Chapter 7: Nikolai's Cousin

136 10 1
                                    


Tatlong araw ang aking ginugol para mahanap kung nasaan naka-admit ang katawan ni Nikolai. Kahapon lamang ay nalaman ko na hindi pa siya patay, pero, hindi ko pa alam kung anong kalagayan niya ngayon.

Pahirapan din ang paghahanap ko ng mga information dahil masyado itong tinatago mula sa social media, na siyang ipinagtataka ko.

Oo nga't may mga tao na ayaw ipaalam ang mga nangyari sa buhay nila, pero ibang usapan na naman kapag isang estudyante sa paaralan na pinapasukan mo ay naaksidente ngunit hindi ito ipinagbi-bigay alam sa amin. Paano 'yung mga kaibigan niya o kaklase na nag-aalala sa kaniya? Na walang kaalam-alam sa nangyari?

Araw ng sabado ngayon, at pupuntahan ko ang ospital kung saan daw naka-admit si Nikolai.

"Saan ka pupunta?" Tanong ni Kuya nang makita niyang tatakas ako mula sa kaniya.

Gusto kong kurutin ang sarili, dahil dapat kaninang umaga pa ako aalis pero late ako nagising!

"Sa kaibigan ko lang," pagsisinungaling ko.

Dahil 'pag sinabi ko sa kaniya na pupunta ako sa isang medyo malayong ospital, ay tiyak na magtataka ito dahil wala naman kaming kakilala roon.

Tinaasan niya ako ng kilay. "Ihahatid na kita—"

"Huwag na!" Agap ko.

Mas lalo itong nagtaka.

"Kuya, bibili kami ng mga girly stuffs. Sure ka bang sasama ka?" Tumawa ako ng peke para itago ang kaba.

"Pero ihahatid lang naman kita—"

"Hindi na kailangan kuya, dadaanan ako ni Sofia sa may waiting shed," pagpapalusot ko.

Wala akong kilalang Sofia!

Sa huli ay wala itong nagawa, kaya't mabilis akong nagpaalam sa kaniya at agad na umalis ng bahay. Binilisan ko na rin ang paglalakad ko at sakto naman na may dumaan na jeep kaya't nakasakay na agad ako.

Palihim akong sumulyap kay Nikolai na nasa tabi ko.

Handa na kaya siyang makita ang katawan niya?

Ilang minuto rin, nang kami ay makarating sa ospital na kung saan naroroon ang katawan ni Nikolai. Malaki ito at magarbo, ngunit medyo malayo ito sa mga bahayan.

Maglalakad na sana ako papasok nang maramdaman ko ang kamay ni Nikolai sa braso ko.

"Bakit?" mahinang tanong ko.

"Let's just go back,"

Gusto ko na rin bumalik, sa totoo lang. Parang hindi ko yata kakayakin 'pag nakita ko na ang kalagayan ni Nikolai.

Ngumiti ako at umiling. "Hindi na tayo puwedeng umatras, Lai."

Pagkapasok ko ng ospital ay agad akong nagtungo sa nurse's desk para tanungin ang room number ni Nikolai. At nang masabi na niya sa akin, ay agad ko itong pinuntahan.

Sobrang bilis ng tibok ng aking puso na para bang kahit na anong oras ay sasabog ito.

Tinitigan ko ang pinto ng kuwarto kung nasaan si Nikolai. Kakatok na sana ako nang bigla itong bumukas at tumambad sa akin ang isang mukha na hindi ko inaasahan.

Nanlaki ang mata ko, at gano'n din siya.

"Azrael?"

"Sadie?"

"W-What are you..." Hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin nang dumapo ang aking atensiyon sa tulog na si Nikolai na nakahiga sa hospital bed.

Hindi ako makapaniwala habang pinagmamasdan ang iba't ibang mga bagay na naka-kabit sa kaniya.

I Met A Ghost Named, LaiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon