chapter 93

231 23 2
                                    

Karex pov:

"Kailan po gaganapin ang pagsalakay natin sa lungga ng mga dilim?" Tanong ko kay Ama habang hinahalungkat ang kumpol-kumpol na mga papel mula sa malalaking baul. Kasama ko ngayon si Ama at kuya sa silid ni Ama habang binabasa ang mga impormasyon tungkol sa mga dilim na matagal ng nakatago sa ilalim ng kaharian. Malakas na bumuntong hininga si Ama at inilapag ang limang makakapal na libro sa kanyang lamesa saka napatingin saming dalawa ni Roi.

"Marahil ay sa susunod na mga araw pa o depende sa kung ano man ang magiging panahon... Hindi tayo maaring magpadalos-dalos ng kilos lalo na't napakarami nila, hindi maaring maubusan kaagad tayo ng mga kawal dahil nag-uumpisa pa ang lahat" sang-ayon ako sa sinabi niya dahil kung ako ang tatanongin ay mas marami ang bilang ng mga dilim kaysa sa mga kawal ng sampung kaharian, matatapatan sana namin ang kanilang bilang kung ang ibang kaharian ay tutulong rin samin.

"Pero Ama... Hindi pa naguumpisa ang lahat" diin ko sa kanila habang inaalala ang lahat ng mga salitang binitawan ng diwata. "Anong ibig mong sabihin?" Tanong ni kuya na napahinto sa ginagawa dahil sa sinabi ko kahit si Ama ay napahinto rin at napatingin sa'kin. "Hindi pa sila seryoso dahil naglalaro pa lang sila ngayon at sa oras na bumalik na ang kanilang Hari ay doon pa lang maguumpisa ang totoong laban" seryoso kong sabi at napatingin sa espada na nakalapag sa harapan ko.

Sa lalong madaling panahon ay nais kong ubusin kaagad ang mga dilim para hindi na nila magawang gamitin si Pusa para mapalaya ang kanilang Hari pero alam ko naman kung hanggang saan ang makakaya ko, masyado pa akong mahina upang matalo kahit isa sa sampung mata. Hindi ako maaring umasa na lamang sa kakayahan ko bilang Saleneon kasi dapat may masama pang mangyari para mapukaw ang matindeng galit ko. Hindi ko na rin masyadong nakokontrol ang galit ko hindi katulad noon dahil tuluyan na akong nagbago nang makilala si Pusa at kasalanan ko rin kasi masyado akong nagpakalunod ng saya habang kapiling siya at dahil doon ay nakakalimutan ko na ang maaring kapalit ng panandaliang kasiyahan.

"Si Alina pa parin ba ang daan ng pagbalik ng kanilang Hari?" Nagtiim bagang ako at marahang tinango ang ulo. Tatlong araw pa ang lumilipas  simula nang maiuwi ko si Pusa sa piling ng kanyang pamilya at tatlong araw ko na rin hindi siya nakakasama dahil naging abala na rin ako sa palasyo. Gustong-gusto ko na talaga siyang makasama ngayon pero kailangan ko pa muna unahin ang problema bago ang kasiyahan, hindi ko maaring ulitin ang pagkakamali na nagawa ko noon kay Elena. Namatay si Elena dahil mas inuuna ko ang kasiyahan at kinalimutan ang mga panganib.

"Karex... Kailangan nating itago si Alina" umiling ako sa sinuhestiyon ni kuya. "Kaya nga mga mata ng dilim ang tawag sa kanilang sampu hindi ba? Kasi nakikita nila ang lahat... Wala kang maitatago sa kanila at mas lalong mapanganib kung itatago natin si Pusa" napansin ko rin kasi habang nasa gitna ako sa paghahanap kay Pusa na tila alam ng mga dilim kung saan ako at si Pusa at dahil sa ginawa nila ay muntikan pa kaming magkalihis ng daan ni Pusa pero nakaamoy rin ako ng kakaiba sa mga panahong iyon. Alam kong hindi ko na dapat maging kampante at pagtutuonan ko na ng pansin ang mga bagay-bagay na nararamdaman ko lalo na't hindi ka makakaramdam ng kakaiba kung wala namang kakaiba sa pangyayari at bawat maliliit na hinala ay maaring magiging malaki sa bawat pagpatak ng segundo.

"Paano kung makuha nila si  Alina?! Delikado ang kanyang kalagayan ngayon Karex!" Nag-aalala na ngayon ang mukha ni Ama na siyang ikinahawa ni kuya pero minatili ko ang pagkakalmado ko at mariing suminghap. Isang bagay na nakakapagtibay sa isang relasyon ay... "Tiwala... Magtiwala kayo kay Pusa, malalagpasan niya ang lahat ng ito" walang bahid na pag-aalinlangan kong sabi at nagpatuloy na sa ginagawa.

I Was Reincarnated As A Princess Season 1 (ROYALTY SERIES #1) Where stories live. Discover now