PARANG maiiyak na si Hannah. First time niyang papaliguan si Maggie. Dalawang linggo na ito at ngayon pa lang niya papaliguang mag-isa. Dati ay si Marga ang gumagawa niyon pero gusto nito ay matuto rin siya. Ninenerbyos siya dahil wala man lang si Marga sa kanyang tabi upang umalalay.
Nagulat marahil si Maggie sa pagbuhos niya dito ng maligamgam na tubig kaya pumalag ito at pumalahaw ng iyak. Lalo na siyang ninerbyos. Abot-abot ang panalangin niyang maayos niya sanang mapaliguan ito.
Pakiramdam niya ay nagtagumpay naman siya pagkaraan ng ilang munito. Binibihisan na niya si Maggie nang tumunog ang doorbell. "Sandali lang!" malakas na sabi niya at minadali na ang pagbibihis sa sanggol.
Karga niya si Maggie nang buksan niya ang pinto.
"Iyan ba ang apo namin?" halos duet na wika ng dalawang matanda na napagbuksan niya.
"Ma, Pa," paanas na wika niya, parang hindi makapaniwalang nakatayo ang mga ito sa harap niya. Wala ang galit na nasa mukha nito noong huli silang magkita. Sa wari ay kay lambot ng ekspresyon ng mga ito habang nakatitig kay Maggie na umiiyak pa rin.
"Pakarga naman sa apo ko," sabi ng mama niya na nakita niyang may kumislap na luha sa mga mata nito.
"Hindi mo ba kami papapasukin?" may nag-aalinlangang ngiti sa mga labi ng kanyang papa. "Tinawagan ko si Marga at siya ang nagsabi sa akin na nanganak ka na."
"P-pasok," papiyok na sabi niya. Ibinigay rin niya sa mama niya si Maggie. "Umiiyak, naligo kasi."
"May baby talaga na ayaw nababasa. Naninibago pa kasi," anito at sinipat na mabuti ang sanggol. "Naku! Bakit walang bigkis?"
"Sabi ng pedia niya, hindi naman kailangan ang bigkis."
"Huwag kang makinig sa sinasabi ng pedia. Kailangan ng sanggol na nakabigkis. Lalo na ito, babae. Dapat lang na bigkisan mo para may bewang siya agad. Ikaw, dalawang taon ka na nung tanggalan kita ng bigkis. Kaya tingnan mo ngayon, kahit na nanganak ka na, may bewang ka pa rin."
Napangiti siya sa komentong iyon ng mama niya. Tila tama ito. Noong bagong panganak siya, ang tingin niya sa sarili ay isang aparador. Pero isang linggo lang ang lumipas at mabilis na bumalik sa dati ang hubog ng katawan niya. Ang mga kakilala niya ay tila nananaghili pang tila raw siya hindi nanganak.
"Wala ka bang kasama dito, Hannah?" tanong naman ng kanyang papa.
"Mayroon ho. Inutusan ko lang ho na mamalengke. Tamang-tama, papadagdagan ko na ang lulutuin. H-hindi ko alam na darating kayo."
Nagkatinginan ang mag-asawa. "Hannah, patawarin mo kami ng papa mo sa pagkukulang namin sa iyo. Mali kami sa ginawa namin. Hindi ka namin dapat na pinabayaan."
"Naiintindihan ko din naman ho ang naging reaksyon ninyo," kaswal na sabi ni Hannah. Ayaw niyang mapaiyak. Ayaw niyang maging maemosyonal ang pagkikita nilang iyon.
"Ang laki-laki ng bahay, bakit hindi na lang kayo doon tumuloy?" alok ng papa niya. "Kami lang ng mama mo ang nandoon. Ang kuya mo naman ay minsan sa isang taon lang kung umuwi. Alam mo naman iyon, mas sanay na sa dagat kesa sa lupa." Marine engineer ang kuya niya at mapalad nang magbakasyon ito ng isang buwan kapag bumababa ng barko. Binata pa at wala namang binabanggit sa kanila kung may balak nang mag-asawa.
"Pa, kung noon nga hong dalaga ako ay ginusto ko nang magsarili—"
"Iba ngayon, Hannah. Baka mahirapan ka. May anak ka na at mag-isa ka lang na magtataguyod sa kanya. Hayaan mong tulungan ka namin."
"Salamat, Pa. Pero hayaan ninyo na lang muna ako dito."
"Nagtatampo ka pa siguro sa amin, hija," anang mama niya.
"Hindi naman po sa ganoon. Kilala ninyo naman ako. Nasanay nang independent."
"Hindi naman komo babalik ka sa bahay, hindi ka na magiging independent," sabi ng papa niya. "Magagawa mo pa rin ang trabaho mo, hindi ka namin pakikialaman doon. Napag-isipan lang namin ng mama mo na kailangan mo ng katuwang ngayon sa pagpapalaki sa anak mo. Kahit may katulong ka dito, iba iyong may kalalakhang ama ang anak mo kahit sa pamamagitan ko lang. Isa pa, sabik din kami sa anak mo."
Alam niya, bukal sa kalooban nito ang alok na iyon. At natutuwa naman siya. Pinabayaan man siya noon ng mga ito, nararamdaman naman niya ngayon na gusto din ng mga ito na makabawi. "Hayaan ninyo, Pa, pag-iisipan ko," sabi na lang niya pagkuwan.
"Kailan mo balak na pabinyagan itong apo ko?" tanong ng mama niya.
"Pinaplano ko na ho."
"Aba'y huwag mong pagtagalin," anang papa niya. "Naibalita na rin namin sa kuya mo na nanganak ka na. Sagot na daw niya ang pagpapabinyag. Magpapadala daw siya ng two thousand dollars. Gawin mo daw engrande ang binyagan. At kung kulang pa ay magsabi ka lang."
"Ho? Hindi ba siya nabibigla?" aniyang hindi malaman kung matutuwa o magtataka. Kuripot kasi ang kuya niya. Kahit malaki ang kita nito ay para bang hindi nito magawang gastahin ang kinikita.
"Bumabawi lang iyon sa iyo. May guilt feeling din kasi ang taong iyon na hindi ka raw naalalayan noong panahong kailangan mo kami. Anak, patawarin mo kami na iniwan ka namin kung kailan kailangan mo ang pag-unawa at suporta namin," nabasag ang tinig ng mama niya.
"Kalimutan na ho natin iyon," aniyang pinangiliran na rin ng luha. "Ang importante ho ay nariyan na kayo ngayon at may makikilala nang lolo at lola si Maggie."
"At may uncle pa siya na magpapasalubong sa kanya ng imported na laruan at chocolates!"
"Naku! Baka naman ho lumaking maluho si Maggie," sabi niya sa magaang tinig. "Maging spoiled pa."
"Nasa pagpapalaki ang ikinai-spoil ng bata. Puwede mo iyang bigyan ng lahat ng mamahaling gamit na hindi titimo sa utak niya na dapat niyang ipagmayabang ang saganang kalalakhan niya," seryosong sabi ng papa niya.
Tumango na lang siya.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
You can also vote and comment if you like.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - NATHANIEL
Romance"Hindi ako mahilig mag-aksaya ng panahon. Gusto kong sabihin ko na sa iyo ang talagang pakay ko. I want to marry you, Hannah..." Ilang araw na siya sa bahay na iyon sa San Miguel. Dati-rati, ang mga alaala nila ng taong nag-ampon sa kanya ang naiis...