Meeting The ML and FL
---
Sa mga unang araw ko bilang si Kiara, ginagawa ko ang lahat para makaiwas sa mga tao sa bahay. Bawat kaluskos, bawat tawag ng mga alalay, tila ba nagpapataas ng tibok ng puso ko sa kaba. Wala akong idea kung paano kumilos bilang Kiara Valintin. At ang isa pang nakakainis? Napakalaki ng bahay namin! Mahigit sampung silid at bawat isa ay puno ng mga antigong muwebles at dekorasyon na waring kinukwento ang nakaraan ng aming pamilya.
Pero hindi ko matatakasan ang umagang ito. Mula sa labas ng kwarto ko ay naririnig ko na ang tawanan mula sa dining hall. Dinig ko ang malalalim at nakakakilig na boses ng mga lalaki, at isang masiglang boses ng babae. Kilala ko agad ang boses ng kuya kong si Antonio, at kung tama ang hinala ko, siya ang bida ng eksena sa labas.
"Hija, Señorita Kiara, oras na para kumain," malambing na sabi ng isang katulong habang tumutoktok sa pintuan ko. Huminga ako nang malalim at pinilit kong ipakita ang pinakamatamis kong ngiti bago ako bumaba.
Pagdating ko sa may dining hall, bumungad agad sa akin ang eksenang parang kinuha sa isang pelikula. Si Antonio, nakangiti at nakasuot ng puting barong, ay nakaupo sa dulo ng mesa, abalang-abala sa pakikipag-usap sa babaeng nasa tapat niya.
Si Victoria Alcantara, ang babaeng bida ng kwento. Mula sa malayuan pa lang, halata ang kanyang kagandahan—makinis ang kutis, matangos ang ilong, at ang mga mata niyang parang bituin. Para siyang prinsesa na inilalarawan sa mga kwento ng mga matatanda.
Pag-upo ko, agad akong napansin ni Antonio. "Kiara, buti at sinamahan mo kami!" bati niya sa akin, malambing at puno ng galak. Agad niyang tinapik ang upuan sa tabi niya. Pinilit kong ngumiti at tumango, bagaman parang gusto kong magkubli sa ilalim ng mesa.
"Oo nga, Señorita Kiara," sabi ni Victoria na napakaamo ang tinig. "Ikinagagalak ko kayong makasama sa almusal." May halong hiya at ngiti sa mga mata niya, na tila nahihiya sa presensya ng isang bagong kakilala.
"Ah... ahm... salamat," nahihiyang tugon ko habang pinipilit kong magmukhang kalmado. Tinignan ko ang paligid ng mesa na puno ng pagkain: may tinapay na putok, ensaymada, itlog, at tapa. Kinuha ko ang kutsara ngunit nahulog ito, tumama sa gilid ng baso at lumikha ng tunog na agad nakaagaw ng pansin sa kanilang dalawa. Napatingin sa akin si Antonio at Victoria, at sa isang iglap, napansin ko ang mga mata ni Antonio na bahagyang sumilay sa tawa.
"Masigla ka talaga ngayon, Kiara," sabi ni Antonio, nakangiti habang pinulot ang kutsara at iniabot sa akin.
Napayuko ako sa hiya, pero pinilit ko pa rin ngumiti. "Ah, medyo antok pa yata ako, Kuya," palusot ko na sana ay kapani-paniwala. Sana naman hindi halata sa kanila na hindi talaga ako si Kiara.
Habang nagpapatuloy ang almusal, hindi maiwasang mapansin ang mga palitan ng tingin nina Antonio at Victoria. Kitang-kita sa bawat tinginan, sa bawat ngiti, ang tila isang lihim na namamagitan sa kanila. Walang ibang nagsasalita, pero sa mga mata nila, malinaw ang kanilang emosyon.
"Antonio, narinig kong may mga bagong proyekto ka raw na tinatrabaho?" tanong ni Victoria, pilit na nagpapakilala ng interes sa usapan.
"Oo, Victoria," sagot niya, kitang-kita ang saya sa mga mata habang nagkwekwento. "Plano kong magtayo ng paaralan para sa mga batang hindi kayang mag-aral. Alam mo naman ang sitwasyon natin dito sa ilalim ng mga Kastila. Gusto kong mabigyan ng pagkakataon ang mga bata kahit papaano."
Napangiti si Victoria, at hindi ko maiwasang mapansin kung gaano siya kaganda kapag nakangiti. "Napakabuti mo talaga, Antonio. Masuwerte ang mga bata sa'yo."
Doon ko napagtanto kung gaano kaganda ang pag-iisip ni Antonio, na hindi ko pa masyadong nakikilala. Sa bawat palitan ng kanilang salita, lalo akong nakikilala ang lalim ng pagmamalasakit ni Antonio sa bayan namin. Hindi ko napigilan ang paghangang nararamdaman ko para sa kanya—isang taong handang magsakripisyo para sa kabutihan ng iba.
Ngunit hindi ko rin maiwasang makaramdam ng bigat. Alam kong ang mga pinaplano ni Antonio at ang kagustuhan niyang maglingkod ay hindi magiging madali sa ilalim ng kontrol ng mga Kastila. Maging si Victoria, na anak ng isang mayamang pamilya, ay tila nauunawaan ang hirap ng plano ni Antonio. Pero sa bawat kindat ng mata at bawat ngiti ni Victoria, nakikita kong kaya niyang maging lakas at inspirasyon ng kuya ko.
Napatigil ako sa pag-iisip nang mapansin kong nakatitig si Victoria sa akin. "Kiara, tila malalim ang iniisip mo?" tanong niya na may lambing sa tono.
"Ah, hindi naman. Natutuwa lang ako sa inyong dalawa," sagot ko, pilit na ngumingiti. Nakakatuwa silang pagmasdan, at parang may magic ang bawat kilos nila. Hindi ko alam kung dapat akong matuwa o maiilang dahil sa kanilang romance.
Sa totoong buhay, bihira ako makakita ng ganitong klaseng kwento. Pero dahil nasa loob ako ng nobelang kinaiinisan ko, parang nasa harapan ko ang lahat ng dramatic na eksena.
Habang tinitingnan ko si Antonio, napagtanto kong hindi biro ang pagiging "male lead" niya sa kwentong ito. May charm at tapang siya, na kahit hindi ko alam ang buong pagkatao niya bilang Kiara, ay tila lumalabas sa bawat ngiti niya ang tunay na pagkatao ng kuya ko.
At si Victoria naman, may dignidad at bait na hindi basta-basta matatagpuan sa kahit sinong babae. Puno sila ng pag-asa at mga pangarap na hindi ko maisip kung paano nila maisasakatuparan sa panahong ito.
Sa kabila ng mga plano kong magmamasid lang, unti-unti akong nahuhulog sa kwento ng buhay nila.
----
to be continue.......
please vote! comment! and Follow! Thank you!
BINABASA MO ANG
Kiara Valintin : The Male Lead's Sister (Under Major Editing)
FantasyWhat will you do if you will be Transmigrated in a novel you really hate? worst in a timeline when the Philippines was still under Spanish colonial rule!!? This is a work of fiction Genre: Fantasy, Romance, & Comedy Language: Tagalog-English Written...