hannah." Dumukwang ito sa kanya.

"Bakit?"

"I love you," saad nito sabay yuko ng ulo sa kanya upang halikan siya.

Kagyat ang pagtulay ng masarap na boltahe ng kuryente buhat sa kanyang batok hanggang sa kanyang mga sakong. Pumikit siya at ninamnam ang mabilis na halik. Karaniwan nang nangyayari iyon sa kanila. They kissed here and there. At sa tuwina ay nagdudulot iyon ng matamis na ngiti sa kanilang mga labi.

Hindi malayong lumagpas doon ang ginagawa nila. At kung mangyayari nga iyon ay mas malamang na hindi naman siya tatanggi. Minsan nga, parang naghahanda pa siya na mangyari iyon. She always made herself clean and fresh. Gusto niyang maging kaaya-aya siya para sa binata. 

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - NATHANIELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon