Illicit Revered

229 15 2
                                    

Binuksan na ang pinto ng simbahan. Nang makita kita ay nangiti ako dahil nasuot mo na ang iyong pinapangarap na kasuotan. Saksi ako kung paano ka maglakad nang dahan-dahan sa gitna ng simbahan habang balot ng puting belo.

Bakas ang saya at kaba sa iyong mukha.

Ang lahat ay nakatayo sa harap ng kani-kanilang upuan at ika'y pinagmamasdan.

Tila ba'y bituin na nagniningning ang iyong mga mata habang akin itong tinititigan.

Tumulo ang luha mula sa'yong mga mata, at sa mga oras na 'yon, alam kong tumatalon ang puso mo sa kaba.

Tulad ng sabi mo sa'kin noon. Noong naging magkaibigan tayo habang tayo'y nasa kolehiyo.

"Saka na 'ko papasok sa isang matinong relasyon, kung alam ko na 'yong taong 'yon na ang maghihintay sa'kin sa harapan ng altar," wika mo.

"Nandito lang naman ako, ah," banat ko sabay sabi ng "Biro lang."

Pinagtawanan mo lang ako. Oo, alam ko namang malabong mangyari iyon, malabong maging tayo.

Sa tagal natin noong magkaibigan, maraming beses ko ng pinag-isipan na umamin sa'yo. Ngunit maraming beses ko ring pinigilan ang aking sarili.

Minsan, napapatanong na lang ako sa sarili ko kung huli na ba. Kung may pag-asa ba 'ko sa'yo. Pero mas minarapat kong manahimik at ipasa Diyos ang lahat.

Pwede bang mas higit pa sa kaibigan? Pwede bang ako na lang ang iyong pakasalan?

Para sa'kin ikaw na 'yong taong gusto kong makasama habang buhay. Sino bang hindi magkakagusto sa isang tulad mo? Maganda ka, matalino, simple, may sense of humor.

Kaya hinintay kita hanggang sa makapagtapos tayo. Ang kaso, hinihintay mo rin ba 'ko na umamin sa'yo? O may hinihintay pa ba 'ko?

Isang araw, niyaya mo 'kong lumabas dahil may sasabihin kang importante. Kumabog ng mabilis ang puso ko no'n, pinaghandaan ko iyon.

Pumorma ako noong gabing iyon, nagagalak ako at kinakabahan sa iyong maaaring sabihin.

Noong magkita na tayo sa parke. Tanging ilaw lang ng poste ang nagbibigay liwanag.

"Handa ka na?" Tanong mo sa'kin na 'tila ba'y may pag-aalinlangan.

Nagbuntong hininga ako at lumitaw ang ngiti sa'king labi. "Oo," ang sagot ko.

Nang biglang may lumabas na lalaki sa iyong likuran.

"Boyfriend ko nga pala," sambit mo.

Unti-unting nawala ang ngiti sa'king labi. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Tila ba'y nabasag ang puso ko at nagkapira-piraso.

"Co-congratulations," nauutal kong sabi habang nangingilid ang luha sa'king mga mata. Tiningnan ko kunwari ang aking telepono. "Teka, tumatawag si mama, sagutin ko lang," ani ko at nagmadaling umalis.

Umalis na 'ko at hindi na muling nagpakita pa sa iyo.

Hanggang sa dumating ang araw na ito, hindi ko alam na ako pala ang magkakasal sa inyo.

Laking tuwa kong masilayan kang muli, at masaya akong ikakasal ka na sa taong iyong pinili.

Sa taong binigay sa'yo ng Panginoon.

Marahil ay hindi talaga tayo ang para sa isa't-isa. Ganon talaga, kapag natagpuan natin ang itinadhana sa'tin ng Panginoon para sa atin, doon tayo tunay na nagiging masaya.

Wala akong pinagsisisihan mula noong nagsilbi ako sa kan'ya.

Salamat dahil naging daan ka upang makapagsilbi ako sa kan'ya.

Stories To Tell In The RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon