.-../ ..-/ -.-./ -.-./ ..../ ./ .../ ..
Pagpasok ko sa pinto, bumungad sa 'kin ang nagkakapeng si Mama at si Cha. Nandito rin ang lalaking 'yon. Gamit ang bag ko, binato ko ang lalaki na tahimik na nagkakape sa lamesa namin.
"Bakit ba ayaw mo kami layuan ng Mama ko!" sumigaw ako nang sobrang lakas.
Napatayo agad si Mama at sinubukan akong pigilan. Nalaglag ang ilang mga notebook ko kaya kinuha ko 'yon at binato uli sa kanya.
"Okay lang sana kung ako lang! Pero 'yong Mama ko ilayo mo sa gulo-" binabato ko lahat ng mahawakan ko sa kanya. Nanlaki ang mata niya at tumayo mula sa pagkakaupo at nilayuan ako.
"Lucchesi, ano ba!" saway ni Mama. Pilit niya akong pinapakalma at pinipigilan.
Nang wala na akong makuha ay inabot ko na ang unang bagay na mahawakan ko. Tinaas ko 'yon at ibabato na sana.
"Punyeta ka! Sige ibato mo 'yang tasa ko, kakalimutan kong galing ka sa 'kin!" sigaw ni Mama kaya natahimik ako.
Narinig ko ang tawa ni Cha na nanatiling nakaupo at nanonood habang nagkakape. Ibinaba ko ang tasa ni Mama at kumalma.
"Bakit ba nagwawala ka, ha?!" tanong ni Mama habang tinatabi ang tasa niya.
"'Wag mo nang itago, Ma, nakwento na sa 'kin ni Ate Wilma!" sabi ko at pinulot ang mga notebook ko. Tinulungan ako ng lalaki na magpulot pero ang mga naipon niyang notebook ay nilapag niya lang sa tabi ko. Hindi niya inabot sa 'kin.
"Anak... Naayos na namin, hindi mo naman kailangan magalit nang ganoon," mahinahong sabi ni Mama.
"Anong hindi kailangan magalit, Ma?! Buti sana kung ako lang 'yong masasakt-"
"Hindi mabuti na masaktan ka," pinutol ni Mama ang sasabihin ko. Bumuntong hininga siya. "Pumunta dito ang asawa niya..." nakita ko na aapila sana ang lalaki pero tinignan siya nang mariin ni Mama. "... Kasi umuwi 'yong anak niya nang umiiyak," pagpapaliwanag ni Mama sa 'kin.
Nanatili akong tahimik. "Hindi niya balak makipag away, gusto niya lang malaman ang nangyari... Nakwento na sa 'kin ni Cha, anak." hinalikan ni Mama ang pisngi ko. "Hindi ka dapat nananakit," pangaral sa 'kin ni Mama.
"Ayoko lang na tinatawag kang 'kabit' Ma," tinignan ko nang masama ang lalaki. "Kasi hindi ka 'kabit'. Hindi rin tayo manggamit at hindi tayo aasa sa lalaking 'yan."
"Alam ko, Nak... Pero may hindi sila napagkaintindihan at nadamay lang tayo. Hindi ako kabit kasi wala kaming relasyon, at hindi ka manggagamit kasi tatay mo siya. May obligasyon siya sa'yo," bumuntong hininga si Mama. "Hindi ko hihilingin sa'yo na tanggapin mo siya... Pero Lucchesi, kailangan mo siyang respetuhin. Kasi kahit hindi mo tanggapin, tatay mo siya..."
Umirap si Mama sa 'kin. "Hindi na kita tatanungin kung okay ka lang kasi hindi naman ikaw ang umuwing umiiyak," napakagat labi ako para mapigilan ang ngiti. "Umakyat ka na roon at maguusap tayo mamaya," sabi ni Mama bago pabirong hilahin ang jersey ni Bads na suot suot ko.
Nakangiti kong nilagay ang mga notebook sa bag at inipon ang mga gamit ko bago umakyat. Nang napadaan ako sa gilid ng lalaki ay narinig kong umubo si Mama kaya hinarap ko ito. Nakita ko na may mantya ang mamahalin niyang polo dahil sa natapon na kape.
"Sorry... po b-binato ko kayo," ito ang unang beses na kinausap ko siya. Umangat ang tingin ko at nagtama ang mga mata namin. Nakita ko na nanlaki ng kaunti ang mga mata niya. Ito rin ang unang beses na tinignan ko siya. "Aakyat na po ako.... Good morning po..." huling sabi ko pagkatapos ay umakyat na.
Mahal na mahal ko ang Mama ko, at alam ko rin na alam niya ang ginagawa niya. Kung hiling niya na respetuhin ko 'to ay susundin ko 'yon. Kahit na alam kong hanggang doon lang ang kaya kong ibigay... Hindi ko siya mapapatawad na iniwan niya kami.
BINABASA MO ANG
Pagsamo (C.A.T Series #1)
TeenfikceC.A.T Series #1: Pagsamo (COMPLETED) Superior 4 Alvendia, Cristina Lucchesi believes that relationships should be rewarding. Ayaw niya sa mga manliligaw niya. Ayaw niya sa mga lalaking hinahabol-habol at gustong-gusto siya. She loves challenges so m...