Chapter 36
HINDI sasapat ang pera niya kung mananatili siya sa motel kahit pa mura lang ang binabayad niya roon. Wala siyang alam na ibang mapupuntahan. Nagpasya siyang bumalik sa Manila. Sa bahay nila ni Tristan.
Hindi niya alam kung doon tumutuloy si Tristan ngayon. At kung nandoon man ito at hindi siya patuluyin ay makikiusap na lang siyang kuhanin ang gamit niya roon.
Lalo na ang labi ng anak niya.
Iyon na lang ang meron siya kaya nais niya iyong makuha, at kung saan siya pupulitin ay bahala na.
Baka maghanap na lang siya ng trabaho at maliit na boarding house. May mga alahas pa siya sa mga gamit niya na puwede niyang isangla o ibenta. Kailangan niyang itaguyod ang sarili niya dahil wala siyang aasahan ngayon.
Hindi siya puwedeng magmukmok na lang sa isang tabi dahil paniguradong pupulutin siya sa lansangan.
Bumiyahe siya pabalik sa Manila. Kinakabahan siya sa kahihinatnan ng pagkikita nila ng asawa. Madilim na nang makarating siya sa tapat ng subdivision kung saan sila nakatira. Nilakad na lang niya ang papasok sa subdivision nila dahil kailangan niyang tipirin ang perang hawak niya. Nagsisisi siya kung bakit nanatili siya sa motel gayong wala naman siyang ganoong kalaking pera.
Napahinto siya sa tapat ng two storey house nila. Nakatayo siya ngayon kung saan siya s-in-urprise ni Tristan at nag-propose ito.
Hindi na niya magawang maiyak pa. Nalulungkot siya at nasasaktan, pero ano pa ba ang magagawa niya?
Kasalanan niya naman ang lahat. Tapos na niyang sisisihin ang sarili niya. Na-realize niya na kahit isang drum pa ang iluha niya ay hindi na babalik ang anak niya. Hindi na siya mapapatawad ni Tristan—lalo na ang pamilya niya.
Kailangan niyang bumangon para sa sarili niya. Kahit mas masarap na lang mawala sa mundong ito at sumunod sa anak niya ang kaso hindi niya kaya.
Madilim ang buong bahay. Walang nagbago sa pisikal na anyo niyon, pero nawala na ang masayang kapiligiran.
Walang ilaw na nakabukas maski sa porch. Hindi siya sigurado kung dito ba umuuwi si Tristan. Wala siyang balita. Bl-in-ock siya ng mga kamag-anak niya sa social media. Pinariringgan naman siya sa post ng mga kaibigan nina Tristan at Sunny. Minabuti niya na lang na mag-deact ng account.
Wala rin naman siyang mukhang maihaharap sa lahat.
Kinuha niya ang susi mula sa bag na dala niya at binuksan ang gate.
Umingit iyon, parang nakatatakot na ang bahay nilang dati'y kay sigla. Binuhay niya ang ilaw sa sala.
Isinara niya ang gate nang makapasok siya. Wala ang kotse ni Tristan kaya sigurado siyang wala roon ang asawa niya. Pumasok siya sa front door.
Madilim ang buong kabahayan. Parang walang nakatira doon. Hindi nga 'ata umuuwi roon si Tristan. Binuhay niya ang ilaw at kumalat ang liwanag sa buong paligid. Malinis na malinis. Ganoon pa rin ang itsura niyon nang huli niyang iwanan.
Pumasok na siya nang tuluyan. May hapdi sa dibdib niya na pilit niyang winawaglit.
Umakyat siya sa itaas. Binuksan niya ang kuwarto nila. She misses the days when they would sleep together at night and wake up in the morning hugging each other. Hindi na 'ata mauulit iyon kahit kailan.
Kung alam niya lang, mas niyakap niya pa ito nang matagal. Pinili niya sanang mahiga sa tabi nito at hindi inuna ang paghahanda ng almusal.
Inilapag niya ang gamit niya sa sahig at naupo siya sa kama. Kinuha niya ang unan ng asawa. Naroroon pa ang amoy ni Tristan. Mahigpit niya iyong niyakap. She missed him so much.
BINABASA MO ANG
✔️ MY CHEATING HEART (completed)
Roman d'amourDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...
