ALAS DIYES na nang mag-almusal sila ng totoong almusal. Parang mga batang hindi pa rin nila mapigil ang nararamdaman. Kahit na kumakain ay nagkakaladyaan pa rin sila ni Nate.
"Baka dumating na sina Mama, abutan tayo," aniyang nagseryoso na sa pagkain pero may pilya pa ring ngiti sa mga labi.
"KJ," kunwa ay masama ang loob na sabi sa kanya ni Nate pero ngumiti rin agad. "Pagdating ng mga mama mo, pag-usapan na natin ang tungkol sa kasal, ha? Pumayag ka na, hindi na dapat pagtagalin pa."
"Opo. Dapat lang. Kailangan mong itindig ang aking puri." At nagkatawanan sila.
Pagkatapos kumain ay tinungo na ni Nate ang banyo na kalapit lang ng kusina. Ipinagtabuyan na niya itong maligo upang desente na itong datnan ng kanyang mga magulang. Siya naman ay mabilis nang inimis ang mesa. Halos katatapos lang niya doon nang tumunog ang doorbell.
"Nate, nandiyan na sina Mama!" malakas na sabi niya sa binata at tinungo na ang pinto.
"Tuwalya lang ang dala ko dito," sagot nito.
Nataranta siya. Natatawa siyang naiinis dahil para silang mga guilty sa kilos nila. Patakbo na siya sa kanyang papasok sa kanyang kuwarto upang kunin ang damit ng binata nang mapansin niyang iba ang sasakyang nakaparada sa tapat niya.
Dumeretso ang hakbang niya sa sala. At hindi nga ang kanyang mama ang dumating.
"I'm Merylle," sabi agad ng babaeng napagbuksan niya ng pinto. "Ikaw ba si Hannah?"
Hindi siya agad nakakibo. May bumangong kaba sa kanyang dibdib subalit hindi siya nagpahalata sa kaharap. Naalala niya si Trina. Kung kasosyalan lang ay magka-level ang dalawa. Pero hindi ito kagaya ni Trina na friendly ang bukas ng mukha.
"Ako nga. Bakit?" pormal na wika niya. Hindi niya gusto ang pakiramdam niya sa kaharap.
Hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. At pagkuwa ay plastic na ngumiti. "Gusto lang kitang paalalahanan, Hannah. Ako ang girlfriend ni Nate. Baka kasi umaasa kang aalukin ka niya ng kasal. Huwag kang magpapadala ng matatamis na salita. May plano na kami. Novelty ka lang para sa kanya."
"Paano ka nakasiguro?" halos manginig ang laman na sabi niya. Pigil na pigil niya ang sariling ipagtabuyan ito. Masyado siyang masaya sa umagang iyon para lang sirain ng isang babaeng ngayon lang niya nakita. Hindi siya tanga para maniwala agad sa sinasabi nito.
"Itinatanong pa ba iyan?" Tumawa nang sarkastiko ang babae. "May magtototoo ba sa kagaya mong disgrasyada?"
"Merylle!" halos dagundong na sigaw ng binata buhat sa kanyang likuran.
"N-Nate..." Pumako ang mata ni Merylle dito.
Nasa tabi na niya si Nathaniel. Basa pa ang buong katawan nito at nakatapis lang ng tuwalya sa bewang. Kaagad siya nitong hinapit sa bewang.
"Hindi ko narinig ang lahat ng sinabi mo pero sapat na ang huli mong sinabi para ipagtabuyan ka. Umalis ka na, Merylle. Hindi ka dapat bigyan ng respeto kung ganyang pupunta ka rito para lang mambastos."
"Nate, kasi..." anitong tila naging maamong tupa.
"Nag-usap na tayo, hindi ba? Simula't sapul ay wala naman tayong commitment sa isa't isa. Nang magseryoso ako kay Hannah, tinapos ko na ang lahat ng dapat tapusin sa atin."
Kumislap ang luha sa mga mata nito. "Nate, I realized, mahal pala kita."
"Too late," anang binata na lumambot ang tono. "Kung nasaktan ka sa paghihiwalay natin ay hindi ko sinasadya. Nakipaghiwalay ako dahil gusto kong maging totoo sa iyo at sa sarili ko. Magpapakasal na kami ni Hannah, huwag mo na kaming guluhin."
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - NATHANIEL
Romance"Hindi ako mahilig mag-aksaya ng panahon. Gusto kong sabihin ko na sa iyo ang talagang pakay ko. I want to marry you, Hannah..." Ilang araw na siya sa bahay na iyon sa San Miguel. Dati-rati, ang mga alaala nila ng taong nag-ampon sa kanya ang naiis...