KABANATA 15

1.1K 18 1
                                    

Imbes na mabawasan ang atraso niya kay Desiree ay mas lalo pa itong nadagdagan. Simula noong gabing nakasama niya ito sa iisang kuwarto ay nangako siya sa sarili na hindi na niya ito guguluhin pa pero hindi ganoon ang nangyayari.

Bumawi naman kaagad siya noong gabing 'yon. Hindi nga lang talaga siya pumayag na lumabas ng kuwarto si Desiree bagkus ay siya na mismo ang nagparaya na sa kama ito matutulog at siya naman sa sahig.

Noon lang din niya nalamang niloko si Desiree ng dati nitong karelasyon. Nakuwento ng ina ni Desiree sa kaniya kung paano ito naging miserable nang iwan siya ng ex nito. Hindi niya akalaing makakaharap pa pala niya ang lalaking iyon at makakasama sa inuman.

Maling sinaktan niya si Desiree. Maling sinaktan niya ang babaeng nagtiwala ulit at umasang may matino pang lalaki na magmamahal sa kaniya ngunit ginago lang niya ulit.

Hindi rin naman siya masisisi kung bakit ganito ang pakikitungo niya sa mga babaeng dumarating sa buhay niya ngayon. Dahil noong araw na handa na siyang mag-alok ng kasal sa babaeng pinakamamahal niya ay nahuli niya mismo itong nakikipagtalik sa iba.

Pareho naman silang nakaranas ng mapait na nakaraan sa piling ng iba kaya dapat silang dalawa ang magkasundo ngayon pero iba ang nangyayari.

Tuloy, nang dahil sa kalasingan niya kagabi, umiral na naman ang katabilan ng kaniyang dila. Wala sa wisyo siyang nagising ng madaling araw at tumawag sa ina ni Desiree upang sabihing buntis ito. Akala nga niya ay nagawa lang niya 'yon sa panaginip ngunit sa totoong buhay na pala.

"A-anong namang masama roon, e mag-asawa naman tayo. Expected na nila 'yon." Nasigawan pa siya ng asawa dahil sa katwiran niya.

"Silas, nag-iisip ka ba?" Namumula na si Desiree sa sobrang galit. Kahit pa humingi siya rito ng tawad ay hindi nito iyon tatanggapin.

"Gaano ka naman kasigurado na hindi ka gagaguhin no'ng lalaking naghatid sa 'yo rito no'ng isang gabi?" seryoso niyang tanong.

"Wow!" hindi makapaniwala nitong sabi. "Coming from you, Silas Balmores," sabay iling nito. "Noong nagpaulan ng kumpiyansa ang kalangitan, ikaw yata ang unang una na nakipagsiksikan para saluhin 'yon. Ang lakas naman ng apog mo. Kung makapagsalita ka akala mo ang ang linis linis mo. Gusto mo yatang magkaroon pa ako ng utang na loob sa 'yo dahil kunwari pinagtatanggol mo ako sa mga taong katulad mo. Gano'n ba 'yon?" singhal nito.

"Hindi, Desiree! Hindi." Umagang-umaga ay ganito kaagad ang bungad. "Hindi mo ba nakikita? Pinagsisisihan ko naman ang ginawa ko, 'di ba? Sinusubukan ko namang itama lahat 'yon sa abot ng makakaya ko."

"Dapat ko bang ipagpasalamat 'yon, Silas? Sinabi ko bang gawin mo 'yon para sa akin? Hindi naman, 'di ba? Hindi ko naman hiningi 'yon," maluha-luha nitong tugon.

"Kung mapupunta ka man sa iba, sisiguraduhin kong hindi ka sa katulad kong gago babagsak, Desiree," seryoso niyang pahayag.

"Huwag ka ng mag-abala pang gawin 'yon, Silas. Sanay na ako roon. Sanay na sanay na."

Iyon na yata ang pinakamasakit na salitang narinig niya mula sa asawa. "Kung ginagawa mo lang 'to dahil naaawa ka sa akin, pasensiya na pero hindi ko kailangan ang awa mo," anito at naglakad na papasok sa kuwarto.

*****

Maghapong nakahilata si Silas dahil sa matinding hang over. Namura pa niya si Brixton dahil sa pag-aya nito sa kaniyang uminom. Kasalanan rin naman niya dahil nagpakalango siya sa alak kahit alam niyang may trabaho siya kinabukasan.

Nakaubos na siya ng limang tasa ng kape ngunit wala pa rin itong epekto sa kaniyang sistema. Pumasok siya sa banyo at doon nagbabad. Hinayaan niyang umagos sa hubad niyang katawan ang tubig na nagmumula sa shower.

Biglang pumasok sa isip niya si Desiree. Kung dati ay kating-kati siya na iwanan ito, ngayon naman ay parang ayaw na niya itong pakawalan. Kasalanan din naman niya ang lahat. Kung tinrato lang niya nang maayos ang asawa, baka mas lalo pang nahulog ang loob nito sa kaniya.

"Desiree..." mahina niyang sambit habang nakatingala ang mukha sa shower. "Bakit mo ba ako pinahihirapan ng ganito?" Ito ang mabigat na problema niya ngayon. Nalilito at nahihirapan.

Natulala na lang siya nang pumasok sa isip niya ang sinabi ni Desiree kagabi. Nahihirapan siyang pumili sa pagitan ng katanungang, awa lang kaya ang nararamdaman niya rito o tuluyan nang nahuhulog ang loob niya sa asawa?


**********

Please do comment, vote, and share. Thank you!!

One Hot Night in Room 69 (Lust & Love Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon