8

86.2K 2.1K 501
                                    

YSABEL MARTINEZ


Nakasalumbaba akong nakatitig sa kape. Anong oras na ba? Chineck ko ang suot kong relo at nakita kong alas dose na pala. Madaling araw na naman, dapat pala ay umuwi muna ako para kumuha ng pamalit kong damit.

Malinis pa naman ang suot kong damit, hindi pa ako nangangamoy mabantot. Kaso nga lang ay nakasando ako. Nilalamig na rin ako dahil ang suot kong t-shirt ay ginawa kong pantapal sa sugat ng lalaking binaril para hindi siya maubusan ng dugo sa katawan.

Namomroblema rin ako dahil sapat lang na pera ang mayroon ako rito at panggastos ko lang ito para sa pagkain ko. Para sa gano'n ay magkaroon man lang ng laman ang aking tiyan at hindi ako malipasan ng gutom.

Gusto ko na talagang umuwi subalit hinihintay ko pa na magising si Palermo, 'yung lalaking binaril at dinala ko rito sa ospital. Nalaman ko na kung ano ang pangalan niya. Dumating kasi ang mga kaibigan niya kaninang hapon at narinig ko na tinatawag siya sa pangalan na Palermo.

May tumawag din bigla sa cellphone niya habang binabantayan ko siya. Nagpakilala siyang kaibigan daw siya ni Palermo kaya hindi ako nag-atubiling sabihin ang nangyari sa kaibigan nila.

Kaya ayun, nasa itaas ang mga kaibigan ni Palermo at kasalukuyan silang nasa ward room niya para matignan ang kalagayan niya. Natulala pa ako sa angkin nilang kagwapuhan.

Halos lahat ng mga babae rito sa ospital ay napapatingin sa kanila at nagiging mala-giraffe ang mga leeg. Aba'y pang-artistahin ba naman ang mga itsura nila.

Nakausap na rin namin ang Doktor kanina, ang sabi niya ay ligtas na si Palermo. Anytime ay magigising na rin daw siya.

Gusto ko na rin sanang umalis na dahil dumating na ang mga kaibigan ni Palermo, habang 'yung isa naman ay nagpakilala na pinsan niya.

Nagpasalamat silang lahat sa akin dahil tinulungan ko si Palermo, pero nang i-kuwento ko sa kanila ang mga nangyari ay pinilit nila akong huwag munang umalis o umuwi hangga't hindi pa raw nagigising si Palermo.

Hinarangan pa nga nila ako dahil akma na sana akong aalis kaya napilit din nila ako na huwag munang umalis.

Sumunod na lang din ako.

Baka kasi ipa-hunting pa nila ako kung tatangkain kong umalis. Nakakatakot pa naman 'yung pinsan ni Palermo. Ano nga ulit pangalan niya? Samael ba 'yun?

Bumuntong-hininga na lang ako bago ako sumimsim ng kape nang maramdaman ko ang cellphone kong nag-vibrate bigla.

Pagkakuha ko nito sa bulsa ng pantalon ko ay nakita ko na naman ang pangalan ni Ryzza na nag-text.

Patuloy pa rin siya sa pagbabanta sa akin na kesyo kapag hindi ako nakauwi bukas ng umaga ay nasa labas na ang mga gamit ko. Wala na rin akong balita kung nasa loob pa rin ba ng kulungan sina Teresita at Ryan.

Hindi na lamang ako nag-reply. Bahala sila kung palayasin nila ako.

Napansin kong may taong nakatayo sa gilid ko. Agad akong napatayo nang makita ko si Palermo. Gising na pala siya.

May kaunti pa siyang bangas sa mukha niya kaya nagmumukha siyang maangas na bad boy. Pero anong ginagawa niya rito? Bakit tumayo na siya agad?

"Buti ay gising ka na---"

Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil mabilis niya akong sinunggaban ng yakap.

Nagulat pa ako at halos hindi ako makagalaw. Napasubsob pa ako sa dibdib niya pero bakit ang bango niya? Sobrang init din ng katawan niya.

Kung makayakap siya ay parang ngayon lang kami nagkita. Ngunit bakit feeling ko ay safe ako sa mga kamay niya? Pakiramdam ko ay walang makakapanakit sa akin kapag nakakulong ako sa bisig niya. Sobrang gaan sa pakiramdam kapag yakap niya ako.

IDLE DESIRE 7: MARKED BY A MAFIA (R-18) ✔ [UNDER EDITING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon