Katapusan

385 8 0
                                    

Athan's POV

Malamig ang gabi na siyang bago ngayon dahil matagal na ng huli namin itong maramdaman. Napatitig ako sa maliwanag na buwan na natatanaw sa kalangitan mula dito sa veranda ng aking silid.

"Athan, hindi ka ba sasama sa amin?" nilingon ko ang pangalawa kong kapatid na si Draven. Umiling ako at muling tumanaw sa buwan.

"Madalas kong napapansin na lagi kang nakatanaw sa buwan. Ano ang meron?" tanong niya at tumabi ng tayo sa akin.

"Hindi ko rin alam. Isang gabi ay nanaginip na lang ako tungkol sa isang babae na may gintong mata ang laging nakatanaw sa buwan. Tingin ko paborito niyang titigan ang buwan kaya gusto ko ring makita kung ano ang meron dito. Simula nang gabing iyon ay hindi na pumalya ang babae sa aking panaginip." nakangiti kong sabi sa kapatid ko.

"Huwag mong sabihin na ang aking kapatid ay umiibig sa babaeng sa panaginip lamang niya nakilala?" nakangisi niyang tanong, napangiti ako at di na siya sinagot pa.

Alam niya na ang sagot sa kanyang tanong. Nagpaalam na siya kaya naiwan akong mag-isa. Pupunta sila sa Magic Kingdom dahil nagkaroon daw ng selebrasyon sa pagbabalik ng prinsesa nila. Sa totoo lang ay pinilit lamang ni Draven ang aming mga kapatid na sumama dahil alam kong nais niyang masilayan ang mukha ng una niyang inibig.

Minsan, napapaisip ako kung ano ang pakiramdam ng mahalin at ang magmahal. Sabi ni ama nang pakasalan niya si ina ay hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman.

"Magical..." naalala kong sabi ni ama sa tuwing tinatanong ko siya na kung ilalarawan niya ang pag-ibig ay ano ito.

"Magical?" nalilito pa ako kung ano ang ibig niyang sabihin pero simula nang magpakita ang babaeng may gintong mata sa panaginip ko ay naunawaan ko na.

Pakiramdam ko ay ginamitan ako ng kakaibang mahika dahil hindi na siya maalis sa isip at puso ko. Tanging ang kanyang nagniningning na mata ang siyang aking nais pagmasdan. Ang kanyang mga ngiti na kahit sa panaginip ay nakapagbigay ng kapanatagan.

Inakala ko na ang babae sa panaginip ko ay mananatili lang sa panaginip pero nagkamali ako. Isang misyon ang binigay sa akin na pinag-isipan ko nung una pero ngayon ay naisip ko nang tama ang aking desisyon... na tanggapin ang misyong ibinigay ng aking mga magulang.

Unang beses na magtama ang aming mata ay alam ko nang siya iyon. Kulay itim man ang mata niya nang makita ko siya, alam kong siya ang babae sa aking panaginip. Siya ang itinakda, ang huling fairy na nabubuhay sa aming mundo.

"Huwag kang lalapit sa kanya. Nakikiusap ako huwag muna ngayon at hindi pa kami handa." kumuyom ang aking kamao nang pigilan niya akong lapitan siya.

Siya ang aking reyna, kaya anong karapatan ng isang mortal na pigilan akong lumapit sa mahal kong reyna. Nakita kong naguguluhan siya sa lahat ng aming sinabi kaya pumayag ako sa hiling nila na ipagpaliban ng isang araw ang pagkuha namin sa kanya.

Sumilip ako sa kanyang silid nang mahimbing na siyang natutulog. Napangiti ako nang makitang mahimbing ang kanyang pamamahinga.

"Nagkita na tayong muli, mahal ko. Ilang taon kong hinintay na muli kang makasama." bulong ko sa kanya at nang magpaalam sa akin ang mag-asawang mortal na nagpalaki sa aking mahal ay hinayaan ko sila. Nakita ko pang umiyak ang mag-asawa habang yakap siya.

Pumasok ako sa university upang makita ang lugar kung saan natuto ang mahal ko. Nang makita niya ako sa silid-aralan ay pinigilan kong mapangiti. Halata sa mukha niya ang kaguluhan sa nangyayari. Akala niya ay isang panaginip lamang ang nangyari.

Lumapit ako sa kanya nang nasa cafeteria sila para kumain pero napakuyom ang kamao ko nang marinig ko siyang may binanggit na pangalan ng isang lalaki. Mas lalong nagdilim ang paningin ko nang makitang kamukha niya si Seige, ang dati kong karibal sa ranking. Nakita ko pang tinitigan niya ako kaya ganun din ang aking ginawa.

The Last FairyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon