Chapter 2

5 0 0
                                    

Kagigising ko pa lang ay dinig ko na agad ang ingay sa may sala namin. Nasa kwarto pa lang ako ay dinig na dinig ko na ang pagtatalo nila. Muli akong nagtaklob ng kumot sa aking mukha dahil ayokong lumabas para harapin sila.

"Huwag mo nang pakinggan." malamig na sabi ni kuya mula sa kabila.

Nasa iisang kwarto lang kami pero may manipis na plywood sa gitna namin na nagsisilbing division ng aming mga higaan at gamit. Malaki naman itong kwarto kaya nahati sa dalawa.

Close kami ni kuya noong mga bata pa kami. Palagi niya akong pinagtatanggol sa mga kalaro ko at kung minsan ay siya na lang ang nakikipaglaro sa akin para hindi na ako lumabas. Pero habang tumatagal ay lumalayo na kami sa isa't-isa dahil siguro nagkakaroon na kami ng sarili naming mga mundo.

Marahas ang pagkakatanggal ko sa kumot at tumingin nang masama sa kisame. Narinig siguro ni kuya ang pagtunog ng kumot kaya tumayo ito at lumabas sa side niya.

"Oh." inihagis nito ang earphone sa akin at bumalik na agad sa higaan niya. Hindi ko na magawang makapagpasalamat dahil nahihiya ako. Hindi ko na rin naibuka ang bibig ko dahil gusto kong umiyak. Pakiramdam ko ay nagbara ang lalamunan ko.

Wala siyang pinakitang emosyon. Palagi naman siyang ganiyan. Minsan, hindi ko alam kung naaapektuhan ba siya sa pag-aaway ng mga magulang namin at pinapakita lang na wala siyang pake o wala lang talaga siyang pakialam? Kahit isang beses, hindi ko pa nakikitang umiyak si kuya.

Dati, palagi pa akong umiiyak nang malakas sa harapan niya pero sinasabi niyang tumahan na lang daw ako at wala naman daw iyong magagawa. Simula noon ay sinasarili ko na lang ang iyak ko. Tahimik at walang makakarinig.

Masaya kami noon, hindi ko na lang alam ngayon. Nagsimula 'to noong nawalan ng trabaho si papa sa abroad dahil nagsara ang company na pinagtatrabahuhan nito. Umuwi siya ng Pilipinas at dito naghanap ng trabaho.

Mas maliit ang kita rito at mas mahirap ang trabaho kaya palagi itong pagod. Pagkauwi ay tatalakan pa ni mama kaya palagi silang nag-aaway. Hanggang sa palagi na lang umiinom si papa bago umuwi kaya mas lalong nagagalit si mama dahil kung saan-saan daw nito dinadala ang pera.

Pumunta ako sa spotify at nagpatugtog ng kanta. Si Charles ang gumawa ng playlist na 'to. Hindi naman talaga ako mahilig sa kanta. Oo, nakikinig ako kapag may nagsusuggest pero hindi ko gawaing makinig madalas dahil hindi ako makafocus sa ginagawa ko. Si Charles lang ang nagtulak sa akin na makinig sa mga kanta.

Si Charles... siya na naman. Siya naman kasi ang halos nandiyan palagi. Siya ang naiiyakan ko. Siya ang nasasabihan ko ng problema. Siya ang tumutulong sa akin para maglagpasan ang mga pagsubok na pakiramdam ko ay hindi ko kaya. Siya ang gumagawa ng mga bagay na dapat una kong mararamdaman sa pamilya ko. Kaya ayokong mawala si Charles. Ayoko. Hindi ngayon, hindi kahit kailan.

Panget man pakinggan pero pakiramdam ko ay siya na lang ang meron ako. Siya na lang ang kakampi ko dahil siya lang naman ang nakakaintindi at umiintindi sa akin.



"Umiyak ka ba?" tanong ni Charles noong uwian na.

Kinagat ko ang loob ng bibig ko dahil nagbara na naman ang lalamunan ko. Masyadong mababaw ang mga luha ko. Kapag hindi ako okay, tanungin mo lang ako ay iiyak na agad ako. Masyadong emosyonal. Madrama kung tawagin ng iba.

Alam ko na kanina niya pa napapansin pero hindi lang siya nagtatanong. Kapag tinanong niya kasi iyon habang hindi pa nagsisimula ang klase ay iiyak lang ako maghapon. Ayaw niya rin sigurong maapektuhan ako habang nagkaklase pa.

"Nag-away na naman ba sila?" lumapit ito sa akin at pinunasan agad ang nangingilid kong mga luha. Kahit hindi ako sumagot ay alam kong alam niya na ang kasagutan.

Hindi ko na napigilan ang mga luha ko at tuluyan na sila nagsibagsakan. Mabilis ako nitong kinabig at binalot ng isang mahigpit na yakap.

"Gusto mo na bang umuwi?" marahas akong umiling. Ayoko. Ayoko pa. Hindi ko nga gustong umuwi pa dahil panigurado ay nagtatalo na naman sila.

Pinatahan niya muna ako bago kami umuwi sa kanila. Nakalock ang bahay nila noong umuwi kami. May susi naman siya kaya nabuksan niya rin. Nasa kwarto ang kapatid nito at naglalaro sa tablet niya. Sampung taon pa lang si Clarrise pero masyado itong matalino.

"Hello, Cla." bati ko sa kaniya. Tumakbo naman agad ito sa akin at niyakap ako.

"Namiss po kita, Ate Gianne." sagot nito.

Wala na silang papa. Isang taon pa lang noon si Clarisse ay namatay na ito sa lung cancer. Hindi naman daw ito palainom at palasigarilyo sabi ni Charles. Ang mama naman niya ay lingguhan lang ang uwi rito dahil may trabaho ito sa Manila at stay-in ito roon. Sila lang dalawang magkapatid ang palaging naiiwan dito kaya madalas niya akong dalhin dito kapag hindi ako okay.

Nagluto si Charles ng pancit canton at iniwan muna kaming dalawa sa kwarto ng kapatid niya. Nanuod na lang ako sa tabi ni Clarisse. Napansin ko ang oras habang nakatingin sa tablet ng bata. Hinihiling na sana ay bumagal ang takbo noon. Ayoko pang umuwi. Gusto ko ay manatili na lang dito para makalimutan ang problema sa bahay.

ChaseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon