CHAPTER 42

6K 206 18
                                    

Chapter 42

NAGING marahan naman ang mga halik ni Tristan nang maramdaman nito ang luha sa pisngi ni Amelie. Hindi na siya sigurado kung kay Amelie ba iyon o sa kaniya dahil hindi na rin niya napigil ang sarili na umiyak. Bumaba ang mga labi niya sa baba nito hanggang sa leeg nito, hanggang sa hindi niya na tuluyang nakontrol ang emosyon niya. Sumubsob siya sa leeg ni Amelie at niyakap ito nang mahigpit saka siya umiyak nang umiyak.

Nasasaktan siya na nasasaktan niya ito. Mahal niya si Amelie. Mahal na mahal niya ito. Kaya nang makita niya itong hinatid ni Drake at makitang nagpahalik ito sa lalaki ay para siyang sinuntok sa dibdib. Hindi siya makahinga. Takot na takot siya.

"Shhh . . ." alo niya kay Amelie nang manghina ang mga tuhod nito at mapaupo sila. Kinandong niya ito. Pareho silang umiiyak. Paraho silang nasasaktan. "I'm sorry . . . I'm sorry. Tahan na." Hinalik-halikan niya ang buhok nito. "I'm sorry if I scare you . . . I'm sorry."

"T-Tris . . . tan," humahagulgol na tawag nito sa pangalan niya. "I'm sorry . . . p-patawarin mo ako."

"Sshhh . . ." Binuhat niya ito at dinala sa silid nila sa itaas. Wala si Sunny dahil tinawagan ito ng ama at pinauwi. Inihiga niya si Amelie sa kama at nahiga rin siya sa tabi nito, muli niya itong niyakap nang mahigpit.

"I-I lied . . . n-nakakaalala na—"

"I know . . . I know, baby," putol niya sa sasabihin nito. Naramdaman niya ang paninigas ng katawan nito. "Alam ko na ang lahat . . . take a rest. Mag-uusap tayo bukas," aniya at mas hinigpitan pang lalo ang yakap dito.

SA LAHAT ng umagang nagising si Amelie, ito na 'ata ang pinakamahirap bumangon. Gusto niya pang makulong sa mga bisig ni Tristan. Mas lalong isandal ang likuran sa dibdib nito. Damahin ang pagkakalapit nila.

Pero mali . . .

Maingat siyang bumangon, inalis niya ang braso ni Tristan na nakapulupot sa kaniya. Dahan-dahan siyang umalis sa kama. Huminto lamang siya nang nasa pintuan na siya. Hawak niya ang seradura ng pinto pero hindi niya magawang pihitin iyon. Gusto niyang lingunin ang asawa ang kaso natatakot siya na baka hindi niya na ito magawang iwan.

Mariin siyang pumikit para pigilan ang luhang nais bumagsak. Pinuno niya muna ng hangin ang kaniyang dibdib bago tuluyang binuksan ang pinto at lumabas sa silid. Mabigat ang mga paang tinungo niya ang nursery room. Saka niya lang pinakawalan ang mga hikbi niya pero saglit lang. Hinamig niya ang sarili. Pinahid ang kaniyang mga luha saka kumilos.

Kinuha niya ang lahat ng gamit niya. Ang mga alahas na balak niyang ibenta. Ang mga damit na kaya niya lang bitbitin pati ang . . . natigilan siya. Malakas na kumabog ang kaniyang dibdib nang hindi makita ang kaniyang hinahanap.

"'Yong garapon ba ang hinahanap mo?" ani Tristan sa likuran niya.

Nanigas siya at hindi magawang lumingon man lang sa lalaki. Hindi niya gustong makita siya nitong umalis. Kaya nga nang maramdaman niyang nahihimbing na ito sa pagtulog ay maingat siyang tumayo.

Hindi niya alam na magigising ito agad.

"Itinapon ko na."

Nanlaki ang mga mata niya at marahas na napalingon dito.

"A-Ano'ng sinabi mo?"

"Itinapon ko na ang garapon na nakalagay sa gilid ng unan mo. 'Yong bagay na madalas mong iyakan gabi-gabi."

Napakurap-kurap siya sa sinabi nito. Nakikita siya nitong umiiyak? Pero bakit hindi niya ito napapansin? Lagi niya namang isinasara at ikinakandado . . . napalingon siya sa kisame. Pinanlamigan siya nang makita roon ang CCTV camera na nakalagay sa isang sulok upang mahagip ang kabuuan ng silid.

MY CHEATING HEART (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon