"TAMANG-TAMA itong tinola, Nate. Mainam ang dahon ng sili at malunggay na pampagatas. Masarap iyan, native na manok pa ang pinakatay ko. Saka itong ginisang munggo, mabuti na lang at nadamihan ko ng malunggay. Iyan ang ipakain mo sa kaibigan mo. Damuho kang bata ka, akala ko pa naman ay asawa mo na ang nanganak," sabi sa kanya ni Aling Tinay, ang may-ari ng pinakasikat na carinderia sa San Miguel na suki na nila ni Tatay Justo mula't sapul.
"Hindi pa nga ho ako nag-aasawa," sabi niya dito.
"Aba'y ano pa ba ang hinihintay mo? Baka abutan ka ng delubyo, magsisisi ka rin, sige ka," biro pa nito sa kanya. Inabot nito sa kanya ang supot ng pagkain. "Mayroon na diyang kutsarang plastik. Sige na, dalhin mo na para mahigop niya hangga't mainit ang sabaw."
"Magkano ho?"
"Isandaan lahat."
"Isandaan lang ho?" gulat na sabi niya. "Baka nakalimutan ninyong kuwentahin ang kinain ko." Nakadalawang order siyang kanin at kalderetang baka at pinakbet ang ulam niya. Isang malaking bote ng Coke din ang ininom niya. Hindi niya akalaing nagutom din pala siya nang husto. At naisip niya, kung ganoon siya kagutom mas lalong gutom si Hannah dahil sa hirap nito sa panganganak.
"Huwag mo nang ipakuwentang lahat. Basta bigyan mo na lang ako ng isandaan at ayos na iyon. Nagmana ka kay Justo. May kayabangan. Inililibre na't lahat ay pilit pa ring nagbabayad." Naiiling na sabi nito.
May naalala siya at napangiti. "Pasensya ka na, Aling Tinay. Masyado kasing mahal ni Tatay Justo ang asawa niya kaya hindi na niya ginusto pang mag-asawang muli. Pero tiyak, kung naisipan niyang mag-asawa, kayo ang liligawan niya. Sarap na sarap yata siya sa mga luto ninyo."
Kumislap ang mga mata ng may-edad nang babae. "Nambola ka pa. palibhasa'y patay na ang pinag-uusapan natin at hindi na makakapagdepensa."
Inabot na niya dito ang isandaan. Sobrahan man niya iyon ay alam niyang ibabalik din nito sa kanya. "Sige ho, babalik na ako sa clinic. Salamat ho."
Bago siya bumalik sa clinic ay naalala niya na tawagan ang ibinilin ni Hannah. Pero bago niya iyon ginawa ay naisip rin niyang ipagamit na lang niya ang cellphone niya sa babae.
Ang totoo ay nagtaka siya kanina. Ang inaasahan sana niyang kokontakin nito ay ang asawa nito pero pangalan ng babae ang sinabi nito. Marga. Nabanggit pang sa babaeng iyon kinuha ang isa pang pangalan ng sanggol.
"Pinagsama ko ang pangalan ko at pangalan ng kapatid ni Marco."
At siguro ay ang Marco na iyon ang asawa nito.
Gusto niyang magtanong pero palagay niya ay mas dapat na itikom na lamang niya ang bibig. Wala siyang alam tungkol kay Hannah maliban ang detalye ng panganganak nito.
Isang paghinga ang pinakawalan ni Nathaniel. Isa siyang manunulat. Sa maraming nobelang naisulat niya ay marami na ring eksenang ipinanganak sa malikot na imahinasyon niya pero hindi niya naisip ang posibilidad ng nangyari kanina.
Likas naman siyang matulungin. Pero hindi niya inakalang ang kanyang pagtulong ay maghahatid sa kanya sa delivery room upang masaksihan ang pagsilang sa mundo ng isang inosenteng sanggol.
At hindi niya alam kung mahahanapan niya ng akmang salita ang naramdaman niya nang masilayan niya ang sanggol. At mas lalo na nang siya ang mismong pumutol sa pusod nito.
It was a mind-blowing experience. Talagang nanginig ang kamay niya nang abutin niya ang gunting. Tila gusto niyang mag-back out pero hindi naman. At parang hindi siya huminga ng ilang segundo habang nanginginig din ang kamay na ginupit ang pusod.
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - NATHANIEL
Romance"Hindi ako mahilig mag-aksaya ng panahon. Gusto kong sabihin ko na sa iyo ang talagang pakay ko. I want to marry you, Hannah..." Ilang araw na siya sa bahay na iyon sa San Miguel. Dati-rati, ang mga alaala nila ng taong nag-ampon sa kanya ang naiis...