Kabanata 1

3 0 0
                                    

16

"Vanadis, tigilan mo muna 'yang komiks mo! Kakain na!" rinig kong sigaw ni nanay sa labas ng kwarto ko. Dahan-dahan akong tumayo mula sa sahig at itinupi ang pahina ng komiks para mabalikan ko ulit mamaya.

Hindi ko alam kung ilang oras na akong nagbabasa ng komiks sa sahig ng kwarto ko. Sabado kasi at walang pasok sa eskuwela. Madilim na sa labas kaya't napatigil ako nang makarinig ng sigawan sa labas. Mabilis na nag-ayos ako ng buhok at pinagpagan ang suot kong palda.

"Nay?" sumilip ako sa kusina at nakita kong nandito na naman iyong dalawang kaibigan ni Luz.

"Vanadis!" tili ni Luz, tumakbo pa ito papalapit sa akin at niyakap ako. "Bakit hindi ka lumabas kanina? Naglaro kaya kami ng kitkit palda."

Napangiwi ako sa sinabi niya at tinapik ang likod niya. "Nagbasa kasi ako. Sino na naman bang nanalo?"

"Si Kal siyempre," natatawang sagot ni Raziel na nakatalikod sa amin habang nag-huhugas ng pinagkainan kanina. "Masyado niya kasing ginalingan para raw makakain ulit dito."

Napangiti naman ako at lumapit kay nanay na nagsasandok na ng kanin. Tinulungan ko siya habang nakikinig sa pinag-uusapan nina Luz at ng mga kaibigan niya. Medyo napapadalas na ang pagtambay nila rito tuwing gabi matapos nila maglaro sa labas ng kalsada. Sabi kasi ni nanay na dapat raw mas dalasan ko lumabas kasama si Luz, hindi ko rin naman nagagawa dahil hindi ako komportable sa labas. Si Luz na lang ang nagpresenta na magpunta dito para pantayan ang interes ko kahit papaano.

Hindi nga lang niya magawang magbasa ng komiks kahit pahiramin ko siya.

"Alam niyo na ba ang kukunin niyong kurso pagkatapos ng graduation?" mahinang tanong ni Kal habang pinupunasan niya ang mesang pinagkainan.

Napatingin sa akin si Luz at nagkibit-balikat lang siya. "Ikaw ba?" balik tanong ni Raziel.

"Baka kumuha na lang ako ng edukasyon, ano?" bumuntong-hinga siya at naupo na lang.

Dahan-dahan kaming naupo isa-isa sa harap ng mesa at nagkatitigan. Di nagtagal ay sabay sabay silang natawa nang malakas. Napailing na lang ako at napangiti ng marahan. Nagpapasalamat na kahit papaano ay nakilala ko sila.

"Hindi na masama ang edukasyon." Tumayo ako at nagpunta sa silong ng lababo. "O kahit ano, hindi ko pa kasi naiisip 'yan."

Nang mailagay ko ang plastik ng hinog na mangga sa ibabaw ng mesa ay mabilis na tumakbo si Raziel para kumuha ng kutsilyo. Si Luz ay dali daling kumuha ng isang tabo na may tubig. Si Kal ay mas nilapit lang ang upuan niya sa mesa at nagmamadaling binuksan ang plastik.

"Shh," mahinang saway ko sakanila nang halos di na sila magkamayaw dahil sa tuwa. "'Wag kayong maingay at baka palayasin ako ni nanay."

Napuno na lang ng mahinang hagikgikan at kwentuhan ang mesa. At sa gabing 'yon, natulog akong payapa at masaya sa kauna-unang pagkakataon. 

A Soul Thrown AwayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon