Chapter 40
NAGBUBUNOT si Amelie ng mga ligaw na damo sa maliit niyang hardin nang may mag-doorbell sa gate.
Napaangat ang mukha niya para silipin ang kung sinumang nag-doorbell.
Naisip niyang baka grab ang dumating. Hindi kasi marunong magluto si Sunny. Ayaw naman nitong paglutuin siya o kung magluto man siya ay hindi naman nito kinakain. Unti-unti niyang idinidistansiya ang sarili. Lalo na kay Tristan.
Nais niyang isipin ng mga ito na okay na siya at kaya niyang alagaan ang sarili niya kahit wala siyang 'maalala' para kapag nagpaalam siyang bubukod ay hindi na magtaka ang mga ito.
Sa tingin naman niya papayagan na siya ng mga ito kapag nagpaalam siya. Nagpadala na rin siya ng mga email sa iba't ibang kompanya. May nag-reply naman sa kaniya. Bandang norte, bilang isang ahente. Kailangan na lang niyang ipasa ang final interview dahil pumasa naman na siya sa online exam ng kompanya.
Ibebenta niya na rin ang mga alahas niya na balak niyang ibenta noon para may magamit siya habang nag-uumpisa siyang ayusin ang buhay niya.
Nakaplano ang lahat sa isip niya. Sana lang ay makaya niyang umalis kapag kailangan na.
Nanatiling malamig ang pakikitungo sa kaniya ni Tristan. Si Sunny naman ay parang napipilitan lang siyang pakisamahan. Ramdam niya naman na naiilang ang dalawa dahil sa kaniya.
Tumayo siya upang tanawin ang gate. May lalaking nakapayong doon at nakatayo. Tirik ang araw at takot sigurong mainitan ang lalaki.
Lumapit siya rito at napatda siya nang makilala ang lalaki sa pintuan. Mukhang nagulat din ito nang makita siya. Bahagya pang umawang ang bibig nito.
Si Drake. Nakasuot ito ng polo-barong na may puting t-shirt sa ilalim. Itim na slacks at balat na sapatos.
Saglit na hindi niya malaman ang gagawin. Para siyang itinulos sa kinatatayuan niya. Paano niya ito haharapin? Maski ba rito kailangan niyang itago na nawalan siya ng alaala? Bigla siyang nalito sa nararamdaman niya.
"Drake?" malakas na tawag ni Sunny kay Drake. Kalalabas lang ni Sunny sa bahay at sinalubong ang kababata. "What are you doing here?" ani Sunny. Halatang may itinatagong lihim ang kapatid niya sa reaksyon nito.
Gusto niyang kagalitan si Sunny at sabihan ito na umakto nang normal. Halatang walang alam si Drake sa nangyayari o sa sitwasyon nila.
"N-Nandito pala si Amelie?" takang tanong ni Drake. Bakas din ang gulat sa mga mata nito.
Napalunok siya. Pilit na hinahamig ang sarili. "K-Kilala mo ako?"
Lihim niyang nalamukos ang suot niyang house dress. Ayaw niya naman na sanang dagdagan pa ang kasinugalingan niya at mandamay ng ibang tao pero . . . wala siyang ibang pagpipilian. Magiging komplikado ang lahat kung malalaman ng mga ito na bumalik na ang alaala niya.
"Ha?" Tila mas lalong naguluhan si Drake. Bumaling ang tingin nito kay Sunny. Si Sunny naman ay halos mawalan na ng kulay ang mukha.
"H-Halika muna, Drake, m-may ipaliliwanag lang ako sa 'yo," ani Sunny kay Drake. Tumingin pa sa kaniya ang kapatid. "Sandali lang, Amelie."
Marahan na lang siyang tumango. Sinundan niya na lang ng tingin ang dalawa na pumasok sa loob ng bahay. Bumalik naman siya sa ginagawa niya at doon kinalma ang sarili. Muli niyang dinampot ang maliit na pambungkal ng lupa. Hindi na niya namalayan kung gaano na siya katagal nakatitig sa binubungkal niya nang may magsalita sa likura niya.
Napatayo siya at nilingon si Drake na may alanganing ngiti sa mga labi.
"Hi," anito. Nakatayo ito 'di kalayuan sa kaniya.
Nginitian niya rin si Drake. "H-Hello . . ." Inilagay niya sa likuran niya ang mga kamay dahil hindi niya mapigilan ang panginginig niyon. Kinakabahan siya. Ramdam niya ang panlalamig ng pawis niya na tumutulo sa noo niya.
"Naikuwento na sa akin ni Sunny ang lahat . . . wala ka raw maalala?" anito. May lungkot sa mga mata nito.
Saglit siyang natigilan. Hindi ba ito galit sa kaniya? Kaibigan ito nina Sunny at Tristan. Malamang na alam na rin nito ang panlolokong ginawa niya kay Tristan.
"Kumusta ka na?" tanong ni Drake. Hindi niya namalayan na nakalapit na pala ito sa kaniya. "H-Hinanap kita . . ." may bikig sa lalamunang bulong nito.
Napatingin siya kay Drake. Malungkot ang mga mata nito na nakatingin sa kaniya. Wala ang galit na pilit niyang hinahanap dito.
"B-Bakit mo ako hinanap? N-Nawala ba ako?" Tumawa siya kahit pa halatang peke ang tawa niya.
Ngumiti rin si Drake. "Masaya ako na ayos ka." Tumikhim ito. "By the way, ako si Drake. Boyfriend mo," anito.
Nanlaki naman ang mga mata niya sa gulat dahil sa sinabi nito. Anong kalokohan ang sinasabi ni Drake sa kaniya? Lumapit sa kaniya si Drake na mas lalong nagpawindang sa kaniya. Hinawakan nito ang mga kamay niya at dinala sa mga labi nito.
"I'm sorry kung hindi ko agad nalaman ang nangyari sa 'yo. Edi sana napuntahan kita agad," anito.
Naguguluhan namang binawi niya ang mga kamay kay Drake.
"H-Hindi kita . . . hindi kita matandaan, pasensiya ka na," aniya at humakbang paatras para lagyan ng puwang ang pagitan nila.
Bumuntonghininga ito at namulsa habang nakatingin pa rin sa kaniya. "Ayos lang. Nandito ako para alalayan ka. Hangga't wala kang naaalala."
"O-Okay," aniya. Itinikom niya na lang ang bibig at sumakay sa mga pinagsasabi nito.
INABOT ng gabi si Drake sa bahay. Nagkuwentuhan sila. May mga picture itong pinakita sa cellphone nito na magkasama sila. Mga stolen shot na pictures niya. Kung hindi niya lang kilala si Drake ay iisipin niya na may gusto ito sa kaniya.
Dahil ano pa ba'ng magiging rason nito para papaniwalain siya na may relasyon sila?
Pero may duda siya na malamang na inutusan ito ni Sunny na gawin iyon. Na hindi naman na kailangan dahil aalis naman na talaga siya sa buhay ng mga ito.
Nadagdagan pa tuloy ang mga isipin niya. Namroblema pa siya kung paano pakikitunguhan nang maayos si Drake at aarte na wala siyang maalala.
Alas-sais nang dumating si Tristan. Nagulat ito nang maabutan si Drake.
"Boyfriend?" gigil na singhal ni Tristan kay Sunny nang madaanan niya ang mga ito sa kusina. Agad na hinila ni Tristan ang kapatid niya nang dumating ito at malaman na nagpakilala si Drake bilang boyfriend niya. Nagpaalam naman siya kay Drake na ikukuha ito ng panibagong tasa ng kape nito kaya naman nagtungo siya sa kusina. Natigilan siya. Nagkubli siya sa pintuan at pinakinggan ang mga ito.
"It was Drake idea, okay?" mahina ring bulong ni Sunny kay Tristan.
"And you agreed?"
"Well, why not? Malay mo ma-develope si Amelie kay Drake. At least bumalik man ang alaala niya, hindi na siya maghahabol sa 'yo."
Natigilan naman si Tristan. Hindi ito agad nakapagsalita. Hindi niya makita ang mukha nito dahil nakatalikod ito sa kaniya.
"At paano si Amelie kung si Drake naman ang hindi siya matutunang mahalin?" pagkuwan ay tanong ni Tristan. Banayad na ang boses nito.
May kirot siyang naramdaman sa isiping okay lang dito na maging sila ni Drake. Tama nga naman si Sunny, mawawalan ang mga ito ng problema kung sakaling mahulog siya kay Drake.
BINABASA MO ANG
✔️ MY CHEATING HEART (completed)
RomanceDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...
