15

1.2K 78 16
                                    

DALA ANG puswelo ng kape ay muntik nang mabitawan iyon ni Hannah dahil sa gulat. Pagpihit niya ay nakita niyang halos nasa likod na niya si Nate. Ni hindi niya naramdaman ang mga yabag nito.

"Pasensya ka na kung nangahas na ako dito," nakangiting sabi nito. "Naiinip kasi ako doon."

"O-okay lang," sabi naman niya at ibinaba sa mesa ang kape. "Pasensya ka na rin kung natagalan ako. Tutal ay nandito ka na, kung gusto mo, dito ka na sa kusina magkape. Feel at home."

"Thanks." At muli ay tumitig ito sa kanya.

"Natagalan ako kasi naghilamos pa ako. Hindi mo naman sinabing mukha na pala akong taong-grasa sa dungis ko," aniyang bigla na lang nagpaliwanag.

"I don't mind. Siyempre, nandito ka lang naman sa bahay. Halata namang abala ka sa ibang bagay kesa magbabad sa harap ng salamin." Humigop ito ng kape. "Masarap."

"B-bakit ka nga pala nandito, Nate?"

"Gusto ko kayong makita ni Maggie," prangkang sagot nito.

Muli ay naumid siya. Parang gusto niyang magsisi na nagtanong pa siya. Pero lolokohin lang niya ang sarili kung sasabihin niyang balewala lang ang pagpuntang iyon ni Nathaniel dahil masaya siyang kaharap niya ito ngayon.

"Hannah, sasabihin ko na sa iyo nang deretso. Interesado ako sa iyo. Siguro, noong una pa lang ay nagkainteres na ako sa iyo. Hindi ko nga lang binigyan ng pagkakataon ang sarili ko dahil bagong panganak ka at ang nasa isip ko ay may-asawa ka. Natural lang naman iyon, hindi ba?"

Bahagya siyang tumango.

"Ayoko ng kumplikasyon. Lumaki ako na maraming mga bagay ang gusto kong mangyari pero hindi iyon nagaganap ng ayon sa kagustuhan ko. Naturuan ko ang sarili kong umiwas na lang kung mabibigo rin naman ako. Noong una ay inakala kong hindi ka naiiba ng kaso. Pero sabi nga nga iba, maraming namamatay sa akala."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Simple lang. Malaya ka naman pala." Tumindig ito at lumapit sa kanya. "Hindi ko gustong sabihin na masaya akong patay na ang ama ni Maggie. Mas tamang sabihin na nang magkita tayo ay wala nang talaga si Marco. Na hindi ko naman siya sinasagasaan. Mas gusto kong isiping nagkatagpo tayo sa isang sirkumstansya na ginawang espesyal ng pagkakataon para sa isang mas malalim na dahilan."

Tinitigan siya nito at kagyat siyang nagbaba ng tingin. Hindi na siya naglakas pa ng loob na lumaban dito ng titig dahil alam niyang siya rin naman ang unang babawi.

"Ako ang kasama mo nang ipanganak mo si Maggie, Hannah. Ako ang pumutol ng pusod niya. At sa palagay ko ay hindi iyon mangyayari nang basta ganoon na lang. Nabigyan ako ng pagkakataong maranasan ang isang bagay na dapat sana ay para sa isang ama. Naniniwala akong mayroon iyong malalim na kahulugan. Isang pahiwatig marahil para sa isang kinabukasan."

"Nate."

"Hindi ako mahilig mag-aksaya ng panahon. Gusto kong sabihin ko na sa iyo ang talagang pakay ko. I want to marry you, Hannah. Gusto kong maging isang pamilya tayong tatlo ni Maggie."

Nanlaki ang kanyang mga mata. Dinadaya lang ba siya ng pandinig niya? Pero seryosong-seryoso si Nathaniel sa sinabi nito.

"Hindi ka ba nabibigla, Nate? Halos estranghero pa rin tayo sa isa't isa," manghang sagot niya.

"Hindi naman kita aapurahing magdesisyon, Hannah. Sinabi ko lang ngayon para malaman mo na kung ano ang pakay ko."

Napahugot siya ng isang paghinga. Parang bigla siyang nalito. Isang malaking sorpresa ang alok nito sa kanya. Parang nangalog ang tuhod niya kaya naupo siya. "Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin, Nate," naguguluhang sabi niya.

"Makikilala din nating mabuti ang isa't isa, Hannah."

Napailing-iling siya. Oo nga at may atraksyon din siya para kay Nate pero hindi siya nag-isip ng ganito. Isang mabigat na pagpapasya ang tungkol sa kasal. Naniniwala siyang hindi basta nagdedesisyon ang isang tao sa ganoong bagay.

"Paano ka nakapagdesisyong alukin ako ng kasal, Nate? Hindi naman ganoon lang kasimple iyon, hindi ba? It's a lifetime commitment."

"I know."

"Puwede ka bang mag-alok ng kasal sa isang taong hindi mo naman mahal?"

"Paano kung sabihin ko sa iyong mahal kita? Na higit kaysa sa atraksyon ay nararamdaman ko sa iyo? I don't believe in miracles, Hannah. But something happened in the DR. Parang mayroong isang malakas na puwersa ang sumanib sa akin para ialok ko ang buo kong kalayaan para sa iyo. Para sa inyong mag-ina."

"Baka nagpapakabayani ka lang, Nate. Salamat sa alok pero hindi ako desperadang mag-asawa."

"Hannah, malinis ang intensyon ko," tila pagalit na sabi nito. "Hindi ko inaalis ang posibilidad na mahal mo pa rin ang ama ni Maggie," anitong lumambot din ang tono. "Pero sana isipin mong wala na siya at hindi na babalik pa gaano man kalalim ang pagmamahal mo sa kanya."

"Huwag mong panghimasukan ang damdamin ko kay Marco," mariing sabi niya.

"I'm sorry," mabilis na sabi nito.

Hindi siya kumibo. May nararamdaman siyang galit na nagsisimulang umahon sa kanyang dibdib. At hindi siya makapaniwalang sa ilang sandali ay magkakapatung-patong ang kanyang emosyon. Buhat nang dumating si Nate halos wala pang kalahating oras ang nakakaraan ay naramdaman na niyang magulat, mataranta, mamangha, malito, at ngayon ay ang magalit.

Hindi pa ba sapat na guluhin nito ang sistema niya sa pag-aalok ng kasal? Kailangan pa ba nitong banggitin si Marco? Totoong mahal pa niya si Marco. At may palagay siyang hindi mawawala ang pagmamahal niyang iyon sa lalaki. Ito ang ama ni Maggie. At si Maggie ang bunga ng pagmamahal nila sa isa't isa.

Tinanggap na rin niyang wala na ito. At ibinukas na rin niya ang posibilidad na umibig siya sa iba. Naisip niyang kung makakatagpo siya ng isang lalaki na tatanggapin si Maggie at aakuing sariling anak aty bakit nga ba hindi siya mag-aasawa?

Pero hindi niya inaasahang magiging ganito kabilis ang tila katuparan niyon? At siguro ay hindi siya masisisi kung mayroon man siyang madamang takot.

Nakakatakot pala kapag heto na at nasa harapan na niya ang isang bagay na akala niya ay matagal pang mangyayari. At nakakatakot pala kapag ang isang taong pinag-uukulan mo ng atraksyon ay mag-aalok ng kasal.

Parang mahirap paniwalaan.

Ngayon lamang nagdigmaan nang ganito katindi ang puso at isip niya. Gustong magdiwang ng puso niya pero sa wari ay mas maagap ang kanyang isip upang paalalahanan siya. Hindi siya dapat magmadali ng pagpapasya. Kailangan ay maging maingat siya.

"Hindi ako nagpunta dito para guluhin ka, Hannah," narinig niyang sabi ni Nate. "Uulitin ko sa iyo, malinis ang intensyon ko."

Nag-angat siya ng tingin. "Pasensya ka na sa ikinilos ko," mahinang sabi niya.

"Naiintindihan kita. Aalis na muna ako. Bibigyan kita ng oras upang mag-isip."

Tumango siya at tumayo. Napakapit siya sa dulo ng mesa. Nangangalog pala ang mga tuhod niya. At sa wari ay napansin iyon ni Nate. Maagap itong lumapit at inalalayan siya.

Iyon marahil ay isang malaking pagkakamali. Dahil nang sandaling magkadaiti ang kanilang mga balat at isang segundong nagtama ang kanilang tingin ay parang nakalimutan nilang hindi sila dapat mag-apura sa mga bagay.

Umakyat sa kanyang batok ang palad ni Nate at kinuyumos siya nito ng halik. 

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - NATHANIELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon