Chapter 23
BABE. Naging permanente na iyong endearment sa kaniya ni Tristan lalo na kapag nag-i-initiate ito na maging intimate sila.
Dapat kiligin siya ang kaso hindi naman maalis sa isip niya na iyon rin ang tawagan nito at ni Sunny.
Naalala niya ang unang beses na may mangyari sa kanila, honeymoon nila. Tinawag nito si Sunny. Hindi niya tuloy maiwasang isipin na baka si Sunny ang nasa isip nito habang may nangyayari sa kanila.
Hindi naman kasi malabong mangyari 'yon. Hindi malabong ginagawa lang siyang kasangkapan ni Tristan para punan ang pangungulila nito sa kapatid niya.
Pero aarte pa ba siya? Siyempre hindi na. Kaya nga pilit niya na lang inaalis iyon sa isip niya. Ine-enjoy na lang niya ang magandang samahan nila ni Tristan.
"Amelie, puwede mo bang kunin ang order ng nasa table five. Ihing-ihi lang ako, please?" pakiusap sa kaniya ni Jeka, ang kasamahan niya sa cafe.
Tumango siya. Katatapos niya lang maglista para sa mga sack ng mga kape na ginagamit nila sa cafe.
"Sure," nakangiting sang-ayon niya.
Kinuha niya ang ballpen at order pad sa cashier saka tinungo ang table number five.
"Good afternoon—" Natigilan siya nang makita kung sino ang costumer nila sa table number five. Sina Tristan at Sunny.
Halatang nagulat naman si Tristan nang makita siya. Si Sunny naman ay tila relax lang.
"One cafe americano, one black coffee, at dalawang blueberry cheese cake," ani Sunny na nakatingin sa menu nila. Nakangiting iniabot nito ang maliit na menu board. "Pakilagyan ng extra sugar ang black coffee. 'Yon kasi ang timpla na gusto ni Tristan. Right, babe?"
Napatiim-bagang siya at humigpit ang hawak niya sa menu board na iniabot nito. Mangani-nganing ihampas niya ang menu board sa mukha ng kapatid.
"What are you doing here?" tanong sa kaniya ni Tristan na parang hindi nito napansin ang sinabi ni Sunny at ang reaksyon niya. Sabagay bakit nga naman nito iisipin kung ano ang mararamdaman niya? Hindi naman siya nito mahal. "And why are you wearing that? Aren't you supposed to be in school?" Kunot na kunot na ang noo ni Tristan.
"Hanggang two pm lang ang klase ko. At kaya ako nandito para mag-part time, 'yon lang ba ang order niyo?" tanong niya na kay Sunny ang atensiyon. Hindi niya magawang tingnan si Tristan.
Nakatitig rin naman sa kaniya si Sunny. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pag-ismid nito, pero agad ding ngumiti sa kaniya.
Tatalikod na sana siya nang hawakan ni Tristan braso niya. Napalingon siya rito. Si Sunny naman ay napamaang kay Tristan.
"I'm sorry, Sunny. But I need to talk to your sister now," anito sa kapatid niya saka bumaling sa kaniya. "Halika," seryosong ani Tristan saka siya hinila.
"Tristan!" tawag naman dito ni Sunny pero hindi ito nilingon ni Tristan.
"Tristan, hindi ako puwedeng umalis. May trabaho ako!" aniya habang pilit binabawi ang kamay rito.
"Shut up, Amelie. Sa bahay tayo mag-uusap," ani lang nito at tuloy-tuloy siyang hinatak palabas ng coffee shop.
Pinagtitinginan na sila ng mga costumer. Maging ang manager niya ay tinangka silang lapitan, ngunit mabilis siyang nahila ni Tristan palabas ng coffee shop.
Nasa labas ng shop ang kotse nito. Binuksan nito ang passenger seat at isinakay siya roon. Kahit galit ito ay hindi nito nakalimutang alalayan ang ulo niya upang 'di siya mauntog. Mabilis na umikot si Tristan patungo sa driver seat.
BINABASA MO ANG
✔️ MY CHEATING HEART (completed)
RomanceDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...
